top of page
Writer's picturediasporanas

NOVA SUYOM, PINAY ENTREPRENEUR SA ITALYA

Updated: Mar 3, 2022


PHILIPPINE BAYONG , IPINAKILALA SA MILAN FASHION WEEK

Ni: Dittz Centeno-De Jesus

Mga Larawan: Nova Suyom







“Bayong kayo diyan, bili na po kayo.” Iyan ang isinisigaw noon sa mga pamilihang-bayan sa Pilipinas. Ang mga lola at nanay natin ay iyan din ang bitbit kapag mamamalengke. Pero sa pagdaan ng maraming taon, akalain ba natin na dito sa Italya, makikilala ang ating pambansang sisidlan, ang BAYONG, na nagbagong-bihis na at naging moderno pa!





Nitong nakaraang ika-27 ng Pebrero, 2022, ay nakasama ang BAYONG ITALIA, pangalan ng bisnes ng isang Pilipina, sa matagumpay na MILAN FASHION WEEK, na ginanap sa Palazzo Barozzi. Ito ang ikalimang edisyon ng “Fashion in the City” na nagtampok din sa iba pang social business at communication. Ito ay inorganisa ng CEO della nota B&20 Events na si Paolo Distaso. Ang evento ay binisita ng mga kilalang tao sa daigdig ng moda, mga peryodista, influencer sa media, mga negosyante at iba pa. At itinampok nga dito ang sariling produkto ng Pilipinas, ang BAYONG, na bitbit ng mga naggagandahang modelo sa kanilang pagrampa.


Sino ba ang Pilipinang nasa likod ng produktong ito? At paanong ang isang ordinaryong sisidlan ng mga Pilipino noon ay naging tampok sa Milan Fashion Week?



NOVA SUYOM - BAYONG ITALIA

Ang pagpapakilala ng bayong na ito ay ipagpapasalamat natin kay NOVA SUYOM, 35 taong gulang, taga ILO-ILO/Antipolo City at kasalukuyang naninirahan na sa Cornuda Treviso sa Rehiyon ng Veneto. Siya ay isang single mother sa kanyang anak na babae, na siyang nagbibigay-inspirasyon sa kanya upang magpatuloy sa kanyang gawain. Sinimulan niya ang kanyang negosyo noong buwan ng Hunyo taong 2021. Ang mga bayong ay ginagawa sa Samar at sa Negros Oriental at Occidental at ipinapadala dito sa Italya. Ang mga ito ay nagkakahalaga mula 65 euro – 85 euro base sa bawat disenyo nito at materyales.




Noong Nobyembre taong 2021 ay nakasali na rin ito sa UNICEF Event at doon ay hinangaan din ng mga nagsidalo ang mga disenyo ng bayong.




Ayon sa panayam kay Nova, ang pangunahin niyang layunin ay ang makapagbigay ng trabaho sa mga manggagawa ng bayong. Ang bawat pamilyang gumagawa nito sa Pilipinas ay nagkakaroon ng pag-asa na umangat ang kabuhayan dahil sa patuloy na produksiyon nito. Ikalawa sa kanyang misyon, ay ang maipakilala sa buong Italya at sa buong mundo ang maganda at mataas na uri ng produktong Pilipino. Alam niya na maaari itong maipagmalaki dahil sa taglay na tibay at kakaibang pang-akit ng mga disenyo at kulay, tatak-Pilipino talaga.

Kaya, Kabayan, huwag kang magugulat, kung may makasalubong kang may dalang Bayong dito sa Italya dahil may pambato na tayo sa mga signature bags na mabibili dito.


Tangkilikin ang sariling atin, produktong Pilipino ay palaganapin.






Ulat ni: Dittz Centeno-De Jesus

76 views0 comments

Comments


bottom of page