Ni: Rhoderick Ople
Ang aktibismo at ang panganib ng maling pagkaunawa Marami ang hanggang sa ngayon ay di sapol ang kahulugan at kabuluhan ng salitang aktibismo. Kapag ito’y nababanggit, negatibo kadalasan ang “dating”. May ilan na iniuugnay na ito agad sa kaliwa, kahit di rin unawa ang political spectrum at kung bakit uminog ito kasabay ng pag-unlad ng lipunan. Sa simpleng paliwanag, mula sa ugat na salita “aktibo”, sa isang paniniwala. O isang aktibidad na isinusulong na umaayon o pumapabor sa isang doktrina o Partido. Maaari ding tukuyin na piniling prinsipyo, pananaw at pag-uugali ng isang samahan at mga aktibong kasapi nito at/o ng lipunan. Ito ay isang pagkilos na sinadyang tutol sa karahasan, nagpoprotekta o naghahangad ng pagbabago, kapwa politikal o pangrelihiyosong aspeto. kaya ang tanong, ano ang masama sa salitang ito at bakit nilalapatan ito ng masamang pakahulugan? Kung ang mga tao nga naman ay mananatiling mangmang, konserbatibo at may aktitud na pangayuyupapa, mas madaling pasunurin at takutin. Samakatwid, magagawa ng sinoman na nasa poder ang pagsasamantala, panloloko, at pananatili sa poder nang walang tumututol. Samantala, kung ang mamamayan ay gising,mulat at kritikal, kung di man mapigilan, mababawasan ang mga gawa na di pabor sa interes at kapakanan ng maliliit. Matitiyak na mas matatamasa ng tao ang serbisyo na dapat ay nakalaan sa kanila. Mapipigilan ang mga anomalya, malalantad ang pagnanakaw sa buwis ng taong- bayan, mapapanagot ang mga abusado at masasawata ang mga paglabag sa karapatang pantao.
Sa katatapos na Kongreso ng OFW Watch Italy nitong nagdaang Hulyo 24-25,2021 sa Turin, Italya – ang tema ay para sa pagsusulong at pagtataguyod ng Interes, kapakanan, kagalingan at proteksyon ng mga migrante sa Italya. Kung ang hangarin na ito ay hindi makatwiran at matuwid na adhikain, maari ba natin ipagpalagay na ito ay makabuluhang hakbang sa aktibismo?
Comentários