top of page
Writer's picturediasporanas

BULATSI NG HUWAD NA LIDER


Bulatsi ng huwad na "lider".


Sa Bulakan, balisawsawin at sala sa init sala sa lamig

Ang isang indibidwal na walang malinaw na disposisyon.

Hindi Ito mahirap malaman.

Madaling makita ito sa kanyang tindig at pagposisyon

sa mga mahahalagang isyu.

Lantad sa ganitong klase ng pamumuno ang oportunismo,

buntutismo at anarkistang istilo at mga litanya.

Kunwari ay para sa masa o kapwa manggagawang migrante,

subalit pinapasinungalingan mismo ng kanyang karakter

at mga binibitawan na salita ang pagpapanggap.

Ipinangangalandakan pa ang mga di umano ay ginawa

subalit pulos mukha niya ang makikita sa mga pahayag.

Parang langaw na nakatuntong sa kalabaw.

Trapo kung baga. Pagsikat lang ang hangad. Ampaw.

Walang laman sa loob dahil nakasentro sa kanyang sarili ang lahat.

Pabalat-bunga lamang ang aksyon.

Pabago-bago ang isip at tindig.

Nagpapapanggap na para sa mga biktima ng panloloko,

pangingikil at pamemeke ng mga dokumento.

Ngunit sa totoo ay may lihim na adyendang personal.

Kapag nakita na may resulta ang ginagawang pagtulong ng iba,

babaling sa ibang panawagan.

Babaguhin ang litanya.

Iibahin ang kwento.

Yaon lamang pabor sa maduming isip at binabalak.

Kaya sa dulo, hindi talaga para sa tao, hindi para sa hustisya,

hindi para sa indemnipikasyon ng mga nahuthot na pera

sa mga biktima ng dapat ay papanagutin na estapador at manloloko.

Bumabalik lagi sa paglulubid ng kasinungalingan

para tuloy-tuloy na suhayan ang hungkag na panawagan.

Hindi tumatanggap ng payo dahil hindi kayang pag-ibahin ang suhetibo

o silakbo ng damdamin sa kongkretong mga datos

na nakasambulat sa kanyang mukha o katinuan kung meron man.

Palaging pabida, nagtatago sa mga padaplis, pasaring, patama

dahil hindi kayang suportahan ng mga datos at ebidensya

ang matabil niyang dila.

Sadyang dalahira at malisyoso ang kukote

na nababalot lamang ng marupok na bungo.

Bahagyang masagi ay mawawarak

dahil hirap tanganan ang mga sensitibong tema.

At ang kagutal-gutal na parte ng pagkatao niya,

ay abot hanggang langit ang pagmamagaling

na siya'y ibinoto ng mga tao sa isang Konseho.

Subalit ang kapangyarihan na taglay ay basang-basa ng mga laway

na bumubuga sa magkasangang dila

Dahil hindi ginagamit sa tama, edukado, at kagalang-galang na pamamaraan.

Hindi maginoo, astang bully na tambay sa kanto.

Minsan nga, kung ihahambing mas may "code of honor" pa ang sampay sa kalye

kaysa sa umaastang taga sa panahon na politiko.


Ito ang kwento ni Kon, kumpara sa kwento ni Hen. na sa limitadong mandato,

tumutupad sa tungkulin, tahimik at pilit gumagaod

sa masalimuot at nakakadismayang bulok na burukrasya.

Walang pagbabalak ang kwentong ito na iangat ang bangko ni Hen.

O kaya'y palitawin na matangos ang nakadapang ilong.

Ang binabanggit ay tanging mga ginawa.

Dahil kung ang naging aktitud sa problema

ay papabor sa interes ng mga manloloko at di sa mga naagrabyado,

marahil ay kakampi tayo ni Kon.

Kaya di bale nang madalas makitang kumakain ng ice cream

o nasa karinderya ng mga Pinoy.

Mas importante na sa maliit na paraan ay naipagmamalaki ang sariling atin,

Pati mga nakatagong talento at kakayahan ng maliliit nating kababayang negosyante.

Ayaw ko nang alamin kung libre o nagbayad -

kasunduan na ng nag-selfie at tindahan/negosyong pinuntahan.

Si Kon, bagama't naluklok at nabigyan ng mandato -

Putak lamang ng putak. Parang basag na banga.

Kaliwete at nagbabangga mismo ang mga deklarasyon

dahil hindi gagap ng isip ang tama at mali.

Ang kahambugan ang nananaig.

Pawang arogansya na walang pagsusuri sa kongkretong kalagayan.

Paimbabaw lamang. Kaawa-awa ang mga tulad ni Kon.

Nakabihis subalit hubad sa kaaalaman.

Mas mahaba pa ang dila niya sa kurbata.

Ngunit ito'y isang kwento lamang na maaaring kapupulutan ng aral.

Kathang-isip subalit maaaring kumurot sa iyong sintido-kumon.

May pagkakahawig sa totoong mga kaganapan.

Nagsusumigaw man sa nagtataingang-kawali ng matigas na ulo.

Mga nasagap ni Marites sa Social Media, mga patotoo ng karaniwang tao.

Kabi-kabilang palipad-hangin ng mga mapagmasid sa lansangan at katotohanan.

At sa husgado ng mga nagdudunung-dunungan.

Ang tamaan ay 'wag magagalit,

ang pikon ay maingay lang sa Facebook.


Ni: Ibarra Banaag

52 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


bottom of page