MABUHAY ANG SAMA-SAMANG PAGKILOS NG URING MANGGAGAWA
MAYO UNO….Petsang sumisimbolo sa Araw ng mga Manggagawa. Sa tuwing sasapit ang araw na ito, nagkakaroon ng mga kilos-protesta, mga programa at mga kampanya para sa pagsusulong ng mga karapatan at kagalingan ng mga manggagawa. Sa araw ding ito pinapatampok ang mga pangunahing isyu na nakakaapekto sa mga kalagayan ng mga manggagawa at mga industriyang kanilang inaasahan.
Sa ngayon, isang malaking usapin ang dagdag-sahod na hinihiling para makaagapay sa pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin at implasyon. Isyu din ang deadline para sa konsolidasyon ng prangkisa ng mga jeepney drivers at operators. Kasalukuyan ding idinaraos ang welga ng sektor ng transportasyon.
Ang buong araw na pagkilos ay nilalahukan din ng iba’t ibang sektor mula sa mga kabataan-estudyante, mga taong-simbahan, mga manggagawang pangkalusugan at pang-edukasyon.
Ang militanteng pagtitipon ng mga ito ay isang taunang tradisyon na naggigiit sa batayang Karapatan ng mga manggagawa ukol sa sahod at trabaho at iba pang pinagkakakitaan. Hangad nito na maitulak ang Administrasyong Marcos na makapaglabas ng mga panukalang batas na tiyak at agarang tutugon sa kakarampot na sahod at mga karampatang benepisyo.
Ang pagpoprotesta para sa karapatan ay hindi isang krimen bagama’t ang nagiging tugon ng gobyerno ay ang marahas na pag-aresto at pagpapakalat ng takot sa mga mamamayan upang tumigil na sa pagrereklamo.
Ayon nga sa nagsipagprotesta , “Ang ating malupit na pagkakaisa ang siyang magpapahaba ng ating pangkabuhayan! “
Nakikiisa kaming mga MANGGAGAWANG MIGRANTE sa panawagang tugunan na ng gobyernong Marcos ang isyu sa SAHOD, TRABAHO AT BATAYANG KARAPATAN ng mga MANGGAGAWANG PILIPINO.
-Dittz Centeno-De Jesus
Comments