top of page
Writer's picturediasporanas

INILUNSAD, UGNAYAN NG 1SAMBAYAN SA HIMPAPAWID

Ni: Dittz Centeno-De Jesus




Isang bagong programa ang inilunsad nitong Linggo, ika- 23 ng Enero, 2022 , ang Ugnayan ng 1Sambayan sa Himpapawid. Sinimulan ng ganap na ika-walo ng gabi at nagtapos lampas ika-siyam ng gabi. Ang programa sa radyo na ito, gamit ang Facebook platform, ay naglalayon na maisulong ng 1Sambayan ang kampanya nito para sa pagkakaroon ng Tapat na Pamumuno , makapagpalaganap ng mga impormasyong makakapagpamulat sa sambayanan, makapagpalalim ng pagkaunawa sa mga usapin at isyu at makapagpakilala ng mga personalidad na makapagbibigay-inspirasyon sa mga migranteng manggagawa sa Italya at sa iba pang panig ng mundo.


Ang naging mga panauhin ng gabing yaon ay si FATHER ALBERT ALEJO, isa sa mga tagapagtatag ng 1Sambayan at mas kilala sa tawag na PARING BERT at si PROF. MAX VENTURA ,ang kabalikat ng Office of the Vice President sa programa nitong ANGAT BUHAY. Ang mga host sa unang telecast na ito ay sina Egay Bonzon, Dittz De Jesus at Rene Valenzuela, at sa teknikal ay si Edu Del Carmen.




Ipinakilala ni Prof. Max Ventura, ang ANGAT BUHAY bilang isang mahalagang programa ni VP LENI ROBREDO na nakaukol sa mga nasa laylayan ng lipunan. Inilunsad ito noong Oktubre 2016, at naka-pokus sa anim na susi ng adbokasiya, gaya ng: pampublikong edukasyon, pagpapaunlad sa pamayanan, seguridad sa pagkain at nutrisyon, pagpapalakas sa kababaihan, unibersal na pangangalaga sa kalusugan at pagpapabahay at paglilikas. Sabi nga sa isang pahayag ni VP Leni, ito na daw ang pinakamahalagang legasiya na kanyang maiiwan pagkatapos ng kanyang panunungkulan at maaaring ipagpatuloy o gayahin ng iba pang ahensiya ng gobyerno at mga non-government organization.




Ang naging paksa naman ni Father Albert Alejo ay ang simulain ng 1Sambayan mula sa pagkakatatag nito noong 2021 upang makapamili ng isusulong na mga kandidato partikular ang sa posisyon ng pangulo at pangalawang pangulo. Nabanggit din niya ang unang pangalan na naisuhestiyon, ang 1SAMBAYANIHAN , na mula sa mga salitang Samba, Bayan at Bayanihan, na malinaw na naglalarawan ng kahalagahan ng pagsamba ng bayan sa Diyos at ang bayanihan na siyang paraan ng pagkakaisa at pagtutulungan. Nagparinig din siya ng isang tulang salin sa Tagalog, MABUHAY PARA SA IBA, mula sa tulang Espanyol na Vivir para los Otros ni Papa Francesco na may Ingles na bersiyon, ang LIVE FOR OTHERS at isa pang tulang Tagalog, ang Magnificat ng Sambayanan . Pinaliwanag din niya ang Nine Principles of Unity and Commitment ng People’s Agenda ng 1Sambayan.


Naging masigla ang palitan ng mga kuru-kuro at opinyon at umaasa ang mga nasa likod ng programang ito na higit pang darami ang susubaybay , maging sa pang-Huwebes nitong edisyon, sa ika-siyam naman ng gabi, ang Ugnayan sa Himpapawid.




31 views0 comments

Comments


bottom of page