"AKO AY MAY KIKI" BOOK LAUNCHING SA KONSULATO NG MILAN ni: Dittz Centeno-De Jesus
Isang book launching ang isinagawa ng PCG MILAN sa pangunguna ni CONSUL GENERAL BERNADETTE FERNANDEZ , na ginanap nitong ika-27 ng Mayo, 2022, sa ikatlong palapag ng gusali ng Konsulato. Ang guro ng palatuntunan na si CONSUL NORMAN PADALHIN ang nagpakilala sa mga panauhing dumalo sa paglulunsad ng libro. Ito ay bahagi ng programa ng Assistance to Nationals and Cultural Sections at ng Sentro Rizal, maging ng Gender and Development Program nila para sa prebensiyon ng karahasang sekswal na nakakaapekto sa mga batang babae.
Ang librong ito na may Tagalog na pamagat na AKO AY MAY KIKI, ay isinulat ni GLENDA ORIS, sa ilustrasyon ni BETH PARROCHA. Ang libro ay isinalin naman sa wikang Italyano ni CARMINA MARIA VERONICA LLORENTE BAUTISTA , may pamagat na HO UNA VAGINA at salin sa wikang Ingles naman ni BECKY BRAVO. Ito ay na-edit ni AUGIE RIVERA at ang nag-ayos ng lay-out ay si ALEN PAOLA MANGABAT. Ang produksyon ay pinangasiwaan nila Vice Consul FLAUREEN DACANAY , ANGEL SAMILING at CARLOS MANALANSAN. Ito ay inilathala ng Konsulato Panlahat ng Pilipinas sa Milan nang may pahintulot mula sa LAMPARA Publishing House, Inc., na
Nagsidalo din ang mga lider ng Filipino Community mula sa Milan at mga kalapit na probinsiya at siyudad sa Northern Italy. Naroon din sina Rev. Father Sonny de Armas at Rev. Father Jaypee Avila, Knights of Rizal and Kababaihang Rizalista, Filipino Nurses Association, ERAFILCOM, FEDFAP, Filipino Women’s League at iba pang organisasyon. Sila ay binigyan ng sariling kopya at ang ilan ay nakapagdala ng iba pang kopya upang maipamahagi naman nila sa kanilang mga lugar para sa mga pamilyang may batang babae.
Sa pambungad na pananalita ni Consul General Fernandez, ipinahayag niya ang kahalagahan ng pagtuturo sa mga batang babae ng anatomiya nito partikular ang maselang bahagi ng katawan na tinatawag na KIKI. Ang libro ay may simpleng mensahe ukol sa kalinisan, pagbibihis at pag-iingat nguni’t isang napakabigat na mensahe na mensahe naman ukol sa proteksiyon sa kanila laban sa seksuwal na karahasan at abuso na maaaring maranasan mula sa mga estranghero, kakilala , kaibigan o maging sa sariling pamilya.
Hinamon din niya ang komunidad ng mga Pilipino na maging aktibo sa ganitong isyu, lalo na sa Milan na may higit 60,000 Pilipino ang naninirahan. Nabanggit niyang mas aktibo pa ang mga grupo ng kababaihan sa labas ng Milan, sa pagsusulong ng mga usaping gaya ng nabanggit at pati women empowerment, kaya hangarin niya na sana ay makonsolida ang mga grupo sa pagtataguyod ng layuning magkaroon ng kamulatan para sa interes ng kababaihan at mga bata.
Ang proyektong ito ay magsisilbi nang pamanang sosyo-kultural ng Konsulato at umaasa siya na magkakaroon ng positibong epekto sa komunidad lalo at magkakaroon ng koordinasyon mula sa Komune ng Milano, CADMI, WASI, LILT, mga lider-Pilipino, mga relihiyosong grupo at asosasyon ng mga kababaihan.
Pinasalamatan din niya ang mga sumuporta sa proyekto gaya nila European Affairs Assistant Secretary JAIME VICTOR LEDDA at Ambassador DOMINGO NOLASCO, pati na ang First Councillor ng City of Milan na si Dottoressa DIANA ALESSANDRA DE MARCHI at ang Welfare Chief of Milan Dottoressa RENATA ROSSI.
Sa pamamagitan naman ng video call ay nakapanayam si GLENDA ORIS, ang may-akda ng libro. Hinikayat niya ang mga dumalo na tumulong sa pagpapalaganap ng kamulatan ukol sa buod ng libro alang-alang sa kapakanan ng mga bata. Ang libro ay rekomendado para sa mga batang babae na edad lima pataas. Isinasaad dito ang pagbabahagi ng bidang batang babae kung paano siya pinangangalagaan ng kanyang ina at tinuturuan ng mga tamang gawi at pag-iingat sa sarili partikular ang maselang bahagi ng kanyang katawan.
Nagbigay din ng testimonya si MARY ANN CRUZ, ang Emergency Office Coordinator ng UNICEF New York. Binanggit niya na hangad ng lahat ang magkaroon ng isang masayang pamilya nguni’t kailangang maging “empowered” ito sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa kapakanan ng mga miyembro at kayang maproteksyunan ang bawa’t isa.
Pagkatapos ng programa ay namigay na ng mga libro na nakasilid sa isang bag, nagsulat din sila ng mensahe sa isang commitment board at nagkaroon ng photo-op ang mga grupo.
Comments