top of page
Writer's pictureDittz De Jesus

DI MO MAN AKO KINANDILI

Ni: Ibarra Banaag

2 Hulyo 2022





"Di mo man ako kinandili..."


Akin muling lilisanin ang itinakdang tipanan,

Sa kumukulong singaw ng aspalto na lansangan,

Kung saan sumibol at yumabong ang pag-ibig,

Sa diwa ay sumiklot at nanalaytay na dalahin.



Wari ko hindi ito ang unang ginawang pagtakyas,

Nang ako'y narahuyo sa kagandahan at pananaw,

Katulad nito ang bigat sa dibdib na aking ipapasan,

Nakayukong bigo na gisingin silang karaniwan.



Nakaukit pa sa aking isip ang iyong mga pangaral,

Tanda ko pa ang mga balangkas ng pag-aaral,

Dalisdis na tinalunton sa lakad na umaambon,

Mga mukhang umasa na makakamit ang layon.



Na ang buhay ay mahalaga lamang kung malaya,

At hindi saklot ng dusa at iilan ang kumakawawa,

Na batid natin lahat sa bawat kuro-kuro na inusal,

Ay hindi sapantaha ng naghahangad pumiglas.


May nagngingitngit sa aking kaliwang dibdib,

Dahil hindi man lang nasambit laman ng isip.

Minamahal kong  Maria, Juan, Pedro at Iska,

Paumanhin sa mga naudlot na pagpapakilala.


Bakit nga kaya inalayan ka ng labis na pagsinta,

Gayong nakatuon sa iba ang 'yong mga paghanga,

Sa naunsyaming hibik ng bigong mangingibig,

Ipagpaumahin sinta nabigong panata ng pag-ibig.


Wag sanang ihambing ang tula sa isang retorika,

O laos na makatang nanghiram ng mga salita,

Sa tuwing inaasam na makadaupang palad,

Tila ba umiiwas at tinatangkang tumakas.


Marahil sa hinaharap muli kita'y magkikita,

At hangad na sulyapan ang namuong pagsinta

Ngunit ang duda na mauwi na lang sa wala,

Ang maraming kwentong naumid yaring dila.


Ako'y naninimdim at naninibugho sa iba,

Pagkat hanggang ngayon ay tangan ang sandata,

At sa mga martir na humimlay sa iyong kandungan,

Paghangang tataglayin sa huling hantungan.


Walang panunumbat ni walang paninimdim,

Kahit anong bigat ay handa na kikimkimin,

Sukdang katahimikan ay hindi na maangkin,

Ay hindi magsasawa bingi man ang langit.




11 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page