PAGSASANAY NG PANANAHI AT PAGPIPINTA
Ng: DIASPORA News and Stories
Sa pagtatapos ng buwan ng Marso, ating balikan ang naging tampok sa mga gawain ng ating mga kababaihang manggagawa sa Bologna, Italya.
Ang Filipino Women’s League na isang samahan ng mga kababaihan, ay nagsasagawa ng mga makabuluhang proyekto na nakabase sa kanilang limang-puntong misyon, ang women empowerment, economic upliftment, servant leadership/volunteerism, charity at unity. Noong huling linggo ng Enero ay inilunsad nila ang Basic Sewing Workshop kung saan ay katuwang ang Alyansa ng Lahing Bulakenyo (ALAB) at ang MaDittz Arte Creativa bilang tagapagbigay ng pagsasanay sa mga kababaihang nais matuto ng pananahi at pagpipinta. Buong buwan ng Pebrero , tuwing Sabado o Linggo ay nagtutungo sila sa Centro Delle Donne upang sama-samang magsanay. Ang kurso ay nagpatuloy hanggang sa buwan ng Marso bilang kulminasyon ng pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan.
Naging tampok din sa kanilang pagsasanay ang pagdalaw ng team ng Philippine Consulate General ng Milan, sa pangunguna ni Consul General Bernadette Therese Fernandez, kasama din si Vice Consul Awee Dacanay, Cultural Officer Sylvia De Guzman, Administrative Office Teng Divino, at si Finance Officer Switz Pilamar Geneve Gatan. Dala ang kani-kanilang makinang panahi at mga gamit, sila ay nakitahi at nakigawa ng mga padron sa grupo. Pinapurihan ni Consul General Bernadette ang mga kababaihang nagpapatuloy na matuto ng iba’t ibang kurso o libangan na maaari ding makadagdag sa kanilang pagkakakitaan. Ang pagbisitang ito ay naganap noong ika- 20 ng Pebrero, 2022.
Bilang kapalit sa kanilang pagdalaw sa Bologna, nagdaos naman ng Art Therapy workshop ang Konsulato noong ika-8 ng Marso, 2022, sa mismong Araw ng Kababaihan. May kabuuang 32 officers and staff ng PCG Milan ang lumahok, may kanya-kanyang dalang canvas at acrylic paint and brush upang sumubok na makapagpinta, sa ilalim ng paggabay at pagtuturo ni Mercedita de Jesus. Kasama din ang limang miyembro ng Filipino Women’s League , sina, Mary Cris Cocjin, Marivic Galve, Grace Ramos, Viola Hembrador at Anglea Bermudez. Maging sila ay binigyan ng gamit upang makasali sa pagpipinta. Ang layunin ng workshop na ito ay upang mabigyang-daan ang isang paraan ng terapiya para sa buong staff lalo at lubog sila sa gawain sa araw-araw. Magsilbi ding pangunang udyok sa kanila upang gawing libangan ang pagpipinta. Matapos ang sesyon, tuwang-tuwa nilang pinakita ang kanilang mga obra. May mga nagulat dahil may talento daw pala sila at may ibang nagbabalak na ipagpatuloy pa ito upang higit na matuto.
Isa pang naging gawain habang nagsasanay ng pananahi ay ang pagbisita ng Penso A Te, isang grupong nagsusulong at nagtuturo ng Financial Management and Literacy Course sa mga kababaihang Pinay, noong ika-27 ng Pebrero, 2022. Ang mag-asawang namamahala nito ay sina Pier Paulo Ficarelli at Manuela Prandini. Iningganya nila ang mga mananahi na dumalo sa kanilang Online Financial literacy Course na magsisimula ngayong buwan ng Abril. Naging panauhin din si Rachelle Marimla , ang manager ng REWIRE, at pinagpaliwanagan niya ang grupo ukol sa bentahe ng paggamit ng REWIRE APP sa pagpapadala ng remittance sa Pilipinas. Itinampok din ng REWIRE ang gawain ng FWL sa kanilang programa sa FB Platform bilang bahagi din ng selebrasyon nila ng Women’s Month noong ika-19 ng Marso. Itinampok si Dittz De Jesus sa isang panayam at naibahagi niya ang pagsisimula ng FWL pati na ang mga adbokasiya at programa nito at pati ang kanyang pagiging aktibo bilang lider-kababaihan.
Ipinagpapatuloy pa rin ng grupo ang kanilang pagsasanay ng pananahi sa Centro delle Donne , na lagi namang nakasuporta sa kanila sa paglalaan ng espasyo at iskedyul na libero ang lugar.
Masasabing kulang talaga ang isang buwan upang itampok ang ating mga kababaihan. Kaya dapat lamang na araw-araw ay gawin nating ehemplo at bayani ang ating hanay upang sama-sama nating maipakilala ang ating lakas at mga katangian na makaka-akay sa ating kapwa upang maging kapaki-pakinabang sa lipunan at katuwang na rin sa pag-aangat ng kabuhayan at pagtatanggol na rin sa mga karapatan at kagalingan ng mga migranteng kababaihan.
Commenti