SICILIAN MOVE, BIYAHENG TIMOG
Ni: Rhoderick Ramos Ople
UNANG BAHAGI
Agosto 11, ganap na ika 6:30 ng hapon ang biyahe ng barko patulak ng Palermo, Sicily. Maaga pa lamang ay kargado na ang mga maleta at inilagay na ang mga bagahe sa likod ng kotse. Na-tsek na ang mga tiket, green pass, atik sa bulsa. Labing-siyam na oras din na papalaot sa dagat.
Pagdating sa pantalan, bahagyang nakauna sa pila. Lulan sa kotse ang aking dalagita na si Alexandria at banedosang hipag na si Myla. Sa isang kotse naman sina Frediemor na ingat-yaman ng Ofw Watch Italy, kanyang Batangenya na kabiyak at anak na dalaga.
“Dokumento” ang sabi ng kontrol, sabay pakita ng aking Carta Identita. Akala ko ay tapos na, sunod na hiningi ang sa aking anak. “ Patay”, sumagi sa isip ko. Hinuha ko agad na mas malamang naiwan ko ito. Kahit paano ko bulatlatin ang wallet na dala, ni isa sa mga dokumento ng anak ko ay wala! Kaya, hindi pwedeng bumiyahe. Hindi rin pwede ang xerox o picture. Dapat totoong dokumento!
Kaya, abot ang pindot sa mga numero ng aking cellphone. Tawag sa kabiyak, walang sagot. Tawag sa aking anak, hayun sumagot pero abala ang kanyang dakilang Ina. Teka, oo nga pala , tsek -ap sa doktor ng aking bunso. Hindi sila makakasama dahil sumabay ang lintek na lagnat.
Sunod na naisip ang employer, oo, ang Amo na noong nakausap ay naka-reposo. Sa madaling salita, bumiyahe ng 45 minuti ang bagong gising na si Boss para maghatid ng dokumento ng kanyang kasambahay, tuldok!
SA BARKO
Unang pagkakataon sa barko kung saan nakalulan din ang kotse. Naubos na yata ang kuwento pero gising pa rin. Kape, noodles, kape, tinapay, tawanan, kape, tsismisan, scroll ng screen ng smartphone, lingon sa kaliwa at kanan, biling ng katawan, higa, pikit ng mata, hilik ng katabi at amoy na kahit naka mask ay langhap pa rin.. Kaya mas madalas lumabas sa balkonahe. Sariwa ang hangin. Kahit malagkit sa balat.
Hatinggabi na ay bukas pa rin ang ilaw. Kaya kahit maliwanag, nagsimula na kaming maglatag ng sleeping bag. Kanya-kanyang unat ng likod. Galit-galit muna. Wala munang pansinan. Bahala na si Batman kung sino ang malakas maghilik! Ang misyon - makatulog, magalit na ang magalit..
PALERMO
Maagang nakadaong ang barko sa Pantalan ng Palermo. Mabilis din nakalabas ang sari-saring sasakyan na lulan nito. Kagyat kaming tumungo sa Hotel de Orleans para makapagpahinga, makapaligo at ng maibsan ang init.
Sa Hotel, wala pa ang aming mga kabagang at mga ka Owatch na sina Ghie at Miriam na kung biruin ay GMA. Mas maganda daw siya kay Gloria at higit doon, hindi siya nasangkot sa mga anomalya bilang kilalang lider ng ACF sa Messina. Si Ghie naman ay kababayan ko sa Bulakan, kasapi din ng NC ng Owatch.
TALIPAPA, PALENGKE, ISDAAN
Ilang sandali pa ay dumating na ang dalawang magpakner. Matapos makapagpahinga ay nagkayayaan na. Saan mamamasyal at saan ang hapunan?
Dahil bagito sa lugar, aming kinonsulta ang bantay sa Hotel. Itinuro kami sa isang Restaurant. Tamang-tama, sa tulong ni Google Map, naikot namin ang sentro ng Palermo, nakita namin ang Cathedral at natunton namin ang isdaan kung saan doon tinapos ang aming hapunan. Lagutok ang inorder na frittura di mare, ensalata di mare, tahong, spaghetti alle vongole at masarap na schiacciatina, pinadulas pa ng bote ng beer.
Bahagyang nalungkot si GMA dahil sa dakong unahan ay may pwesto na mas kaiga-igaya dahil mas maraming klase ng isda na inihaw at pwedeng ikaw mismo ang magturo ng nais i-order. Ganoon pa man, natapos na masaya ang grupo. Kinabag sa katatawa. At tumaba daw ng 2 kilo matapos ang hapunan.
MULA SA BAYAN NI CORLEONI PATUNGONG MESSINA
Mas pinili ng grupo na baybayin ang Strada Statale kaysa dumaan ng Autostrada. Dahil dito, aming napagmasdan ang magandang dagat ng Sicily, mga baybay, masarap na hangin at magagandang bayan tulad ng Ceffalu, Barcellona, Monreale, Tindari Citta di Patti -kaya katakot-takot na kodakan ang nangyari. Apat na oras na singkad bago kami nakarating sa Probinsya ng Messina.
Sa Messina, malaki ang komunidad ng mga Pilipino. Tumuloy kami sa bahay ni G. Danilo Maliglig na Bise-Presidente ng local na tsapter ng Mabinians at kasapi ng NC ng Ofw Watch Italy. Sinalubong kami ng matamis na ngiti, Birra Messina at paksiw na galunggong na binalot sa dahon ng saging, palamite, pusit, kaldareta at adobo. Mas pinoproblema namin paano uubusin kaysa ano ang kakainin. Sa loob-loob ko, patay ang diyeta!
Kinabukasan, habang ako ay nagjo-jogging sa paligid ng Pamahalaang Bayan ng Messina, napahinto ako sa tapat ng mga halamang gumamela sa paligid nito. Mabilis na bumalik ang aking isip sa aming tahanan sa Pinas.
Sa aming tarangkahan , bubungad ang iba’t ibang kulay, porma, hugis ng bulaklak na nakapalibot at nagsisilbing bakod na rin sa bahay.
Kawili-wili na ilagay ito sa tainga ng isang paslit. Bubugkusin upang ilagay sa ibabaw ng lamesa bilang dekorasyon. Halaman na matingkad ang kulay habang nakasilong sa liwanag ng araw at mahiyain sa patak ng ulan.
Maaga pa lamang ay tumungo kami sa Bar para tumikim ng totoong granita. May briosche na animo UFO. Puno ang mga lamesa. Daming kostumer na nag-aalmusal. Sagot ni Bro. Danny ang masarap na delicacies ng Sicily.
Kinabukasan ay sa bahay kami ni GMA nagtanghalian, simple lang subalit kapansin-pansin ang mga bags, sapatos na pulos de marka o de tatak. Naisip naming, ganyan siguro kapag galing ng Malakanyang ang host ng kainan. Mahalaga ay hindi galing sa korapsyon ang ipinangbili.
Dahil Ilokana, nakahain sa dulang ang ginataang gulay na may alimasag at hipon, daing, pinakbet, inihaw na pusit, danggit, tortang talong at tamalis. Busog at malusog. Naglabas pa ng sorbetes na gawang- bahay at cappuccino bago pumunta sa dagat.
TEAM BUILDING NG MGA KA-OWATCH
Anibersaryo ng Owatch Sicily. Isang taon na pala ang mga pasaway este mga kasama sa pakikibaka. Tumawag na sa telepono ang unang kontak at nakatulong sa pagbubukas ng mga tsapter ng Owatch sa Timog – walang iba kundi si Mari Tess de Castro. “ Nasaan na kayo fratello?”, yan ang tawag niya sa akin. Malutong pa sa sitsaron ng Bulakan kung ituring.
Sa halip na maghanda, nagkasundo na lamang na magkaron ng Team Building ang mga matatanda este mga ka Owatch. Dumating sa lugar si Ka Natty, Nanay kung tawagin ng lahat at si Ate Marilyn. Mainit pa sa 47° ang pagtanggap nina Vivian, sekretaryo ng Owatch Sicily, Sharon Sebastian na Presidente ng rehiyon, kapatid na Arman ng Mabinians, fraternity na Tau Gamma Phi, mga taga ACF at kasama sa Owatch na sina Ghie, Tess, Danilo at mga local na lider na kasapi ng alyansa.
Di magkamayaw. Masaya at sa kabila ng maiksing oras, may natutunan “daw” sila sa Team building na idinaos. Kinagabihan nagtungo ng Liberta ang grupo. Parang baywalk sa Pinas. Ang pagkakaiba, walang dolomite. Dahil siguro masaya ang natapos na anibersaryo, nagkanda-ligaw-ligaw kung saan ang tagpuan.
Kongklusyon – “epektibo nga ba ang Team buiding execises na isinagawa?”.
PATUNGONG GIARRE AT RIPOSTA
Araw ng Linggo, ika-15 ng Agosto, patulak na sa Catania. Nagkasundo na bisitahin ang La Basilicata Cattedrale di Sta Maria Assunta. Ayon sa mga kwento ay lumubog ang Duomo noong 1908 sanhi ng lindol. Gumuho ang kisame, nawasak ang harapan at malaking parte nito. Sinasabi ng mga eksperto na ang sentro ng lindol ay nagmula sa Lisbon, Portugal noong Disyembre 28 na may kasunod na Tsunami kung saan maraming mga bayan ang nasira sa mga baybayin, isa na ang Messina.
Dito pala namin natikman ang pinakamasarap na Canoli na may sariwang ricotta na palaman na binudburan ng pistachio.
Pero bago bumiyahe, naghanda na naman si pareng Danilo ng pang-isangdaan katao. Gumawa din ng leche plan ang mister ni Vivian na kasing -laki ng bilao. May pabaon pa na siopao si Ate Tess na siya namang nakahanda kung magutom sa daan.
Wala pang isang oras ay nasa Giarre na kami. Napansin na namin agad ang maiitim na tila buhangin at pulbos sa mga kalsada. “oo nga pala, dito nga pala makikita ang bundok ETNA. Ng araw din iyon ay dumating na ang aking kabiyak at anak. Hindi namin nadatnan sa bahay dahil kinayag na mamasyal ni Aling Edna sa kanilang gulayan. Kaya sa unang pagkakataon, nakakita ng puno ng mangga at abokado si Mely at Karl , ang aming dalawa’t kalahating taon na bunso.
Sa aming hapunan ay nakahain ang 4 staggione, salame picante, capriciosa at margarita na inorder sa malapit na Pizzeria at isang wataw na Yaki-Udon na niluto ng kapatid na Ghie na Bulakenya. Busog na naman ang mga bakasyonista.
Kinagabihan ay tumungo na sa bahay ni Presidente Orlando Sebastian ang pamilya ni Frediemor at kami ay naiwan sa apartment ni Ghie. Nirentahan daw niya iyon para makumpleto ang rekisitos para sa kanyang soggiorno. Sa wakas ay naiayos na aniya ni Ghie, isang single parent na caregiver at dating ahente ng TFC.
BUNDOK ETNA
Ang unang reaksyon ay, mainit at ano ang makikita dito lalo na at isa ito sa pinaka-aktibong bulkan sa buong mundo? At ng araw na aming binisita ay talaga namang umuusok pa at patuloy na nagbubuga ng maliliit na buhanging itim.
Matarik, madulas at mahaba-habang lakbayin din pala bago kami makarating sa isa sa mga lumang bunganga ng bulkan. Sa tuktok ay may funivia, may bar, at malaking paradahan ng mga sasakyan. Ang daming turista.
Sa aming pinuntahan ay may isang bahagi ng bundok na matatanaw mismo si Haring Etna. Malamig ang hangin. Sariwa, nagpapagaan sa katawan. Bahagyang pumawi sa hapo, hatid ng mataas na temperatura sa ibaba. Ang ganda ng tanawin. Tanaw ang mga nakapaligid na syudad. Kahanga-hanga ang kalikasan.
May ilan pa na nagpapakuha ng litrato habang tumatalon. Ewan ko kung bakit. Pero ang aking tingin,masaya sila nang ganoon.
MAY SAKIT SI BUNSO
Pupunta pa sana agad sa Taormina ang grupo. Pero nagpaiwan na kami sa bahay. May lagnat na naman si bunso.Matamlay. Malamlam ang mata, walang sigla. Kaya ang tumulak na lamang ay ang grupo ni Mareng Elvie.
Kinaumagahan ay kagyat kaming nagtungo sa ospital. Nakadalawa na kaming klinika, walang pag-asa. Kaya napilitan kaming bumiyahe ng Catania Provinicial Hospital para ipatingin ang dating napakalikot at madaldal na si Karl. Mabuti at walang pila. Kaya maaga din kaming nakabalik sa Riposta.
Kinagabihan, buo na muli ang grupo na tumungo sa Taormina. Pero kumain muna sa isang Italian Restaurant. Nakalimutan na naman ang mga sinusunog na fats, cholesterol, uric acid at gout. Muli na naman rumagasa sa tiyan ang mga lutong lokal at sariwang isda. Kaya hayun, may tutunawin na naman.
UWIAN NA. HALIKA NA SA SALERNO
Muli naming ninamnam ang Capuccino at mga dolce sa Catania. Di pa umaarangkada ang sasakyan ay tumatawag na si pareng Danny ng Messina. May inihandang daing, sariwang isda, paksiw na galunggong at pinadadaanan ito sa pier kung saan andon ang traghetto patawid ng Reggio Calabria. Hindi pa nga raw pinalitan ang ayos ng kama sa kanilang bahay at baka maisipan pa naming matulog muli sa kanila.
Hindi magkasya sa aming sasakyan ang tiklis-tiklis na mangga at iba pang mga pauwi. Pinuno ang aming cooler ng tubig na malamig at yelo dahil apat hanggang limang oras na biyahe mula sa Pier ng Villa San Giovani Calabria para marating ang Salerno.
Salamat sa mga regalo at pasalubong. Pero higit sa mga bagay na ito, ang alaala at masasayang sandali na hindi mabibili ng salapi. Mga pangyayari na sa hanay nating mga manggagawa sa abroad ay panandaliang pagtakas sa mga sakripisyo, pagod, inip, lumbay at pagkaulila.
Balik-Toscana na.
Comments