top of page
Writer's pictureDittz De Jesus

TALA at TANIKALA

Updated: Jul 26, 2022

Ni: Sari






Hindi mahirap ang akalain na hungkag ang mga tala sa kalangitan.

Na binabagtas nila ang kalawakan nang walang tiyak na patutunguhan.

Na nilalakbay nila ang walang-hanggang karagatan ng kawalan, lumalagablab, sumasayaw, naghuhumiyaw sa kanilang kamangmangan.

Mga nilalang ng kadiliman, mga diyos at reyna ng kabalintunaan, mga kwentista ng mahiwagang kasaysayan ng sanlibutan.

Ngunit hindi ito ang katotohanan!

Ang mga tala ay materya.

May wakas at may simula.

Binangon sa panahon ng paglikha,

At papanaw alinsunod sa siyensiya.

Hindi likha ng haraya ang liwanag na dala nila!

Sa walang-hanggang siklo ng pagkawasak at pagkabuo,

Nailuwal ang esensya ng tala bilang sanggol at bilang ninuno,

Tangan-tangan ang daansiglong nakaraan at ang daantaong hinaharap sa anumang pagkakataon.

Binabagtas nila ang kalawakan nang may tiyak na patutunguhan.

Mga tala - at higit pa! Mga laksa! Laksa-laksa, daig pa ang mga planeta!

Nagkukumpulan sa gitna ng tiyak na delubyo ng walang-hanggang kadiliman,

Hercules! Perseus! Centaurus! Cepheus! Auriga! Cassiopeia! Andromeda!

Lumalagablab, sumasayaw, naghuhumiyaw, nakikibaka!

Mga kumukutikutitap na barikada sa mga tarangkahan na itinayo ng mga nagnginginit at duguang kamay ng mga gahaman!

Mga kumikislap na teatro ng digma - tangan-tangan ang sandata at pangalan ng mga huwaran ng kasigasigan, katapangan, at kadakilaan!

Agustin! Lejo! Alfredo! Antonio! Leonardo! Mando! Maria! Nona! Recca!

Mga mandirigma sa dilim na panata ang labanan ang kawing-kawing na kabalintunaan ng kasaysayan,

Mga mandirigma ng liwanag na maglalansag sa kawing-kawing na tanikala ng mapagsamantalang sanlibutan!

Dinggin mo sila, dinggin mo ang mga tala,

Malasin ang kanilang maningning na pagsasama-sama:

Ang pagiging isa ay pagiging mahina!

Ang pakikipagkaisa ay pagiging malaya!

Tala

Pebrero 24, 2018 02:56

67 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page