top of page
  • Writer's pictureDittz De Jesus

KARAHASAN AT TRAHEDYA

Pinoy na nambubugbog ng asawa, nagpakamatay!



Ulat ni: Rhoderick Ople


Tumalon mula sa ikapitong palapag na gusali ng Ospital ang isang Pinoy matapos arestohin ng awtoridad sa syudad ng Cagliari dahil sa pambubugbog ng kanyang kabiyak. Dinala sa ospital ang di umano ay lasing na lalaki para sana operahan ang litid na namamaga bunga ng paglaslas nito sa kanyang pulso. Nangyari ang insidente nitong ika-24 ng Oktubre at mabilis na isinugod sa ospital ng Brotzu sa Cagliari ang mag-asawa.


Madalas na sinasaktan ng lalaki ang asawa. Pinakahuling pangyayari ay ginamitan ng bote ang pambubugbog na naganap sa kanilang inuupahan na bahay sa Via Pergolesi. Isinugod ang 34 anyos na ginang na grabeng nasugatan sa pisikal na biyolensa. Maraming tinamong sugat sa mukha, braso at tiyan ang ginang. Kasamang naninirahan sa bahay ang dalawa pang Pinoy.


Nagsimula umano ang away ng mag-asawa bandang alas-dos ng madaling-araw. Pinansyal na problema ang laman ng pagtatalo batay sa mga nakarinig.


Lilisan na sana ang mag-iina sa kanilang tahanan para matakasan ang patuloy na agresyon ng asawa na madalas ay lango sa alak. Nangyayari ang pambubugbog sa harapan mismo ng dalawang anak. Parehong lalaki ang magkapatid, ang panganay ay pitong taon at ang pangalawa ay isang taong gulang.


Ang ginang ay hindi lamang isang beses humingi ng tulong sa Sole e Luna, isang ONLUS na asosasyon ng mga kababaihan na sumasaklolo at nagbibigay kanlungan sa nagiging biktima ng karahasan.


Sa kasalukuyan, ang mag-iina ay nasa pangangalaga ng Associazione Charlie na pinangangasiwaan ni Ms. Paola Manca.



Diaspora News and Stories

358 views0 comments

Recent Posts

See All
bottom of page