Suffragium (karapatang bumoto)
Ang boto mo ay ang iyong boses. Kung hindi mo ito gagawin, may iba na magdedesisyon para sa iyo. Pabor man o hindi sa iyong prinsipyo, pananaw at pangarap sa bansa.
Higit sa lahat, ito ay pagtatalaga ng tungkulin sa mga politiko at kanilang pananagutan sa taong bayan. Hindi nagtatapos dito ang iyong papel, matapos makapagluklok ang iyong boto – kailangan na maging mapagbantay para maisakatuparan ang laman ng mga inilatag na plataporma. Pagkakaiba ng noon at ngayon Dati ang mga kumakandidato ay yaong mga maalam sa batas, sa teknolohiya, sa ekonomiya, pakikipag-ugnayan panlabas, propesor o dalubguro at doktor, abogado, makabayan at patriyotiko sa usaping pambansa, bihasang manunulat o mamamahayag, may takot sa Diyos at pagmamahal sa bayan. Ngayon, kahit may mga kasong kinakaharap, kaibigan ng kilalang druglord, napabalitang may death squad, akusado ng pandarambong, pamilya ng dinastiya at simpleng populista ay nakakapamayagpag sa entablado ng pamumuno. Nakakalungkot na sa ating politika – may komedyante, blogger/vlogger, boksingero, alalay, artista, sanggano at butangero, ay naluluklok sa puwesto. Sila ay naitatalaga sa mahahalagang posisyon dahil may kapit sa nasa poder ng kapangyarihan. Bakit nga ba? Bakit nangyayari ang mga ito? Dahil mababaw na rin ang itinatakdang pamantayan ng mga botante. Basta may basketball court na maipatayo, ok na. May tulay o overpass na gawin, pasado na. Wala nang mga pagbusisi kung may korapsyon o nasa istandard ba ang mga materyales na ginamit sa konstruksyon. Panlabas na pagbabago. Kahit di pangmatagalan ang pag-unlad. Kahit di pundamental at tagos sa pangangailangan ng mamamayan. Bukod sa mga ito, marami ang nagpapalagay at nag-iisip na ito’y utang na loob sa kanila. Nabibili na ang mga boto, natatangay sa mga sabi-sabi at anunsyo sa Social Media, nasusuhulan at nalilinlang ng mga agresibo at mayayabang na mga pahayag. Madaling mauto sa madaling salita. Umahon sa kamangmangan Kailangan ng mamamayan na makisangkot. Sa mga usaping panlipunan, pangkalusugan, pang-ekonomiya, pangkalikasan at kultural. Masusing pag-alam sa mga karapatan bilang mamamayan. Pagiging kritikal at mapanuri. Matapang na pagpapahayag ng kung ano ang tama at pagtutol sa mali. Mag-isip Maging matalino. Iwaksi ang mga trapo. Pumili ng mga nagtatanggol sa soberenya ng bansa, may respeto sa kababaihan, paggalang sa Diyos at sa buhay, nagtatanggol sa mga walang boses at minorya, may siyentipiko at makabayang plano sa ekonomiya at higit sa lahat – hindi TUTA ng dayuhan.
Rhoderick Ramos Ople
Oktubre 8, 2021
Comentários