top of page
Writer's picturediasporanas

PAURONG AT PASULONG


Ni: Rhoderick Ramos-Ople


PAURONG. Nakaigpaw na ang tao sa di-makatwiran na pananaw, mga batas, diskriminasyon sa kulay, di parehas na oportunidad, paglapastangan sa karapatan at pagkakapantay. Bagaman at may mga manipestasyon pa rin sa ibang panig ng mundo at sa mga partikular na mga kaganapan, sa kabuuan ay masasalamin ang pagbabago sa tinatahak na kamalayan at isip ng tao at pamahalaan. Ito ang palagay ng marami. MORALIDAD AT KAMALAYAN. Kasabay ng pagsulong ng mundo sa iba't ibang aspeto, marami pa rin ang nakagapos sa suhetibo at atrasadong pag-uugali. Kadalasan mas pinangingibabaw ang damdamin sa isip. Kahit pa nagdudumilat sa kanyang harapan ang mga katunayan. Kapwa ito sa isyu ng kasaysayan at pangbabaluktot sa materyal at mga mapanghahawakang katibayan. Madaling naeengganyo at napapatianod ng inilalakong pananaw tulad ni “Pilosopong Tasyo”. Baluktot, imoral, mangmang at palasuko. Inililigaw para itatwa ang kritikal at matuwid na pananaw sa buhay, politika, kultura at pagkatao o pagiging abanteng mamamayan. Mas naniniwala sa tsismis, fake news, samot-saring memes at mga bayarang propagandista, pagpapalagay na ang bilang ay mas mahalaga sa katotohanan, at nagpasalin-saling kwentong barbero. Mga blogger at vlogger na kung ano-ano lang ang sinasabi, nagmumura lang at marunong lang mag-english kahit hungkag sa laman. Di tuloy mawari kung dulot ng sikmurang kumakalam o sanhi ng walang kalidad na edukasyon. Kaya laganap pa rin ang kamangmangan. Ngunit masasalamin ito maging sa hanay ng mga tinaguriang intelektwal. Kadalasan pa nga ay sila ang tagapagtaguyod ng dekadente at nabubulok na kaisipan. MANSANAS NI EBA AT ADAN. Nagkalat ang mga ulupong. Sa lahat na yata ng ahensya ng pamahalaan. Nakalulungkot subalit tagos ito hanggang sa pinakamababang yunit ng lipunan. Lahat na yata ay may katapat. Mapailalim o ibabaw ng lamesa. Depende na lamang kung magkano ang ilalagay. Noong araw, bumangway lang ang sanga ng suha sa bakod ng kanyang kapitbahay nangangamoy-away na.Nasa malayo pa lang ang dayuhan inuulan na ng sibat at pana. Ngayon, kahit pinagtatabuyan ang ating mga mangingisda sa saklaw nating karagatan, tameme at pinababayaan lang. Kung meron man aksyon, mas pabor sa mga mapanghimasok. Mas lamang ang buladas sa aksyon. Kamukat-mukat mo, isinangla na pala ang patrimonya. Kapalit ng dangal at pera. Dati rati, kung may kilalang magnanakaw sa baryo isinusumpa ito hanggang langit at sa pinakamsaklap ay ipinatatapon ang kahahantungan. Ang mga makapili ay itinatali sa bahay ng langgam. Ang mga sinungaling ay binabansagan at baon-baon nila ito hanggang sa susunod na henerasyon – ika nga “pamilya ng mga sinungaling”. Minamarkahan hanggang sa kaapu-apuhan ng dugo. Sa madaling salita, malaki ang pagpapahalaga ng mga tao sa katotohanan. Sa dignidad at pangalan ng isang pamilya. Mas importante ito sa ginto. Ang isang salita ay katumbas ng kontratang nilalagdaan. Ang kalayaan ay tulad ng pagpapahalaga sa buhay. Subukan itong hablutin at tiyak maghahalo ang balat sa tinalupan. Matatandaan na ang turing sa mga taong gumagawa ng masama sa kapwa at lipunan ay animo may sakit na ketong. Nilalayuan at hindi tinutularan. Subalit ngayon, sumusulong ang tao paurong. Mas kakagatin ang mansanas kaysa iwaksi ang kasalanan at kasinungalingan. Nagagawa pang lumakad na taas ang noo. Walang kagutal-gutal kung magtalumpati. Akala mo may moral na tinutuntungan. Buladas lang ang puhunan magaling na. Kahit isang bugkos ng kasinungalingan at mag gawa-gawang kwento – siya pang pinapupurihan. Bukambibig ang Diyos kahit sa totoo ay salarin at may mga inutang na dugo. Baligtad na ang mundo Kung sino ang nagsasabi ng tapat at totoo ay siyang inuusig. Ang mga naghahangad ng tunay at sulong na pagbabago ay tinutuligsa at inaalimura. Yaong mga kritikal ay minamasama sukdang ihalintulad sa demonyo. Ang mararangal ay pinagkakaisahan para parusahan. Ang matuwid ay binabato ng putik para tiyaking walang makasagabal sa kabuktutan. Kahit alam nang mali ay pilit sinasabing tama. Nilalabusaw para ikalito ng mga tao. Kahit hindi totoo ay gagawan ng paraan para palitawing nangyari, may katibayan, o igagawa ng mga pekeng dokumento at maghahabi ng sanaysay para makapanaig ang personal na interes at pagtatalaga sa sarili. Salamin ito sa maraming bagay. Reretukihin ang isang larawan makakuha lang ng maraming likes na icon, dadayain ang boses para makabenta, magnanakaw ng kredensyal para iangat ang sarili, mang-uumit ng mga impormasyon para siraan ang iba, lilikha ng mga intriga para lamang makapagbuga ng lason laban sa mga taong taliwas ang pananaw sa maling kalakaran. Lahat ay para sa kabusugan ng sarili. Mababaw na kaligayahan. TRAPO. Sa panahon ng eleksyon, ang isang libo ay kapalit ng anim na taong paghihirap. Sapat na ang kislap ng kamera katabi si TRAPO kahit walang ginagawa. Kahit paano “daw” ay nakasama sa larawan. Masabi lang na kabilang, kakilala, katsokaran na kahit sa totoo ang mga hinaing ay pumapasok at lumalabas lang sa kabilang tainga nitong si TRAPO. Kahit hindi produktibo, kahit taksil sa bayan, kahit magnakaw pa ng ilang libong beses. Basta may tulay at signboard na naipagawa. Basta may basketball court, isang supot ng bigas at lata ng sardinas o naabuluyan . Pwede na, may nagawa naman di umano. Kahit maghirap ang kalakhan. Panandalian Nasanay na yata ang mga Pinoy sa panandalian. Ok lang kahit marupok. Ok lang kasi nakakahiya na igiit ang kalidad ng serbisyo. Sala sa init, sala sa lamig di umano. Balisawsawin. Hindi alam ang gusto at ang ayaw. ‘Wag lang masasaling ang yabang (ego) o pagkalalaki palalampasin na ang lahat. Basta nangingibabaw ang kahambugan magbubulagbulagan sa mali, sa di wasto, sa kawalang-katwiran o anumang umaayon sa kahangalan at maling asal. Lahat ay ipagpapalagay na tama, kahit baluktot o wala sa tamang hulog. Gusto lang ng ilan ay makinabang. Magsasabing kaisa sa pagbabago subalit ayaw isangkot ang sarili. Ayaw magsakripisyo. Tamad nang magsuri. Gusto lang ng mga bagay na ikagiginhawa ng sarili ngunit hindi makikikapit-bisig para ipaglaban ang hinahangad o nasa isip na kaayusan. Ang masaklap, kilala ka lang kung sila mismo ang nakakaranas ng maling sistema. Limot ka na matapos matulungan. Kakampi pa ng mga tampalasan. Talangka at lagareng hapon kumbaga. Sarili una sa lahat. MAY PAG-ASA SA BUNTON NG MGA LAYAK. Hindi lahat ay ipinanganak na hunghang. Marami pa rin ang mulat at may prinsipyo sa buhay. Alam pag-ibahin ang tama sa mali. Kilalanin ang tamad sa masipag. Husgahan ang kasaysayan mula sa pangbabaluktot. Ialagay sa tamang konteksto ang serbisyo-publiko. Hindi natatangay ng populismo, panatisismo at rehiyonalismo. Isinusulong ang mga programang pangmatagalan, patas sa anumang kasarian, makamamamayan, siyentipiko, makakalikasan at umaayon sa interes ng sambayanan. Sila yaong mga alagad ng aktibismo. Masayahin, mapagmahal sa bayan, di makasarili at handang maglingkod higit sa pansariling interes. Kritikal sa mga katiwalian, tutol sa nabubulok na sistemang dinastiya, laban sa naniniil, isinusuka ang mga kawatan, galit sa trapo at sa mga huwad na ginagamit ang salitang diyos sa pagsasamantala. Kayang suriin ang nagkukunwari at lantad na pusakal o Lucifer. Sila ang mga masikhay magmulat sa tao. Ang puso’t isip nila’y matapat na tagapagtaguyod ng interes ng mga nasa laylayan ng lipunan. Ang tawag sa kanila’y mga AKTIBISTA. Tunay na mga alagad at lider ng taong-bayan.Taglay ang marangal at mababang-loob na katangian.

57 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


bottom of page