1920’s-inspired na selebrasyon ng kaarawan, idinaos sa Reggio Emilia
Ulat ni: Dittz Centeno-De Jesus
Mga Kuha: True Emotions Photography
Minsan, nakakadalo tayo sa mga kakaibang selebrasyon ng mga kaarawan, kasal o programa sa mga komunidad. Karaniwang may temang sinusunod at panuntunan sa gayak o isusuot. Isa na rito ay ang nadaluhan naming pagtitipon kung saan ang nagdiwang ay isang community leader sa Reggio Emilia, si DAISY DEL VALLE, ang pangulo ng BAHAGHARI Association. Kakaiba ito dahil ang mga nagsidalo ay nakabihis ng mga kasuotan ng circa 1920. Kung pamilyar kayo sa pelikulang The Great Gatsby ni Robert Redford at isinapelikulang muli ni Leonardo Di Caprio, ganung mga eksena ang madadatnan ninyo sa Hotel Remilia sa via Danubio7, Reggio Emilia. Ang kasayahan ay ginanap noong ika-18 ng Hunyo, 2022, bilang pagdiriwang ng ika-61 kaarawan ni Daisy o mas kilala sa palayaw na Barbie o Barbara.
Ang mga damit ng mga kababaihan ay modang Flapper dress ang tawag, puno ng borloloy sa ulo at mga kuwintas na perlas. Ang mga kalalakihan naman ay naka-long sleeves, may butterfly necktie at suspender, at may sombrero din. Sa kabuuan ng pagdiriwang ay may tugtuging sumikat noong mga panahong yaon at mga gayak sa palibot ng venue.
Napakahusay ng guro ng palatuntunan na si ROBERT JACINTO, dahil sa kakayahan niyang gawing masigla at interesante ang kabuuan ng programa. Ang mga kaibigan at mga bumubuo ng asosasyon ng BAHAGHARI ay nagkaroon ng mga presentasyon na ibinase sa Broadway musical na Cabaret at talaga namang hindi maiiwasang mapapalakpak ang mga nanonood dahil sa kabuuan nito na naisagawa na pigil ang kanilang mga hininga. May iba pa ring nagpamalas ng mga sayaw at nagparinig ng mga awitin.
Tunay na napaluha sa tuwa ang may kaarawan dahil hindi niya akalain na makabuo ng isang buong musikal na presentasyon ang kanyang mga kaibigan. Sa ilang mga eksena ay nakisali na rin siya at sumayaw kaya naipakita din niya ang taglay niyang kasanayan dito na siyang pinagkakilanlan sa kanya noong siya’y bago pa lamang sa Italya bilang bahagi ng isang grupo ng mga mananayaw-kultural.
Hindi rin mawawala ang mga pagbati ng mga matatalik na kaibigan gaya ng mga bumubuo ng Golden Ladies na pawang mga pinuno ng Emilia Romagna Alliance of Filipino Communities (ERAFILCOM) na sina Fhely Gayo, Dittz De Jesus at Florian Arandela. Nagparinig din ng kanilang mga awitin ang mag-asawang sina Sonny at Janet Daduyo ng Modena, maging ang mismong emcee na si Robert ay umawit din. Ipinalabas din ang isang maikling pagbati sa video ni CELESTE CORTESI, na siyang Bb. Pilipinas-Universe sa kasalukuyan at itinuturing na fairy godmother niya si Daisy.
Sabi nga ng ibang nagsidalo, bihira ang makapagdaos ng ganitong klase ng selebrasyon dahil nangangailangan ng sapat na pagsasanay ang mga partisipante sa espesyal na bilang bukod sa kailangan ding paghandaan ang mga kasuotan upang maibase
nang lubos sa napiling tema.
Kayo, ano ang inyong dream theme para sa inyong kaarawan?
Comments