top of page
Writer's picturediasporanas

ARAW NG KALAYAAN: Paimbabaw o may taglay na layunin?

Updated: Jul 4, 2022



ni: Rhoderick Ramos Ople



Araw ng Kalayaan : Paimbabaw o may taglay na layunin?

Paano nga ba naging makabuluhan ang pagdiriwang ng ika-124 na taon ng Kalayaan? Maging sa ibayong dagat ay naging kaganapan ang selebrasyon. Ang pagkintod-kintod na sayaw, kapwa makaluma at moderna, mga pasarela at drama ay umaayon ba sa makasaysayang tema? Pagbanggit sa pangalan ng mga bayani na nagbuwis ng buhay? Isang beses sa 365 na araw kada taon. Sampong ulit na paggunita sa isang dekada. At sa bawat araw na lumilipas, pabigat nang pabigat ang hinaharap ng taong bayan. Lumalalim, papalala. Unti-unting nawawala ang ating pag-aari. At patuloy ang pagbebenta ng lakas-paggawa sa mga bansa. Paano ikakawing at maituturing na makabayang paggunita ang mga talumpati at pagtatanghal.

Paano ang mga handang pagkain ay paimbabaw na lumilimot sa makakabuluhang adhikain at kwento ng rebolusyong "nagpalaya" sa mamamyan? Sapat na nga ba ang mga ito. Natutugunan ba ng lahat ng ito ang simulain ng mga nag-alay ng buhay at talino? Sa mga nagdaang araw at taon, nagbihis lang ang mga kaaway. Ang nga taksil na yumuko sa manunupil ay nagsipagpalit lamang ng barong. Nagbago lamang ng mga apilyido at pangalan. Naghubad lamang ng mga mga kasuutan. Gumagamit lamang ng mga progresibong mga salita na pawang hiram at pabalat bungang sinasambit. Ngunit ang inuusal ng bibig, ang laman ng isip ay pawang salungat sa adhikain ng ating mga bayani. Insulto sa mga katulad ni Andres Bonifacio, Jose Rizal, Marcelo H. Del Pilar, Emilio Jacinto at maraming Macario Sakay.



Sa tuwing kinakadkad ang bandila papataas, nakangisi ang mga banyagang bansa dahil batid nilang salat ito sa katotohanan. Isa lamang itong seremonya na taunang isinasagawa. Pabalat-bunga. Isang pagkukunwari. O pangbu-budol. Ritwal na inuulit-ulit. Pagkatapos ng mahabang oras ng mga talumpati, sayaw, tula at mga pagtatanghal , may naiwan ba sa mga manonood at mga dumalo? Naikintal ba sa mga kabataan ang layunin na ang ating mga ninuno at martir ay nagbuwis ng buhay para tumindig na nagsasarili. Malayo sa dikta ng mga dayuhan at kontrol ng mga oligarkiya, panginoong-maylupa, kapitalista at burukratang inuuna ang sarili sa bayan.


O ang tanging naiwan ay ang alaala na naging masaya, nakita ang mga kaibigan at masasarap na pagkain. Habang ang ating mga kababayan ay naghihikahos araw-araw. Na hanggang ngayon ay isang kahig isang tuka. At tinatawag itong kapalaran. Tamad ang mga nagugutom. Sa kasalukuyan, gaano nga ba kahalaga na pag-usapan ito nan Sa isang Social Media post , ang "kasaysayan di umano ay isa lamang Tsismis".. Totoo ba ito sa inyo? Ang mga "Marites" at "Marisol" na ang maggigiya sa direksyon na dapat tunguhin ng isang bansa. Ang pagbalik sa nakaraan ay isa na lamang kwento. Maaring baluktutin. Ipagwalang bahala. At walang aral na dapat pulutin. Ganito na lamang ba talaga?



25 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page