Sulat sa ating mga kandidato sa Pangpanguluhan
Ngayon ninyo patunayan!
Kami ba talaga ay "Bagong Bayani" para sa inyo? Narinig niyo na ba ang problema namin hinggil sa Passport Renewal? Nagpahayag na ba kayo ng opinyon at gagawin para kami matulungan?
Botohan na naman. Bubulalas na naman sa bibig ninyo ang aming halaga, ang naiaambag namin sa kaban mula sa aming remittances, ang sakripisyo namin para sa pamilya at Bayan.
Sa inyong talumpati, mamumutawi na mahal niyo kami, maghahabi kayo ng mga pangako, langit at lupa ninyong ihahayag na kayo ay para sa amin. At maglulubid na naman ng kuwento ng mga nagawa para sa amin.
" Mahuhusay ang ating nga doktor, magagaling ang ating mga inhinyero at arkitekto, masisipag ang ating mga nurses, matatalino ang ating mga titser, matitiyaga ang ating mga caregiver at matiisin ang ating mga kasambahay"...,totoo ang lahat ng ito. Subalit hindi pambobola ang hanap namin.
Kapag kami'y nasa gitna ng pangangailangan, may patuki ang inyong mga mata, may busal ang inyong mga bibig, may tapal ang inyong tainga at animo bato ang inyong damdamin.
Kaya tama na sana ang mga pangako. Itigil na ang ampaw na pagkandili. Gusto niyo lang naman makuha ang aming mga boto.
Ngayon, oo ngayon - pumanig naman kayo sa amin. Umaksyon naman kayo nang hindi pabalat-bunga. Iligtas niyo naman kami laban sa abuso. Isulong niyo naman ang aming interes at kapakanan.
Sagrado ang aming pasaporto,bakit ninyo ibinubugaw ? Ang serbisyo- publiko ay obligasyon, bakit ninyo inaabandona? Ang presyo ay nakapanglulumo, sa bunganga ng buwaya kami inyong isinusubo.
Sana naman ay di ninyo itinuturing na maliit lamang itong isyu. Hindi nga ito WPS pero para ding daylight robbery. Hindi nga ito Pandemya pero ang epekto ay nakakabahala. Hindi nga ito baha, lindol o tagtuyot, ngunit sadyang nakakayamot at baluktot.
Mga politiko at kandidato, global ang problemang ito. Hindi kami sang-ayon sa serbisyong tinubog sa ginto. Wag kayong mag-atubili na ito ay kanselahin. Kaysa naman sa presinto sa Mayo, pangalan ninyo ang aming burahin.
No to ePaRCs!
Serbisyo hindi negosyo!
Nagbabakasakali,
Juan dela Cruz
Manggagawa sa ibayong dagat,
Tamang hangarin d pahirapan d po pinupulot Ang Pera ppinaghihirapan dugot pawis Ang lumalabas sa katawan Please pay attention to our plea.