top of page
Writer's picturediasporanas

MICHAEL VILLAGANTE, ANG PINTOR AT ANG KANYANG OBRA

Ni: Dittz Centeno-De Jesus

Mga Litrato: Mula sa Florence Biennale Website




Naidaos na ang FLORENCE BIENNALE nitong ika- 23 hanggang ika-31 ng Oktubre, 2021 at pinagtagumpayan ng isang kababayan natin na makamit ang karangalang unang puwesto para sa Lorenzo Il Magnifico International Art Award. Siya ay walang iba kundi si MICHAEL GARCIA VILLAGANTE, isang Bikolano. Siya ay isang kontemporaryong pintor na may istilong pumupukaw sa isip at damdamin ng mga nakakakita sa kanyang mga obra, na kadalasan ay ginagamitan niya ng mga naka-mute na kulay. Nagtapos siya ng Fine Arts sa University of the East sa Caloocan City.




Ang kanyang obra ay may titulong “PAGTAHAN” na nakasentro sa isang ina na kalong ang kanyang anak at tunay na nagbigay ng explosibong interpretasyon ng pagbibigay ng proteksiyon ng isang ina sa kanyang anak sa nakapalibot na sitwasyon. Ang tema ng Florence Biennale sa taong ito ay ETERNAL FEMININE, ETERNAL CHANGE.




Ang eksposisyong ito ay ginaganap sa Florence, Italy tuwing ika-dalawang taon. Itinatag ito noong 1977 nila Piero at Pasquale Celona. Isa itong paligsahan din ng mga likhang sining at mga disenyo mula sa mga artista sa iba’t ibang panig ng mundo. Nagbibigay ng mga parangal gaya ng Lorenzo Il Magnifico International Award, Lorenzo Il Magnifico Lifetime Achievement Award at ang Leonardo da Vinci International Award for Design.

Ang tatlong indibidwal na tatanggap ng Lorenzo Il Magnifico Lifetime Achievement Award ay sina: potograpo na si OLIVIERO TOSCANI, ang artistang si MICHAELANGELO PISTOLETTO at ang fashion designer na si VIVIENNE WESTWOOD.




Pangarap ng bawat Pilipinong pintor ang maging bahagi ng eksibit-timpalak na ito. Dahil ang makasali lamang ay isa nang karangalan matapos sa mga pagdaraanang pagsusuri sa kanilang arte at propilo pati na rin ang bigat ng haharaping gastusin sa pagtungo at pamamalagi sa Italya sa panahon ng eksibit.


Napakapalad ni Michael sa pagkapili sa kaniya bilang pangunahing gantimpala sa larangan ng pagpipinta. Isa nang mahalagang legacy o pamana sa kanyang mga anak at malaking karangalan sa lahing Pilipino.


30 views0 comments

Comentários


bottom of page