1SAMBAYAN – Tuscany, ITALY
(Pormal na naitatag na ang 1SAMBAYAN Tuscany nitong nakaraang ika-31 ng Hulyo, 2021 nang magkita-kita ang mga Pilipinong makabayan mula sa mga bayan at probinsiya sa Toscana. Ito ay ginanap sa Fiesole. Pinangunahan nila Edwin Reyes at mga kasamang iba pang lider at miyembro ng mga organisasyon. Para sa panimula, kanilang paiigtingin ang kampanya para sa Overseas Absentee Voting Registration, na magtatapos na sa ika-30 ng Setyembre, 2021. Pati na ang pag-ingganya sa mga kababayan na maging bahagi ng 1Sambayan para sa pagtataguyod ng karapat-dapat na mga pinuno para sa tapat na paglilingkod sa bayan.) – Editor-in-Chief
Ang mukha ng sambayanan ay nasasalamin sa ipinaglalaban nito, ito ay patas, may kunsiderasyon at ehemplo sa nais nitong mabago sa ating bayan.
Kung mawawala ang mukhang ito, mawawala din ang ating kultura, pagkakakilanlan, mithiin, boses at apektado din ang ating nakaraan at hinaharap.
SINO ANG MAGTATAGUYOD NG MUKHA NG SAMBAYANAN?
Tayong mga Pilipino ang magtataguyod at wala nang iba, tayo lamang na may pagmamahal sa bayan na may pakialam kahit ito ay binabale-wala lamang ng karamihan, tayong mga may pusong Pinoy na nagsisilbing huling apoy na nag-aalab para makabangon ang bansa sa kahirapan.
Itataguyod din ito NG luha ng mga Pinoy na walang tigil sa pag-agos para sa kapwa natin na nahihirapan, at ang ating napakalawak na kaisipan hindi lamang para sa tama at mali, sa legal at ilegal ngunit para sa nararapat at hindi dapat.
SAAN TAYO MAGSISIMULA?
Sa ating mga sarili, tayo ay magtatagumpay lamang kapag nagsimula sa indibidwal. At katulad nitong grupo na ito, galing sa opinyon at pananaw ng bawat indibidwal, nabuo ang grupo na may iisang layunin at responsibilidad: ang maging mata laban sa mga itinatagong kalokohan ng gobyerno,
maging tagabantay para sa pagkakapantay-pantay at patas na turing sa mga Pilipino, maging solusyon imbis na pasakit sa ekonomiya, maging katulong sa pagpapalaganap ng totoo at tama, maging pader laban sa korapsyon at sumuporta para sa tao o mga taong nararapat sa gobyerno.
PAANO NATIN GAGAWIN ITO?
Magagawa ito sa pamamaraan ng pagtataguyod nang maayos at klaro na impormasyon para sa layunin ng grupo gamit ang social media at iba pang paraan ng pagbabahagi ng impormasyon sa ating mga kababayan at kasamahan.
Ang ating boses ay iisa kaya walang indibidwal ang sasagot mag-isa kundi
may isa tayong sagot na maaaring maibahagi ng sandaang libong boses ng ating mga kasama na may isang kaisipan at hinahangad para sa bayan.
Maisasagawa din ito sa pamamaraan ng pananampalataya, pagmamahal at bukas na kaisipan na tunay nating sandata sa lahat ng di naniniwala sa ating minimithing pagbabago ng Pilipinas.
KAILAN TAYO KIKILOS?
Kikilos tayo ngayong kinakinailangan tayo ng mga kababayan natin, sa mga pagkakataong may kailangan tayong ipaliwanag sa mga taong nagbibingi-bingihan, nagbubulagbulagan at
nagmamaang-maangan. Tayo ay kikilos gaya ng mga boses natin, na di iisa, na may pag-uunawa sa di umuunawa sa atin at sabay -sabay upang maiparamdam at maipaalam natin sa ibang Pilipino na ang pagiging makabayan ay hindi lamang sa salita ngunit kailangan ding may gawa o pag kilos.
PAANO TAYO MAGTATAGUMPAY?
Abot natin ang tagumpay kapag tayo ay malaya na sa ating kasalukuyang bangungot, kapag tayo ay hindi na nakatali sa pagdurusa na dulot ng gahamang tao sa gobyerno at kapag ang karapat-dapat sa posisyon ay nakaupo na pagkatapos ng eleksyon. Hindi natin kakayanin mag-isa kaya tayo ay magtulungan para sa ating bansa at sa hinaharap ng ating mga susunod na henerasyon.
ni: Rhoderick Ramos Ople
コメント