top of page
Writer's pictureRHODERICK RAMOS OPLE

SINO ANG MAGPAPATULOY?

Updated: Sep 13, 2021

EDITORYAL

RHODERICK RAMOS OPLE



Sa humigit kumulang 200 libong manggagawang Pilipino sa Italya, gaano kalaki dito ang porsyento ng kabataan? Nasaan sila sa kulang-kulang isang libong komunidad ng OFW sa buong bansa? Ilan sa kanila ang aktibong lumalahok sa aktibidad na sinimulan ng kanilang mga magulang?


Kalakhan ng mga lider ng komunidad ng Pilipino sa Italya ay nasa gitnang bahagi na ng kanilang panahon. Mayroon din na malapit nang mag-pensyon o sadyang pensyonado na.


Subalit parang walang kabataan.

Sa alinmang sosyo-sibiko, rehiyonal na samahan, palakasan, boluntaryong organisasyon, samahang kultural, at iba pa, mabibilang sa daliri ang kasali mula sa ikalawa at ikatlong henerasyon ng kabataang Pilipino. Kung mayroon man, sa mga organisasyong relihiyoso. Kadalasan bilang koro, banda o suporta sa teknikal. Ngunit hiwalay sa mga adhikain kung paano isusulong ang karapatan, kagalingan, maproteksyonan ang hanay ng kanilang sektor o mga kababayan.


Tila hiwa-hiwalay. Hindi buo. Puta-putaki lamang na lumilitaw. Sa mga piyestahan at pagtitipon. Para magpaunlak ng sayaw, awit at minor na papel. Ngunit hindi nasasanay kung paano gagamitin ang sigla, malusog na isip at katawan, paano oorganisahin ang sektor sa isang tiyak na direksyon. Ang layunin na mabuo ang pagkakaisa para sa kapakanan ng nakararami at preserbasyon ng lahi sa dinayong bansa.


Sa ngayon, isang napakalaking hamon ito sa lahat ng mga lider. Sino ang magpapatuloy? Paano nila ito gagawin?


Tama na muna ang kanya-kanya. Kung hindi mapapalahok ang mga kabataan sa hangad na preserbasyon ng wika, gawi, kaalaman, tradisyon ng lupang pinanggalingan, maglalaho ang mga ito. Magiging alaala na lamang. At mauuwi sa ibong-ligaw na kung saan -saan nakikidapo. Walang bakas ng pinanggalingan. Kasaysayan na animo bulalakaw. Naglaho sa sariling bayan, pumutok na bula sa ibayong dagat.



Rhoderick Ramos Ople




15 views0 comments

Comments


bottom of page