Ulat ni Dittz Centeno-De Jesus
Kasabay ng komemorasyon ng ika-126 taong kamatayan ni GAT JOSE RIZAL na ginanap sa Philippine Consulate sa Milan, ipinakilala nitong ika-29 ng Disyembre, 2022 ,sa mga representante ng komunidad ng mga Pilipino sa Northern Italy ang bagong talagang Consul General na si G. ELMER G. CATO, tubong Angeles, Pampanga, dating mamamahayag ng ANG PAHAYAGANG MALAYA mula taong 1983 at sa iba pang publikasyon gaya ng Manila Chronicle, Reuters News Agency, Kyodo News Agency, GMA 7, Philippine News and Features at sa Saudi Gazette. Siya'y naging isang overseas worker din. Mayroon din siyang halos 25 taong karanasan sa Foreign Service ng Republika ng Pilipinas.
Naglingkod siya bilang Foreign Affairs Assistant for Public Diplomacy sa DFA Manila, nagserbisyo din sa Permanenteng Misyon ng Pilipinas sa United Nations sa New York at sa Philippine Embassy sa Washington, D.C., Baghdad at Tripoli. Dati siyang Konsul Heneral ng Pilipinas sa New York bago naitalaga dito sa Milan. At sa kanyang talumpati ng pamamaalam sa Filipino Community sa New York, binanggit niya na ang tagumpay ng Konsulato ay tagumpay din ng lahat.
Pinagkalooban din siya ng GAWAD MABINI, ang pinakamataas na karangalang iginagawad ng Gobyerno ng Pilipinas sa mga Filipino Diplomat, dahil sa kanyang maayos na serbisyo at pangunguna sa tambalang pribado-publikong pagkakaroon ng "rent-free hosting " ng DFA consular offices sa mga shopping mall sa Pilipinas.
Nagsimula siya sa paglilingkod sa Department of Foreign Affairs noong taong 1998. Pero bago pa sa DFA service ay naging overseas worker muna siya sa Jeddah at Jakarta.
Bahagi ng kanyang talumpati sa programa ay ang pagkilala sa kabayanihan ni Rizal at kung paano ito nagsilbing inspirasyon sa mga Pilipino upang pagyamanin pa ang sarili , magpakita ng malasakit sa kapwa tao at ialay ang buong pagsisikap para sa ating bayan . Binanggit din niya na huwag kalimutan ang naging pakikibaka ng mga naunang henerasyon upang makamit ang minimithing kalayaan ng bansa.
Ibinalita din niya ang proyektong pagtatayo ng isang bantayog ni Rizal sa Milan, sa tulong na rin ng Knights of Rizal, mga ekspertong teknikal na kabilang dito si Arch. Jayson Ramirez at maging ng Comune ng Milano.
Ang programa ay kinapalooban din ng paghahandog ng bulaklak sa Pambansang Bayani, kasama ang pamunuan ng Knights of Rizal, sina Sir Paul Buenconsejo at Sir Dennis Ilagan at ang Kababaihang Rizalista Modena Chapter. Binigkas din ni Sir Luisito Atienza ng KOR Modena ang sinulat na tula ni Rizal,ang Sa Kabataang Pilipino (salin sa Tagalog ng A La Juventud Filipina).
Ang panghuling pananalita naman ay mula kay Consul Norman Padalhin. Siya’y nagpasalamat sa mga nagsidalo sa pagpapaunlak ng mga ito sa imbitasyon ng Konsulato. Kabilang sa mga ito ay nagmula sa Bologna, Modena, Ravenna, Forli, Ferrara, Piacenza, Padova at sa Milano rin. Katuwang din sa pag-aasikaso sa mga panauhin si Consul Kristine Laguros at ang buong staff ng PCG Milan.
Matapos ang programang pinamahalaan ni Cultural Officer Sylvia De Guzman, ay ang oportunidad para sa pagpapakuha ng litrato at ang isang munting salu-salo kung saan ay nagkaroon din ng tsansa na makipag-usap ang mga lider at miyembro ng mga organisasyon ng Northern Italy kay ConGen Cato.
Comments