top of page
Writer's picturediasporanas

FORUM UKOL SA e-PaRC

FORUM sa USAPING PASSPORT RENEWAL CENTER SA ITALYA, PARA SA PAGHAHAIN NG RESOLUSYON SA KONGRESO

Ulat ni : Dittz Centeno-De Jesus


Ni: Dittz Centeno-De Jesus


Idinaos ang isang bukas na talakayan sa pamamagitan ng Zoom ang mga grupo ng mga Pilipinong manggagawa sa Italya, kasama ang iba pang nasa karatig na bansa sa Europa. Ginanap ito nitong ika-23 ng Enero, 2022, nagsimula sa ganap na ika-2 ng hapon. Ang naging panauhing tagapagsalita ay si Congressman Carlos Isagani Zarate ng Bayan Muna , at kasama sana si Cong. Ferdinand Gaite, na nagkaroon lamang ng medical emergency kaya di nakadalo. Layunin nito na makapaghain ng Resolusyon for House Inquiry in Aid of Legislation ng ating mga kinatawan sa Kongreso.


Cong. CARLOS ISAGANI ZARATE


Cong. FERDINAND GAITE



Pinangunahan ang talakayang ito ng Migrante Europa , sa pakikipagkoordinasyon ni Rhodney Pasion, secretary-general , kasama ang mga organisasyong gaya ng Umangat Migrante, OFW Watch Italy, 1Sambayan Italy, Migrante-Milan, Migrante -Bologna, Filipino Women’s League ng Bologna, Laguna and Friends Association, Gabriela-Roma at iba pa.Dumalo din ang mga representante ng Migrante-Cyprus, Migrante-Austria at Kasamako- Korea. Kasama din dito sa panig ng pamamahayag, ang Ugnayan sa Himpapawid at ang Diaspora News and Stories .


Ginampanan ni Father Aris Miranda ng Umangat Migrante, ang pagiging facilitator para sa mas maayos na takbo ng talakayan. Unang naglahad si Rhoderick Ople, presidente ng OFW Watch Italy, na nagdagdag ng mga impormasyon ukol sa mga batas na tumutukoy sa pagpoproseso ng pasaporto, maging sa sanktidad nito na nakasaad sa privacy law.


Nagpahayag din si Joanna Concepcion, Migrante International chairperson, na ang pagpoproseso ng pasaporto ay isa sa basic social services para sa mga migrante. At ano rin ba ang global effect ng pribatisasyon ng passport renewal services sa mga migrante. Base nga sa mga reklamo ay mabagal ang sistema dito at ipinasa pa sa pribadong ahensiya.


Isa-isa ring nagbahagi ng kanilang pananaw at panawagan ang mga lider ng mga organisasyon sa Italya. Sa paglalagom, lumitaw ang mga pangunahing hinaing: dagdag na pasanin ang malaking halaga ng bayarin kung sa isang ahensiya ipapasa ang pagproseso at banta rin sa privacy ng mga Pilipino. Hindi rin naman kailangan ang isang ahensiya dahil maaaring iayos ang serbisyo ng Embahada para matugunan ang backlog sa pamamagitan ng mobile consular services, pagdadagdag ng staff, at pagmaksimisa sa maaaring gawing serbisyo pa ng mga honorary consulate offices. Kasama rin ang pagkuwestiyon sa sinasabing opsyonal lamang ang pagpili na sa ahensiya magrenew ng pasaporto, ang nakaambang pagbubukas ng renewal center sa parte ng Northern Italy, di maayos na serbisyo sa embahada at maging ang di-magandang trato sa mga nagtutungo duon.


Sa naging pahayag ni Congressman Zarate, binanggit niya na ang pribatisasyon ng pagproseso ng passport renewal ay magreresulta lamang sa pagkakamal ng malaking tubo ng mga may kapital kaya sana ang serbisyo-publiko ay huwag gawing negosyo. Gawing episyente din ang mga programa ng pamahalaan at magkaroon ng prayoridad sa mga mahahalagang usapin ukol sa pangangailangan ng mga OFW.

Naghain siya ng mga suhestiyon at una rito ay ang panukalang resolusyon upang mapag-usapan ito sa Kongreso at makapagsagawa ng imbestigasyon ukol sa kontratang pinasok ng DFA sa private agency. Naniniwala din siya na maaaring magkaroon ng security breach kaya dapat pangalagaan ang right to privacy at di dapat ibigay sa private entities.

Sa nalalabi pang anim na sesyon bago sila magkaroon ng break sa Kongreso, ay maipasok sana ito para sa hearing of appropriate committees. Wala mang plenary session ay makapagtatakda rin ng kagyat na pagdinig.

Hinikayat din niya na ipagpatuloy ang pag-oorganisa, magkaroon ng collective virtual action at gawing election issue ito upang malaman ang tindig ng mga kandidato sa usaping ito. Igiit pa rin sa Department of Foreign Affairs, pati na sa ibang kaukulang ahensiya, ang hinaing ng mga OFW.

Kailangan ding pag-aralan ang iba pang legal options , tingnan kung may mga anomalya at saka magsampa ng kaso sa ombudsman o sa regular na korte.

Huwag manahimik na lamang at pagkaisahin ang mga boses at aksiyon. Itinuturing nga daw na bayani ang mga OFWs pero di sapat ang serbisyo para sa kanila gayong sila ang may malaking ambag para makaraos ang floating economy ng bansa.

Sa huli ay ipinakita nila ang draft ng ihahaing resolusyon na isinusulat ni Jared , isa sa staff ni Cong. Ferdinand Gaite at ng Bayan Muna Party List, at ihahain ito para sa pagdinig sa susunod na Linggo sa plenaryo.


Muling nagpahayag si Joanna Concepcion, ng pakikiisa at suporta mula sa Migrante International. Hindi lamang daw ito isyu ng pribatisasyon kundi pati ang mabagal na pagtugon sa mga hinaing ng mga OFWs sa Italya.

Sa panghuling pananalita, nagpahayag din si Fr. Herbert Fabriquela , ang chairperson ng Migrante Europe, ukol sa di makataong pagtrato sa mga manggagawa. Hamon niya sa lahat, tugunan ito sa pamamagitan ng pag-oorganisa at pagpapalakas ng hanay at sama-sama at sustenidong pagkilos, pagbibigay ng dagdag na datos at impormasyon upang magkaroon ng katuparan ang pagdinig sa plenaryo, at ma-expose ang mga anomalya.

Patuloy ang paglaban para sa karapatan ng mga manggagawa!

76 views0 comments

Comments


bottom of page