top of page
Writer's picturediasporanas

BOTO, SIMBAHAN AT ANG LIPUNAN


ni: RHODERICK RAMOS OPLE

Boto, Simbahan at ang Lipunan. Alin ang matimbang? Isang araw na lang, botohan na. Panahon na naman upang maghalal tayong muli ng ating mga magiging pinunong-bayan mula sa pinakamataas na posisyon hanggang sa pinakamababa. Tayong taong-bayan muli ang huhusga kung sino para sa atin ang nararapat maging mga pinuno ng ating bansa. Ang ating "Freedom of Suffrage" o "Karapatan sa pagboto" o ang "maghalal" ng ating mga magiging mga pinuno sa ating pamahalaan ay parehong isang demokratikong karapatan at ehersisyo. Isang karapatan at ehersisyo na parehong ginagabayan ng dalawang (2) mahahalagang "prinsipyong na isinadokumento":


Una ay ang, "Universal Declaration of Human Rights" na isang dokumentong pandaigdigan na pinagkasunduan at pinirmahan ng mga bansang kasapi ng "Nagkakaisang Bansa" (o "UN") noong Disyembre 10, 1948 na naglalatag ng pangkalahatang pamantayan at pundamental na mga karapatan ng mga tao at mga bansa. Ikalawa ay ang, "1987 Saligang Batas ng Pilipinas" na kung saan ginagarantiyahan ang karapatang bumoto at kalayaang pumili ng kakatawan sa interes ng mga mamamayang Pilipino.


Ang ating "right o karapatan" sa "suffrage" o "pagboto" ay isang salita na halaw sa salitang "suffragium" (na ang ibig sabihin naman sa wikang Latin ay "to support"). Noong ika- 16 hanggang ika 17 siglo, ang paggamit ng salitang "suffrage" (o ang pagboto) ay para lamang sa mga usaping pagbotohan lamang ang isang nakahapag na resolusyon o mungkahi kung sinasang-ayunan ba o hindi (ang resolusyon o mungkahi yon) sa loob ng isang Parlamento. Sa ngayon, ang salitang ito ay ginagamit na rin sa kasalukuyan para sa tinatawag na natin ngayong eleksyon. Nang lumaon lumawak pa ang kahulugan nito at di lamang para sa paggamit ng isang indibidwal ang karapatang ito kundi nagamit maging ng mga samahan. Naging mainit na tema sa telebisyon, diyaryo, social media at iba pang mga media platforms ang tungkol sa "block voting". Ito ay sa kadahilanan na sa kadalasan sa "sektor ng relihiyon" mismo madalas naririnig ang salitang ito (kung ihahambing ito sa iba pang sektor at grupong politikal). At nangyari pa na sa matagal nang panahon ay naging pinakamabisa at naging mas solido ang "block voting" upang maging "crucial" o sobrang mapagpasya ang paggamit nito para maka-apekto ng isang eleksyon. At ang kadalasang pinaggagalingan naman ng "block voting" o ang malalaking kumpol ng mga botong iyon ay mula sa mga malalaking relihiyon, simbahan o sekta. Na sa isang banda naman ay isang desisyong-pangkalahatan na pinagpapasyahan naman ng kani-kanilang mga liderato tungkol sa usapin na kung sinu-sinong kandidatong ang kanilang iboboto at susuportahan. Marahil ang pinaka-ginagamit na paliwanag ng mga simbahan o sektang nagsasagawa ng "block-voting" ay kaugnay ng "iisang-boto" ng mga nasabing mga simbahan, ito ay halaw at makikita sa Unang Korinto 1, talatang 10, bersikulo 17, Ito ay iyon na kung saan may pagkakahati ng pananaw na nagaganap sa hanay ng mga pinuno ng Iglesia ayon sa mga talata. Sa kanilang pagtatalo, pinalilitaw na dapat iisa lamang ang desisyon at kung sino ang dapat lamang ang panggagalingan nito. Sa madaling salita, di sila maaaring magkakaiba - dapat iisa lamang.

Ang isa pa ay ang Mateo 22: 15-22 , kaugnay naman ito ng sagutin ni Jesus ang mga Pariseo ang kanilang katanungan na kung kanino nararapat magbayad ng buwis. At sinagot naman ito ni Jesus na " ipagkaloob kay Ceasar ang mga bagay na kay Ceasar at ibigay sa Diyos ang para sa Diyos". Kung ating papansinin na sa sa dalawang nabanggit na mga talatang ito mula sa Biblia, ang una ay dapat nating mahalagang pansinin na mga "personalidad sa hanay ng Iglesia ang sangkot dito" at mga "doktrinang pang-relihiyon ang kanilang pinag-uusapan"..... at HINDI "mga politiko" o "usaping pampulitika" ang kanilang tinatalakay dito.

Sa pagpapalalim po ng ating pagbasa at pag-aaral sa mga nabanggit na mga talatang ito, ay malinaw na si Kristo ang Pinakapunong Pinuno po ng simbahan ang tinutukoy doon at mangyari pa na kung sa magkagayon nga ay nararapat lamang na "Siya" (o "Ang Salita ng Diyos") ang higit sa lahat ang dapat sundin (o panggalingan ng prinsipyo ng tamang pagpapasya) at hindi ang mga lider -simbahan (at mas lalo pa kung hindi naman ang mga ito sumusunod ang mga ito sa mga prinsipyo o katuruan ng Salita ng Diyos).


Ang ikalawang argumento naman sa mga talatang ito ay pawang nakapatungkol kung paano ang tamang aktitud sa pagbabayad ng buwis sa pamahalaan. Dito naman ay kung susuriing mabuti ay malinaw na inilalatag ang doktrina ng paghihiwalay ng Estado at Simbahan. Sa simpleng diskurso, ang ikapo at buwis ay magkaiba at hindi iyong "block voting" (ang pinag-uusapan dito) na itinataguyod ng ilang relihiyon sa bansa. Ang kagawian ng block voting na ito ay sumasalungat sa kalayaan ng mga tao na pumili. Sinasagkaan nito ang tinatawag na "free will " o ang likas na kalayaang magpasya tuwing sa sitwasyon na hindi ayon sa dikta ng isang grupo. Lumalabag ito sa mga itinakdang patakaran at mekanismo kung kaya't sinabing sagrado ang balota na nakabatay naman sa demokratikong prinsipyong walang sinoman ang maaring makialam sa kalalabasan ng boto o eleksyon. Ito ay masasabing pinakamalalang paglapastangan sa karapatang pantao. Paatras at hindi pasulong na pag-unlad ng lipunan. Pagbalik sa hindi sibilisadong pag-inog ng kamalayan at edukasyon. Maaaring isipin na halos lahat ng relihiyon ay may pinipili o kinakatigan na kandidato. Datapuwat parehong nagsisilbi sa ikapapanalo ng isang napiling kandidato, may pagkakaiba sa kondukta.


Ang block voting ay hindi nagbibigay ng opsyon o pagpipilian. Ang pag-endorso ay maaaring ipagpalagay na may puwang para sundin o hindi ang napiling kakatawan sa Bayan. Ang pag-endorso ay nakabatay sa tinakdang moralidad, kredibilidad, napatunayang karanasan, inabot na edukasyon samantalang ang block voting ay nakabatay sa desisyon ng nakatataas na mga pinuno. Nababalewala ang desisyon na nakabatay sa naging pagsusuri ng nakahain na plataporma, kakayanan ng kandidato, background at karakter. Sa halip ay nagiging bulag ang isang kasapi ng isang relihiyon sa pagtalima sa maaring makaisang panig o pansariling pakinabang ng isang samahan. Hindi tuloy natin maiiwasan ang maisip ng marami satin ang salitang "magkano". May pera ba na sangkot, pabor, konsesyon o ano ang kapalit ng endorso o iisang boto ng isang grupong relihiyoso? Marahil ay magkakapareho ng pagpapahalaga sa buhay, karapatan, pananaw at ambisyon ang mga Pilipino. Lahat ay ayaw sa kasinungalingan, korapsyon, masamang hatid ng bawal na gamot, mababang moralidad at sa patuloy na paglugmok ng ekonomiya, politika at kamalayan ng tao. Masusukat ngayong halalang 2022 kung ang aspirasyon na ito ay mangingibabaw pagkatapos ng Mayo 9. Sinoman ang manalo, masasalamin agad natin ang inabot na kamalayan ng sambayanan.



47 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page