Ni: Rhoderick Ramos Ople
PAGLALAKBAY SA KATIMUGAN - Ikalawang Bahagi
MOZZARELLA AT LIMONE
Sa wakas, makakatakas na kami sa init. Sa init ng panahon na tuyo at salat sa hangin. Pangalawa, malungkot na pagtakas sa mga kasama natin sa Samahan at sa kanilang napakainit na pagkalinga at pag-aasikaso. Ang ilan sa kanila ay sinadyang lumiban sa trabaho. Nagbayad ng substitute at higit sa lahat naglibre. Oh di ba!
Nakalulan na kami sa barko mula Porto ng Messina patawid ng Villa San Giovani Reggio Calabria. Mas matagal pa ang ipinila namin sa ibiniyahe nito. Habang lumalabas kami ng traghetto ( ferry), papasok naman ang ibang sasakyan sa upper deck, na bibiyahe patungong
Sicily.
May mga opinyon o haka-haka na kaya di matuloy ang planong tulay na magdudugtong sa dalawang probinsya ay magdudulot ng pagkalugi ng mga negosyante na nagmamay-ari ng barko na pampasahero, kargo at turismo. Kung magkakaron nga naman ng tulay, sino pa ang sasakay sa barko. Sa kabilang banda, paano naman ang mamamayan na makikinabang sa pinaplano na tulay?
BIYAHENG SALERNO
Huminto muna kami sa isang auto grill bago tuluyang bumiyahe patungong Campania. Nagtanghalian, nagkwentuhan, inayos ang navigator, nagkarga ng gasolina, umihi at nagwisik ng tubig na malamig sa mukha. At minsan pa, tumanaw sa aming pinanggalingan. Isang tanong ang nabuo sa isipan ng bawat isa., kailan kami babalik ng Sicily? Parang bitin. Kulang pa ang mga araw na aming inilagi sa bubong ng mga kababayan natin. Oo nga at busog ang mga mata, tila hindi sapat. Kontento sa bawat inilakad ng aming mga paa subalit may gusto pa ang aming isip.
DAANG ZIGZAG, MATAYOG AT MAHABA
Sa tuktok ng mga bundok tumatahak ang aming daan. Tumatagos ito sa mga bato, sa lilim ng mga punong naglalakihan, sa mga tiningkal na lupa at mga dalisdis na daanan ng mga mangangaso at mga adbenturista. Ang dating bulubundukin na tanging mga ligaw na hayop ang naghahari ay tinatawid na ng iba’t ibang sasakyan. Ang noon ay iniikot na burol, talampas at pananawid sa mga baybay ay pinaiksi at pinabilis ng teknolohiya at nagbabagong panahon.
Habang pilit ginugupo ang apat na oras na biyahe, may mga bahagi ng daan na sadyang matarik. Halos humalik na sa ulap sa gitna ng tanghaling tapat na biyahe. Paahon, palusong, paliko-liko at patag na kalsada. Ang ulap ay makapal na asul at puti na nagkukubli sa matalas na sinag ng araw. Ang hangin mula sa paligid mula sa oksihenong binubuga ng mga dahon ay nagpapasayaw sa mga puno at dahon. Isang napakagandang tanawin. Marilag. Buhay. Mahiwaga.
Iba na talaga inabot ng talino ng mga tao. Napakalayo na ng syensya. Mahigit walong motorway resto ang aming nadaanan. Lahat ay may sari-saring inumin, sitsirya, sigarilyo, alak, meryenda, mga pang-regalo, magnets, laruan, gadgets at kung ano-ano pa na tatakam sayong pagod na mga mata at isip. Bubuhayin ang iyong sigla. At parang magnet na kukunin ng iyong kamay ang pitaka na nakasuksok sa’yong bulsa. Tatiyaniin ang nakaipit na datung upang pumulot ng kahit anong bagay na tatanggal sa iyong antok.
SA BAHAY NI KABAGIS
Nakita na namin ang numero ng bahay. Ito na yata ang tirahan ng mag-asawang Max at Jean Alvis. Hinihintay naming dumungaw sa balkonahe ang isang lalaking nilisan na ng kanyang mga buhok ( joke only po). Madalas lang naming nakikita na sumasayaw kapag nanaig na si arkanghel at ginanahan na umindak. Ayon sa kanyang kabiyak, minana daw ang talento na ‘yon sa kanyang ama. Sikat na mananayaw sa kanilang bayan.
Lumabas na ng bahay si Sis Jean para kami ay salubungin. Hanggang tainga ang ngiti. Tila dumaloy hanggang sa kanyang mga pisngi ang mga dugo sa katawan. Mababakas ang saya. Halatang naghihintay o di kaya ay nanulay din sa kanyang imahinasyon ang mga lugar na tinawid ng aming sasakyan.
Sa kusina, kung saan ang paboritong istasyon ng mga bumibisita kaninoman tahanan, sa halip na ang salas – amoy na agad ang mga niluluto. Pero bago namin nasilayan ang aming magiging hapunan, pinatikim kami ng malamig na limonata. Animo pamaypay na humupa ang aming pagod ng sumayad sa aming labi at tuluyang sumuksok sa aming bibig ang inumin.
HAPUNAN AT ANG AMALFI
Matapos itumba ng mga gutom na tiyan ang pinakbet, longanisang ilokano na parang kikiam ang laki, fruit salad, kaldareta at isang wataw na kanin, pinag-usapan na saan pupunta. Teka, humirit pa pala ulit ng dalawang pitsel na limonata.
Nagplano na muna kung saan matutulog ang tropa. Ang isang grupo ay sa bahay ni Sis Nancy at Bro Gil na pawang mga kasapi at opisyal din ng Owatch sa antas Rehiyon. Ang dalawa ay mga pamosong nagtatanim ng mga gulay sa Salerno. Bihasa din magdadaing o sa maiksing salita – negosyante. Ito ay sa kabila na sila ay may mga regular na pinapasukan na trabaho.
Amalfi ang target ng grupo. Apatnaput-limang minuto mula sa aming tinutuluyan. Sa wakas, aming masisilayan sa gabi ang isa sa pinakamagandang coastal area ng Campania. Dating baryo ng mga mangingisda na ngayon ay isa nang sikat na pasyalan ng mga turista. Isang nayon na ang pangunahing kabuhayan noon ay pangingisda. Hile-hilera na ang mga restaurant, bar at mga hotel.
Bago kami makarating sa pakay na lugar, sa Amalfi. Binaybay namin ang madilim na daanan na bahagyang naiilawan ng ilang kabahayan at poste. Sinasalubong ng lente ng mga kotse at motor na nanggaling na sa aming patutunguhan. Animo bituka ng manok ang daan. Konting mali sa manibela ay tiyak pupunit sa gilid ng sasakyan. Maling kabig sa kaliwa o kanan ay magdudulot ng insidente sa kasalubong o kasunod na sasakyan. Kaya doble ingat.
Sa isang bagito sa lugar, magkasanib na nerbiyos at pananabik ang pumipintig sa puso. Ang bawat pulo ng ilaw sa bundok at baybay dagat at tanong kung ito na ang Amalfi. Narating na ba ang paradiso kung saan nagbibilad ang mga pinakamagagandang dilag sa panahon ng tag-araw? Rumarampa ang mga dalaga at binata, mga ginang at ginoo kasama ng kanilang mga alagang aso at pusa. Sa pamayanan na ang kape at croissant ay hindi almusal kundi isang palusot lamang para makasaksi sa paglubog at pagsikat ng araw. At sa gabi ay bantay sa buwan na nagsisilbing tanglaw sa pakikipagtalamitam ng mga nagmamahalan.
Nalampasan na namin ang ilang sentro. Sa wakas, Amalfi na. Biglang naudlot ang pangarap. Naunsyami ang buntong -hiningang pinigil. Walang parking! Gabi na, alas diyes na ng gabi – puno pa rin ang paradahan! Sangkatutak pa rin ang mga kaluluwang nagpapalipas oras. May kasabihan na “The time you enjoy wasting is not a wasted time”. Marahil totoo ito. Ito lang siguro ang walang katapat na halaga. Parehong taglay ng mayaman at mahirap. Ng sikat at karaniwang tao. Ng mangingibig at bigo sa pag-ibig. Na hindi kayang nakawin ninoman.
Ganoon pa man, kinuha ang cellphone. Klik dito klik doon. Pitik dito pitik doon. Kahit may bumubusina sa likod. “ pakialam ko sayo, minsan lang ito”! Si Frediemor naman ay napagalitan na ng Bus Driver dahil ayaw umusad., ang katwiran, “ Taga -Toskana ako, di ko alam patakaran niyo”.., lusot kaya maligaya pa rin si Mareng Elvie.
Kahit gelato ay hindi namin natikman. Pero para sa amin, tagumpay ito. Yon nga lang, nakukumutan ng dilim ng gabi ang Amalfi. Tanging kislap ng mga bituin ang umuugnay sa aming mga imahinasyon. Babalik kami. Isang bukang-liwayway na aming matutunghayan ang pagsikat ng araw. Pula man o dilaw ang liwanag. Sasabayan namin ng higop ng mainit na kape at masarap na pastina. Uwian na. Pahinga na. Tulog na. May ngiti sa labi.
HULING ARAW NG PAGLILIMAYON
Alas-diyes na ng umaga ng magkita-kita ang may makakating talampakan. Handa na. Suot na ang pinakakomportableng sapatos at damit. Kodakan na naman. Sa Duomo ng Salerno ang pakay at sa baywalk.
Teka teka, may kumkatok sa pinto. Aba, dumating ang bagong kabagang na Bise Presidente ng Owatch sa Timog, ang may taglay na ngiti, si Lakay Paul Baltazar.
Habang tinatalunton ang daan, maraming kwento at palitan ng kuro -kuro. Mga plano ng grupo para sa mga OF sa Campania at sa Italya. Ang Youth Summit na gaganapin sa Cagliari sa Hulyo ng susunod na taon, mga plano para magka-pondo, mga bubuuin na komite at ang patuloy na pagpapalawak ng organisasyon. Pagpapalaganap ng adbokasiya at programa para sa kabataan, kababaihan at sa bayang Pilipinas. Whew! Mabigat pero malaman!
Sa harap ng Katedral, muli na naman kumislap at naging aktibo ang mga daliri. Gumalaw ang mga balakang. Napatag ang mga daglat sa noo. Sumilay ang pinakamatatamis na ngiti at pinakakampante na posisyon.
Halika na, tawag ni Nancy..” doon tayo sa Baywalk, mag-ice cream tayo. Sagot ko”.. Dali-daling sumunod sa pila ang mga naglalakwatsa. Mistulang mga itik na nakasunod sa inahin. Syempre libre. Isa pa, gelato sa isang sikat na Gelateria sa Salerno. Kaya, manhid lang ang tatanggi!
ANG SIKRETO NI PARENG GIL
Sabik na nagbabaan sa sasakyan ang mga turista. Sikat na sikat kasi sa Social Media ang asyenda na ito na di gumagamit ng pestisidyo. Kaya biologico ang mga gulay na kanilang tanim. Hindi ko na babanggitin kung ano ang kanilang gamit para patayin ang mga insekto sa halaman. Sikreto daw ito.
Tumambad sa amin ang ampalaya, sitaw, kangkong, okra, kamatis, kalabasa, alugbati, saluyot, strawberry, malunggay, saging, sibuyas sili, talong, siling pukinggan at marami pang iba. Kaya nagkatalo na naman ang pinakbet na ang bagoong na pinangtimpla ay gawa din nila. Mabuti na lamang at tirik pa ang araw kaya pansamantalang nakaligtas sa pagpitas ng mga bunga nitong mga tanim na gulay.
Samantala nagsimula nang magbaga ang uling. Naghihintay na ang isda at mga gulay na iihawin. Umamoy na ang bagong lutong sinaing. Ang pamilyar na samyo ng pinagsama-samang gulay ay nanaig sa paligid. Naggayat na ng mangga na galing ng Siracusa, kamatis at sibuyas. Nagtabas na ng dahon ng saging para ilatag ang biyaya ng lupa at mga kamay na pinagpala. Ang linamnam na taglay ng bawat subo ay biyayang inalok ng mga kamay na nagpagal. Bukas-puso. May ligaya. May ngiti sa labi.
TULOG ANG MGA TINAMAAN NG MAGALING!
Matapos tamasahin ang isa sa pinakamasarap na tanghalian, nagkanya-kanya ng silong sa puno ng Oliva ang mga busog na tiyan. Tila naghahanda sa susunod na biyahe. Sa daan na babagtasin. Pero bago ang lahat ng mga yan, hihimlay muna sandal. Ilalatag muna ang mga pagal na katawan at isip. Napagod sa pagluluto, kwentuhan, halakhakan, at pagpapatawa sa mga bagong kaututang-dila.
HAPUNAN….PAALAMAN
Kung bakit ang pag-uwi ay siyang pinakamatagal na sandali. Handa na ang isip sa pag-alis, pero mabigat ang mga hakbang. Makailang beses nagpaalaman. Kaso, bawat paalam lalong nagtatagal. Minsan naiisip ko, “Pilipino lang kaya ang ganito”?..
Nakabalot na ang kilo-kilong gulay na bigay ng maybahay. Handa na ang sasakyan. Nakapahinga na ang piloto. Limang oras na singkad. Mahaba man ang daan, tiyak naman ang patutunguhan. Ang kani-kaniyang tahanan. At doon muling gugunitain ang bawat himaymay ng mga kasamang nakaniig. Ang bawat linya ng usapan. Ang bawat oras, minuto at segundo. Hilatsa ng mukha, kilos, bukambibig at gawi.
Walang permanente. Tayong mga migrante ay manglalakbay. Tulad ng mga ibon o penguin. Humihinto lamang tayo ng saglit. Para mangarap at sumulong. Hanggang maabot ang hinahangad. Hanggang kaya ng isip at katawan. Hangga’t may mga kaibigan saan man panig ng lupa. O kung kayang tumawid ng dagat, lawa o ilog.
Comentarios