Sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan nitong Marso, isang Pilipinang pintor ang itinampok ng Commission on Human Rights - Gender Equality and Women’s Human Rights Center sa kanilang Online Art Exhibit sa Facebook. Siya ay walang iba kundi si Dittz Centeno-De Jesus, na siya ring pangkalahatang kalihim ng OFW WATCH Italy at pangulo din ng Filipino Women’s League. Itinampok ang ilan sa kanyang mga pinintang obra na naglalarawan ng mga kababaihan. Dalawa sa mga obrang ito ay nagkamit na rin ng karangalan sa mga paligsahang nasalihan sa Bologna. Ang Maria Mercedes, the Filipina Maiden na Best in Traditional Painting at ang The Joy of Motherhood bilang Third Place sa Oil painting Category.
Ang naturang online art exhibit ay nagpapakilala sa mga natatanging talento ng mga kababaihan sa Pilipinas at maging ang mga nasa ibang bansa na may adbokasiya ding dinadala para sa pagtatatanggol sa karapatan at kagalingan ng mga kababaihan. Tunay ngang isang inspirasyon na sa kabila ng pagiging isang OFW ay makapagbahagi pa ng taglay na talento at serbisyo rin sa komunidad.
Comments