top of page
Writer's picturediasporanas

ANO ANG PAMANTAYAN MO SA IYONG PAGBOTO?

Nasa Apelyido ba ang Ikauunlad ng Bansang Pilipinas?


Ni: Aldren Ortega





Maingay na ang “social media” dahil sa nalalapit na Halalan 2022. Kanya-kanya na ang mga sinusuportahang kandidato buhat sa pagka-Pangulo hanggang sa lokal na eleksyon.


Marami nang pinagdaanan ang bansang Pilipinas, kaya maaari nating maitanong, paano nga ba makakamtan ang tunay na pag-unlad nito?

Posible ba itong mangyari?

Anu-ano ang mga hakbang para makarating sa kaunlarang hinahangad ng mga mamamayang Pilipino?


Ang halalan ang isa sa pinakamakapangyarihang pamamaraan para makamit ang kaunlaran. Dito kasi ay maaari nating iluklok sa posisyon sa loob ng 3 o 6 na taon, ang mga pinaniniwalaan nating magsasalba sa Pilipinas. Ang nakakalungkot lang ay hindi nagagamit sa wasto ang karapatang ito. Ngayong Halalan 2022, sana ay magkaroon ng mahalagang kabuluhan ang ating pagboto.


Anu-ano ba ang mga maaaring makatulong sa atin sa pagsisiyasat ng isang kandidato? Narito ang ilan sa mga palagay ko ay maaaring panghawakang pamantayan:


1.) Katapatan. Gaano katapat ang kandidato mo? Wala ba itong itinatago? May mga isyu ba ito na tinatakbuhan at hindi kayang sagutin? Mahalaga ang katapatan at ito dapat ang una sa ating basehan. Kung sa simula pa lang ay hindi na nagsasabi nang tapat, marami pang lihim ang posibleng itago sa loob ng anim na taon. Handa ka ba na salubungin ang susunod na mga taon na maraming kasinungalingan at pagtatakip? Tandaan, na ang isang kasinungalingan ay maaaaring lumabas na maganda sa pandinig ng mga ayaw buksan at gamitin nang maayos ang kanyang pang-unawa at pagsasaliksik.


2.) Plataporma. Kung tapat ang kandidato mo, mas madali nang paniwalaan ang mga plataporma at plano niya para sa mga susunod na taon. Subalit ang plano nito ay hindi dapat tsamba lang o kaya ay pabulaklak lang sa tenga ng mga nakikinig. Maraming plataporma ang posible namang matupad, may kaunting magandang maidudulot pero talo pa rin ang nakararami. Minsan maraming plano na magandang pakinggan, astig ang Pilipinas kapag nangyari ang sinabi ng Pangulo, magandang tingnan sa labas pero sa loob nagdurugo, mas marami ang naghihirap. Sikapin nating siyasatin ang plataporma ng isang kandidato, ang kanya bang ipinaglalaban ay tunay na makakapagpapaahon sa hirap ng nakakarami? Maayos tayong magmatyag at tingnan kung anong posibleng epekto ng mga platapormang inilalahad ng isang kandidato.


3.) Kahandaan. Malaki ang Pilipinas, at hindi maikakaila na maraming suliranin ang dapat lutasin sa bansang ito. Ang isang kandidato ay dapat handa na harapin ang ano mang sitwasyon na sasalubong sa kanya sakaling palaring manalo. Iba-ibang opinyon at pananaw ang siguradong maglalabasan, iba-ibang mga personalidad ang magbabangayan, pero gaano kahanda ang kandidato mo para sa pagkakaiba-iba ng opinyon na ito? Gaano niya naipepresenta ang kanyang sarili para maging handa sa pagkakaiba-iba ng ating mga pananaw? Mahalaga na handang makinig ang Pangulo sa kaibahang ito. Dahil dito lalabas ang pagkakaisa para sa bansang Pilipinas.


Sa huli, mapapansin natin na matutunog ang apelyido ng mga kandidato sa Halalan 2022. May apelyidong nagmula sa angkan ng mga politiko, apelyidong nakilala dahil bahagi ng iba’t ibang larangan at tanghalan. Mayroon ding mga apelyidong kalahi ng mga mayayamang negosyante at mga makapangyarihan sa lipunan. May mga kalakasan at kahinaan ang bawa’t isa. Sabi nga wala namang perpekto sa mundo. Pero mainam pa rin na may pamantayan tayo sa pagpili dahil ito rin ang magdidikta ng ating kakaharapin sa susunod na anim na taon. Nasa Pilipinas man tayo o nasa ibang bansa, apektado tayo sa ano mang posibleng mangyari sa Halalan 2022.


Ikaw, anu-ano ang mga pamantayan mo?




33 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page