top of page
Writer's pictureDittz De Jesus

MANINDIGAN PARA SA BAYAN

Manindigan Para sa Bayan

Ni: Babaylang Idda


(Editor's note: Saan ka mang kulay o panig...isipin kung may merito ba ang iyong pinaninindigan. Isang pagbabahagi ng nasasaloob ng isang ina sa kanyang batang anak at isang guro sa kanyang mga mag-aaral....basahin at isapuso.)


Ang tunay na tumitindig, nasasagot ang bawat tanong na "bakit".


May mga nasilaw sa kinang ng huwad na pagkakaisa, tapang, at lakas ng mga taong nagtatampisaw sa kapangyarihan at yaman. Kaya't may mga lumalaban upang hindi na ulit maipagkait sa mga bata, mga maralita, mga katutubo, mga magsasaka't mangingisda, mga trabahador, at bawat Pilipinong nagnanais ng disenteng buhay ang kanilang karapatan.




Ilang araw na lang bago ang halalan. Ang paghalal ay pagbibigay ng posisyon, ng trabaho sa karapat-dapat, kwalipikado, at may kakayahan. Hindi sa naglilinis ng pangalan ng mga pamilyang paulit-ulit nang nagpasasa at nakinabang sa pagsisikap natin. Tayo ang pagsisilbihan dito, kaya't marapat lamang na isaalang-alang natin ang mga susunod pang taon, kung maihaharap ba tayo sa daigdig nang may dignidad at pagkatuto mula sa mga aral ng kasaysayan.




Kaiba ito sa mga rally na napuntahan ko. Noon, dumadalo akong mag-isa, ngunit kahit mga hindi ko kakilala ay parang kasama na rin dahil sa mga ipinapanawagan. Tapat na pamamahala, tunay na paglilingkod, mga pagbabago sa sistema, at siyempre, ang pagkilala sa mga pilit na kinakalimutan at binubura sa kasaysayan. Ngayon, kasama ko na ang aking ipinaglalaban, ang dahilan kung bakit patuloy akong mangangarap hindi lamang para sa ķanya, kundi para sa bawat batang Pilipinong tulad niya.



Kasama ko rin ang aking mga kaibigan, na alam kong ganun din ang hangad para sa kanilang mga pamangkin at pamilya. Hindi man namin nakita ang aming mga estudyante sa complex dahil sa dami ng tao, naniniwala kami na sa unang pagkakataon nilang bumoto, hindi nila ikakahiya ang pagpili sa mga pinunong may dunong at dangal. Salamat sa pagtindig, mga anak!


Sa mga hindi pa nakakapagpasiya, pag-ibig ang nagbibigay sa atin ng dahilan, ngunit kailangang pag-isipan kung ano ang nakataya, kung ano ang masasayang. Kung ayaw nating tayo ay nalalamangan, mabuting tayo mismo ang kumilatis at magtimbang kung ang sukat ba ay husto. Walang madilim na landas o mabigat na problema ang nasasagot ng "basta". Sa oras ng kalamidad, pandemya, at krisis, wala tayong mapapala sa pinunong tutulugan tayo at hindi pagpapakitaan. Tandaan na ang paghahalal ay pagbibigay ng tungkulin sa taong may kakayahang tumupad nito.


Hanggang dito na lang muna. Wala akong pepersonalin na iba ang paniniwala sa akin/amin. Huwag sayangin ang pagkakataong ito. Hindi pa huli ang lahat.

53 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page