Hindi kailanman makalilimot
Singkwenta na at may pilat pa rin sa mukha,
Bakas pa rin ang luha na dumaan sa pisngi,
Tilamsik ng asidong nag-iwan ng marka at guhit,
Tumarak na balaraw sa ulan at tag-araw.
Aninag pa rin sa mata ang mga gabing puyat,
Usal lagi ng mga labi ang alumpihit na hangad,
Kawit man ang palakol at sikmura ay kumalam,
Di lalabo ang paningin ng pangalang nabuwal.
Sabi ng mga bulaan ay kalimutan na ang luksa,
Talikuran na ang panata ng Ama at ng Ina,
Ngunit paano gigising ang mga umuungol,
Na hanggang sa ngayo'y di pa nakaburol.
Hangal lamang ang mga nakalilimot,
Taksil lamang ang mga nasusuhulan,
Bangag lamang ang mga napapaniwala,
Na ang sugat sa dibdib ay maghihilom.
Mangmang lamang ang mga nakangiti,
Duwag ang mga ulong nakayuko sa gabi,
Walang dangal ang mga nakikipagkamay,
Sa salaring kumitil sa buhay ng marami.
Ang pait ay 'di kasamang inihatid sa puntod,
Ang nga alaala ay nakaukit sa lapida at marmol,
Ang sangsang ng dugo ay amoy pa rin sa palayan,
Ang tingga ay nakakalat sa sukal at lansangan.
Palalo lamang ang nakikipagsalo sa piging,
Ng mga lango sa nangangalirang na tabing,
At sa mga payasong ang buhay ay isinangla,
Gagapang sa mundo na mistulang kawawa.
Ang budol ay sa mga naghangad lang ng kagitna,
Ang mahabang pisi ay hindi sa mga biktima,
Kahit ang Diyos ay magpaparusa sa palalo,
Hunghang ang nakikisimpatya sa berdugo.
Hindi pinapatawad ang walang pagsisisi,
Walang pagpapakumbaba ang hambog,
Hindi lumuluha ang pusakal at talamak,
Sakim, bugtot ang taong mapagpanggap.
Hindi lang katawan ang nawala sa pagyao,
Hindi lang hininga ang tumigil ng maglaho,
Kaya't ang magsabi na limutin na ang lahat,
Talastas ng hustisya ay di gagap ni sa hagap .
Ibarra Banaag
Setyembre 21, 2022
Comments