top of page
Writer's picturediasporanas

PAKINGGAN ANG TIBOK NG PUSO

KEEP YOUR HEART IN SHAPE…..Magpa-check up na!


Ni: Dittz Centeno De Jesus



Sa loob ng dalawang araw ngayong buwan ng Setyembre, ano ang pinakamainam na gawin upang malaman ang estado ng iyong puso at makapagpatuloy na mamuhay nang walang alalahanin ukol sa kalusugan?

Ngayong ika-18 at sa ika-19 ng Setyembre, 2021, araw ng Sabado at Linggo, magkakaroon ng libreng pagpapakonsulta ukol sa puso , sa Piazza Re Enzo sa sentro at ito ay handog ng AUSL (Azienda Unita Sanitaria Locale) ng Bologna. Ang kanilang tema ay “KEEP YOUR HEART IN SHAPE”. Mula ika-10 ng umaga hanggang ika- 6 ng gabi, may mga kardiyologo na titingin , magbibigay ng payong-medikal at magtuturo din ng mga tamang gawin kung may emergensiya.


Ang check-up na ito ay para sa lahat at walang kailangang prenotasyon. Mayroong mobile clinic at mga gazebo kung saan ang mga doctor ng Local Health Authority ng Bologna ay magsasagawa ng eksamen sa dugo sa pamamagitan ng finger prick, para madetermina ang kolesterol, masuri din ang mga dinaramdam sa puso, masukat ang blood pressure at body mass index, makalkula ang antas ng panganib sa cardiovascular at makapagbigay na rin ng mga payong pangkalusugan. Ipakikita rin nila ang screening ng asymptomatic atrial fibrillation.


Kung sakali mang may magresulta na nakababahala sa kalusugan ng pasyente, ay dagli itong ipababatid sa mga espesyalistang doktor upang higit pa silang masuri.


Ang mga healthworker ng Departamento ng Pampublikong Kalusugan ng Local Health Authority ng Bologna at ang mga volunteer ng AIFIASS.ODV (Associazione Italo Filippino Infermieri e Assistenti) sa pamumuno ni Teodora Lopez, ay naroroon din upang makatuwang sa pagbibigay ng edukasyon at pagbabahagi ng impormasyon ukol sa prebensiyon, tamang istilo ng pamumuhay ( pisikal na gawain, masustansiyang pagkain at pagtigil sa mga nakasasamang bisyo).


Ayon sa mga datos, sa Bologna, taon-taon ay may halos isanlibong katao ang nagkakaroon ng atake sa puso. Sa buong Italya, ang pangunahin pa ring dahilan ng pagkamatay ay may kinalaman sa cardiovascular . Ang Rehiyon ng Emilia Romagna ay isa sa mga rehiyon na unang nagpalaganap ng malawakang asistensa ukol sa prebensiyon sa sakit sa puso at pagbibigay ng mga mahahalagang impormasyon ukol dito. Nagkaroon din ng pagbibigay ng mga pagsasanay kung paano makakapagligtas ng buhay maski ang pangkaraniwang mamamayan lamang.


Ang inisyatibang ito ay ipagpapatuloy pa sa iba pang mga probinsiya ng Rehiyon.


Kaya ilaan na ang dalawang araw na ito sa pagpapakonsulta at pakinggan ang tibok ng ating mga puso.



90 views0 comments

Comments


bottom of page