Nagkaroon ng dayalogo sa pagitan ng Sentro Pilipino Chaplaincy at Embahada ng Pilipinas sa Roma nitong Marso, 2021. Kaugnay ito ng problema sa pagkuha ng appointment para magpanibago ng pasaporte at iba pang serbisyo. Nirereklamo ng mga OFW sa Italya ang iskedyul na ang araw ay para sa taong 2022 na. Napabalita din ang mga ibinebentang appointment na sa social media mismo nagkakaroon ng negosasyon sa presyo.
Dahil dito, kinansela ng Embahada ang multiple booking ng appointment na iisang email ang gamit. Nilinaw din ni Ambasador Nolasco ng Italya na wala silang ahensya na binigyan ng awtoridad para magproseso ng iskedyul ng mga may pakay sa Embahada.
Sa nasabing dayalogo, pinagbawal na dumalo ang media at sinabihan na kailangang kumuha ng pahintulot sa DFA kung nais makasama sa virtual na pagpupulong.
Naaprobahan din ang ilan sa iminungkahi ng Ofw Watch Italy na bigyan ng awtorisasyon ang mga Honorary Consulate na maggawad ng ekstensyon sa bisa ng pasaporte. Mahalaga ito sa mga magrerenew ng soggiorno, carta identita, carta sanitaria ngunit hindi para sa pagbiyahe palabas ng Italya.
Hiniling din ng alyansa kay Consul General Bernadette Fernandez ng Milan na maglabas ng katulad na kalatas para atasan ang Honorary Consulate Office sa Turin at Venice at tumulong na rin sa pamamahagi ng mga pasaporte na tapos nang maproseso.
Comments