FilCom Leaders, nagkawanggawa para sa ating mga kababayan
Ni: Rhoderick Ramos Ople
Tumugon sa panawagan ng Ofw Watch Italy ang dalawa pang lider sa Toskana na dalhan ng pagkain ang mga Seaman ng MV Ikan Senyur na naka-quarantine sa Pisa. Si Pangulong Efren Mamplata ng Associazione Communita Filippina sa Pisa, ay naghatid ng hapunan. Hamonado ang espesyal na putahe na kanyang inihanda. May kasamang prutas panghimagas at maiinom para sa ating mga Seaman.
Sinabi ni Pangulong Efren na “nais niyang makatulong sa ating mga kababayan na ilang araw nang namamalagi sa Hotel”, habang nagpapagaling. Tulad ng maraming may bukal na puso, walang pag-aatubili na naghanda kahit pagod sa trabaho bilang operaio sa Pisa Aereporto. Sadyang pinaglaanan niya ng panahon ang isa sa mga gusto niyang gawain – ang makatulong. Tila nahihiya pa nga yata sa sinabi pang “ ito lamang ang aming nakayanan”. Nanggaling naman sa karatig-syudad ang sumunod na bumisita sa ating mga kababayan. Si Presidente Susana Pilayan ng Filipino Community mula sa siyudad ay matagal nang umaalalay at nagbibigay-tulong sa mga Seaman na dumadaong sa pantalan ng Livorno. Madalas ding siya ang nakikipag-ugnayan sa Embahada sa Roma tuwing may mga mandaragat na nangangailangan ng gabay at ayuda. Bilang isang Caregiver, hindi ito ang unang pagkakataon na kanya itong ginawa. Ang nakakatuwa, buong suporta ang kanyang kabiyak na si Willy tuwing may misyon na susuungin para sa ating mga kababayan. Sa mensahe na natanggap ng Diaspora News and Stories, “mission accomplished”, ang sabi ni Susana. May puso pa. Ibig marahil sabihin, ginawa nila itong mag-asawa nang may pagmamahal. Kahit hindi nila kamag-anak. Tulad ni Pres. Efren at Elmer na nagpasaya at nagbigay ng virtual na yakap sa panahong malayo ang ating mga seaman sa kanilang mga pamilya.
Susana Pilayan Elmer Clemente Efren Mamplata
Ang tatlong lider ay mga opisyal at kasapi ng OFW Watch Tuscany, isang pangrehiyong alyansa ng mga asosasyon. Kaya sa susunod na kailanganin ninyo ng tulong, hindi lamang para sa ating mga seaman, marahil sa iba pang sitwasyon – maasahan ninyo ang kanilang bukal sa pusong paglilingkod.
Comentarios