Pagkahaba-haba man ng hintayan.....natuloy. din ang kasalan.
ni: Dittz Centeno-De Jesus
Ika-14 ng Pebrero ang ARAW NG MGA PUSO. Ano ba ang magandang pag-usapan kundi ang relasyon, pagmamahalan at tuloy na sa pagtataling-puso? Pero kung nasa panahon ng pandemya, paano ba magkakaroon ito ng mas magandang kahulugan? Paano ba maidaraos ito kung may mga restriksiyon, limitadong bilang ng mga dadalo, may suot na maskerina? At paano ba malalampasan ang mga pagsubok gaya ng mga pagkabalam dahil sa mga sitwasyon o kaya ay dulot ng kalamidad, aksidente o iba pang di inaasahang pangyayari?
Noong nakaraang taong 2021, kung saan ay nasa gitna pa rin tayo ng pangamba at hirap na dulot ng COVID19 pandemic, may dalawang pares ng mga puso ang pinagtali.
Narito ang karanasan ng mga kababayan nating napagtagumpayan na maidaos ang kanilang kasal sa kabila ng pandemya at mga sitwasyon.
KASALANG FACUN-GABATIN
Kung may mga eksenang hitik sa aksyon at romansa, ito na siguro ang kasalan na parang mula sa isang pelikula. Ika-22 ng Hunyo, 2021, nang maitakda ang kasal nila NATALIE FACUN at DON JOHNSON GABATIN, mga anak nila G. at Gng. WILLY at NORMA FACUN at G. at Gng. DELIA at DONATO GABATIN ng Bologna. Maaga pa lamang ay nagbiyahe na ang tatlong kotse na kinalululanan ng mga ikakasal, mga magulang , ninong at ninang at ilang kaanak. Ang oras ay sa ganap na alas-dos ng hapon sa Konsulato ng Pilipinas sa Milano. Nguni’t bakit ilang oras na ang nakalipas ay di pa rin dumarating ang groom gayong ilang oras nang naghihintay sa Konsulato ang opisyal na magkakasal sa dalawa, si Vice -Consul AWEE DACANAY at ang bride naman ay nasa kalapit na ristorante kasama ang kanyang partido. Ang dahilan pala ay naharang ang kanilang biyahe ng isang aksidente sa daan kung saan may behikulong nagliyab. Nahinto ang lahat ng mga sasakyan habang inaayos ang sitwasyon. Ilang beses silang tumawag sa bride upang huwag itong mag-alala at darating sila maski huli na sa oras. Sa Konsulato naman, nakalaan naman sina Vice-Consul Awee Dacanay na mag-adjust ng kanilang oras at maghintay hanggang sa kanilang pagdating.
Lumipas pa ang ilang oras at nagkaroon ng re-routing at hinayaan na ang mga sasakyan na dumaan. Nang makarating na sa Milano ay noon lamang sila nakahinga nang maluwag at naramdaman ang matinding uhaw at gutom. Sa ganap na ika-apat at kalahati ng hapon ay naidaos ang kanilang kasal, matapos ang ilang oras na pagbibiyahe at pagkabalam .
Sa pagkahaba-haba man daw ng prusisyon…o ng trapik pala…ang kasalan sa Konsulato ay di na na-postpone kundi naituloy din nang mahinahon.
Sa ngayon ang mag-asawang sina Nataly at Don ay namumuhay nang bukod at binabalik-balikan ang alaala ng kanilang kasalan na napagtagumpayan matapos ang mahabang trapik sa daan.
KASALANG ALANGUILAN-BERTI
Taong 1987 nang pinagkilala noon ng isang kaibigan sina Domenico Berti (isang Italyano) at si Leni Alanguilan.Naalala pa ni Leni na sa Chalet Discoteca sa loob ng Giardini Margherita sa Bologna sila unang nagkita. Si Domenico ay naka-assign sa Italian Embassy sa Saudi Arabia at tuwing ika-20 araw ay may pagkakataong umuwi sa Bologna. Nagpatuloy ang kanilang relasyon hanggang sa sila ay magkaanak ng isang lalaki, si Stefano, petsa Disyembre 18, 1989. Naglive-in lamang sila dahil ng mga panahong iyon ay hiwalay lamang si Domenico sa asawa at kalaunan ay nag-file na rin ng diborsyo.
Hindi na rin umasa pa si Leni na makakasal sila dahil maayos at matiwasay naman ang kanilang pamumuhay bilang mag-partner. Taong 2020 nang pumanaw ang asawa ni Domenico. Marahil, sa nasasaloob ni Leni, may mga tanong na sana ay masagot. Hanggang sa dumating ang panahon na nagsabi ang kanilang anak na nais na nitong magpakasal sa kanyang nobya. Ang pagkakataong yaon pala ang siyang magsisilbing senyales para kay Domenico na alukin na rin ng kasal si Leni. Kaya hindi na rin nagpatumpik-tumpik pa at sumagot ng “OO” si Leni.
Matapos ang 32 taong pagsasama, sabi nga “Finally”, nagsabi na sila ng “i do” sa isa’t isa noong ika-18 ng Setyembre, 2021, sa Comune di Casalecchio. Nagsidalo ang piling bilang ng kaanak at mga kaibigan dahil medyo may kahigpitan pa noon sa pagdaraos ng mga pampublikong kasayahan.
Sa ngayon ay may apo na rin sila na tatlong taong gulang at sabi nga “certified lola” na siya bukod sa “legal wife” na rin.
Sa kuwentong ito, kung talagang kayo , kasal ang magpapatotoo, kahit kaytagal ng pinaghintay mo.
Araw ng mga puso, hindi lamang sa mga magsing-irog kundi para sa pamilya rin.
Ang dalawang kuwentong ito ay pagpapatunay na may kasagutan ang bawat kahilingan, may makakamit ang kahit na kaytagal na paghihintay. Baunin lagi ang pag-ibig sa pang-araw-araw na pamumuhay at siyang ibahagi sa ating mga mahal sa buhay.
コメント