ni: IBARRA BANAAG
Pulitika ba kamo? May pulitika ang halos lahat ng bagay. Mula sa isinusuuot na damit, pagkain sa hapag-kainan, sa anong sasakyan nakalulan o gamit na transportasyon, lugar ng pagkakasalan, pahingahan o bahay na tinitirhan. Umiinog ang buhay ng tao sa lipunan kayat bawat ginagalawan ay may direkta o hindi direktang nakaugnay sa pulitika. Samakatwid, kapag pinag-usapan ang pulitika, nakakabit ito sa likaw ng ating bituka. May pulitika sa hapag- kainan, ang usapang magkabiyak. May pulitika sa paaralan, sa pagitan ng maestra at mag-aaral. May pulitika maging sa pagitan ng dalawang batang magkaiba ang kulay, tangos ng ilong, magkaibang lenggwahe at klase ng laruan na kanilang hawak. Nakapaloob ito sa bawat desisyon. Sa isang piyudal na relasyon. Sa hindi patas na lipunan. Tumatagos ito hanggang sa pagbibigay ng libreng serbisyo. Kahit boluntaryo ang kawanggawa ay isang pulitikal na hakbang. Nangangahulugan ito na may kakapusan o kakulangan na nais bigyan ng tugon o puwang na hangad kumpletuhin. Sa isang samahan, maging rehiyonal, ekumenikal o relihiyosong grupo, palakasan o isports, Sosyo-sibiko, boluntaryonismo, grupo para sa karapatang pantao - lahat ng ito ay may pulitika. Kapag ang isang samahan ay may istruktura na binuo, nagbuo ng layunin, nagtalaga ng mga tungkulin, nabuo ang pagkakaisa at gumana bilang isang organisasyon - ang lahat ng ito ay nangangahulugan ng pulitika. Kahit nga sa isang grupo ng nagtatagayan ay may pulitika. Kung sino ang madalas taya, kung sino ang pinakagalante, kung sino ang pasimuno ay sumasalamin na may pulitika para patuloy na gumalaw ang isang grupo. Kahit sa hanay ng mga paslit o mga bata ay may pulitika. May lider na pinipili, may nagpapasunod at may sumusunod. May malakas ang inisyatiba at liderato. May mas bibo at mayroon din madalas i-bully. Ganito ang pulitika, iba-iba ang anyo, porma, impluwensya at epekto.
Sa isang samahan na tulad ng Ofw Watch Italy - nagsusulong ng kagalingan, karapatan, para sa proteksyon ng mga manggagawang Pilipino, ay isang pulitikal na alyansa. Hindi isang pulitikal na partido subalit may lamang pulitikal ang mga layunin at panawagan. Ang mga panawagan at misyon ng grupo bagama't nakabalangkas sa mga aksyong naghahangad ng reporma at hindi pundamental, gumagampan tayo ng papel na magmulat, mag-organisa at magpakilos ng mga organisasyon para makamit ang itinakdang mga layunin. Kung hindi gagawin ang mga ito, magiging patay at walang saysay ang ating Saligang Batas. Balewala ang mga isinaad na artikulo, istruktura at pamunuan. Kaya para patuloy na uminog, dapat may mga pulitikal, kultural, sosyal at instistusyonal na paggalaw at pagkilos. Totoong hindi tayo pulitikal na partido, hindi tayo isang sosyalistang grupo pero lahat ng ating mga kilos at galaw batay sa ating layunin ay may pulitikal na implikasyon sa magiging tugon at reaksyon ng ating komunidad, ang komunidad ng mga Pilipino dito sa Italya hanggang sa labas ng bansa. Ang mga tagumpay natin mula nang itatag ang Owatch, ang mga aktibidad na inilunsad, ang mga aksyon , pagtulong, panawagan, tindig at pagsusuri ay tumatak sa isip at kamalayan ng mga Pilipino sa Italya. Dahil sa mga ito, nirerespeto at isinasaalang-alang tayo ng mga ahensya ng gobyerno dito sa Italya. Minsan ay kinaiinisan, mas madalas ay kinikilala. Hindi ba at ito'y isang political recognition? Kaya, mababaw at kapos sa pagsapol kung sino at ano ang Owatch. Kung hindi malalim ang dahilan ng pagsapi, mananahimik lamang ang isang grupo na naging kasapi, o aalis dahil sa maling unawa sa mga terminolohiya. Walang masama sa “pulitika”, ang hindi katanggap-tanggap na pulitika ang maglulubog sa kamangmangan, hindi pagiging kritikal, palasuko, pyudal, dekadente at bulok at nagsisilbi lamang sa naghaharing iilan.
Hozzászólások