top of page
Writer's picturediasporanas

ANG BUHAY NG OFW SA PANAHON NG PANDEMYA

TULANG NANALO NG UNANG PWESTO SA PATIMPALAK

NG PHILIPPINE CONSULATE GENERAL NG MILAN, Kaugnay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan 2020


ANG BUHAY NG OFW SA PANAHON NG PANDEMYA.

----ni: Ricky Medrano


Sumilip ka at magmasid sa lahat ng nagaganap,

Gumagapang ang panganib na sa tao ay gumulat,

Sa dami ng pangyayaring sa mundo ay sumambulat,

Ikaw,ako, kaibiga'y magigimbal at iiyak.


Ito ngayon itong buhay ng maraming Pilipino,

Libo-libong kayumangging kumalat sa buong mundo,

Ang mahirap nilang buhay nadagdagan ng kalbaryo,

Na para bang nakasigang sa kawali ng impyerno.


Marami ang nangakulong sa dayuhang mga bansa,

Wala namang mga gapos ay hindi po makalaya,

Ang takot ng mga Pinoy sa pandemyang pumupuksa,

Diyos lang ang magsasabi, kung kailan mawawala.


Balintungan ang sandali, ang salot ay namayagpag,

Ang pinuno ay sumigaw at naghigpit itong batas,

Pagawaan ay nagsara, bawal na rin ang lumabas,

Ang kawawang mga Pinoy, nagugutom naghihirap.


Tulad nati'y mga ibong ikinulong sa larawan,

Mga mata'y laging dilat, di magkita ng kalaban,

Ang lupit ng epidemyang ang hatid ay kamatayan,

May ilan pong mga Pinoy, na nagbuwis nitong buhay.


Marami po ang nawalan at nahinto sa trabaho,

Na lahat ay umaasa sa buwanan nilang sweldo,

Naubos na ang sinaing sa maliit na kaldero,

Ama't ina ay nagutom, panganay at pati bunso.


Buhay akong naging saksi sa maraming kaganapan,

Ambulansya'y humuhuni, maya't maya'y dumadaan,

Sa balita'y maririnig, libo-libong namamatay,

Sinakmal na nitong takot ang bayaning naturingan,


Ito po ang buhay namin ng maraming manggagawa,

Nananabik sa pamilya't nangangambang lumuluha,

Taimtim na nagdarasal, humihiling kay Bathala,

Na pandemya ay maglaho't sumabog na parang bula.



11 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page