Filipino Bowling Champion sa Italya, ipinagluto ng pagkain ang mga Seaman na nasa Quarantine
Ni: Rhoderick Ramos Ople
Minsan, ang pagluluto ay hindi lang libangan, hilig o eksperimento ng pagtuklas. Ang maghanda ng pagkain para sa mga kababayang biktima ng corona virus ay isang gawaing magaan sa dibdib, may puso at pagkalinga, pagmamahal at kababaang-loob. Preparasyon Nakapamalengke na sina ELMER CLEMENTE at ang kabiyak niyang si LINDA. Maaga pa lang ay nagayat na ang sibuyas, talop na ang bawang, nahimay na ang sitaw, nabalatan na ang kalabasa, sampo ng nilinis na hipong pansahog. Pritong manok, mabango at mainit na kanin naman ang katapat ng ginataang gulay para sa hapunan. Ito ang menu na inihahanda ng mag-asawa. Sumagitsit sa mainit na mantika ang bawang at sibuyas. Humalo sa hangin ang mabangong amoy. Nasa kawali na ang gulay at nangibabaw na ang bango ng gata ng niyog. Nag-aagaw ang halimuyak ng hipon at mga gulay habang pinalalambot ito ng mahinang apoy ng kalan.
Ilang sandal pa, luto na ang lahat. Network Salamat kay ACFIL Pres. ROSALIE CUBALLES na nagpaabot sa OFW Watch Italy na may pitong kababayang Seaman ang naka-quarantine sa isang Hotel sa Pisa. Si GERVIC RUAZA ang nagsikap na kumontak sa kanya at ipinaalam ang kanilang kalagayan. Sa tulong ng teknolohiya at organisasyon ay mabilis din itong napaabot sa mga kasama sa Samahan na malapit sa lugar. “Pulos pasta ang madalas ipakain sa kanila. Bagay na di nakasanayan ng katawan. Naghahanap ng lasang Pinoy, lasang pamilyar, amoy na kakilala ng sistema”, sinabi ni Rosalie sa group chat. Walang pagdadalawang-isip, mabilis namang tumugon ang kilalang Pinoy Tsampiyon sa Bowling, si G. ELMER CLEMENTE, isang Bulakenyo at kasalukuyang nakatira sa Lari, Italya. Walang tanong-tanong. Oo agad. Masaya at kontento sa kanyang gagawin. Excited pa nga kung baga. Delivery
Alas-singko pa lang ng hapon ay naihatid na ang hapunan sa Hotel. Bago mag-alas-sais ay ready na ang pagkain na ilalagay sa tapat ng pintuan ng mga Guests. Dapat ay naka-empake nang maayos. Ito ang patakaran. Kung para naman sa tanghalian ay dapat alas-diyes ng umaga ay natanggap na ng reception ang food pack para maipamahagi naman ng alas-onse ng umaga. Bawal pumasok sa Hotel. Tulad ng dati, dapat nakasuot ng mask, may distansya at magpapatak ng alcohol sa kamay, bago at pagkatapos maibaba ang lahat. Sa supot ay may tubig, beer at dessert na kasama. Isang kumpletong menu, kumbaga.
Social Media Mabilis namang nagpasalamat ang pitong Seaman. Mababakas na kontento sa matatamis nilang ngiti. Naka-post na agad sa FB. Sumasaludo sa munting biyaya at ga-higanteng pagpapahalaga sa kanila. Iba talaga ang Pinoy, sa kabila ng kanilang sitwasyon ay madali pa ring natutuwa sa maliit na gawa. Siguro ito ang pinakamadaling landas para sa mabilis na pagbawi ng lakas, matatag na disposisyon at pananaw. Hindi pa huli Sa mga nais magbigay ligaya, hindi pa huli ang lahat. Maaari silang dalahan ng vitamins, lutong pagkain, merienda at mga prutas. Sa ngayong, tayo ang kanilang kapamilya. Malayo man ang kanilang mga asawa, mga anak at kamag-anak.
Comments