top of page
Writer's picturediasporanas

MULA SA OWWA,PAGSASANAY SA PAGGUPIT NG BUHOK

LIBRENG HAIRCUT AY SUMAPIT, TIWALA LANG SA MANGGUGUPIT

Ni: Dittz Centeno-De Jesus



Patunay na ang mga Pilipino, basta't may pagkakataong matuto ng bagong kasanayan, tiyak na gagawa ng paraan para panahon ay mailaan.


Sa Bologna, nagtapos na ang unang grupo ng mga manggugupit ng buhok, nitong ika- 31 ng Oktubre, 2021. Ang kurso ay tinatawag na COC 4 o Certificate of Competency 4 (Basic Haircutting Course ng TESDA) at bahagi ng mga programa ng OWWA Milan. Ang naging instruktor ay si Sir Mars Casuga, na nagtapos sa TESDA sa Pilipinas at siyang nagbahagi ng kanyang kaalaman ukol sa paggugupit ng iba't ibang istilo gaya ng straight, v at u-shaped cut, bob-cut, pixie, layered-cut at men's hair cut. Bukod dito ay itinuro din niya ang tamang pangangalaga sa buhok, maayos na pakikitungo sa kostumer at pagsisimula ng negosyo sa Pinas o dito man sa Italya, gaya ng isang beauty parlor o kaya naman ay dagdag-kita sa pamamagitan ng home-service sa mga kliyente.




Naging masigla ang bawat week-end ng ating mga kababayan dahil bukod sa mga natutuhang paraan ng paggupit sa buhok ay nabubuo din ang pagkakaibigan sa isa't isa. Nagkakaroon din ng mga pagtutulungan lalo at may mga dumarating na kaanak, kaibigan o kakilala na nagtutungo sa lugar ng kanilang training upang buong-tiwalang magpagupit.




Nagdaos din sila ng isang misyon, ang libreng pagupit, sa mga miyembro ng Jesus is Lord Fellowship , at ito ay ginanap noong ika-24 ng Oktubre, 2021, sa via Corticella. At doon ay nasubukan ang kasanayan ng bawat isa bagama't may mga kaba at alinlangan ay kanila namang nagampanan sa pagsubaybay na rin ng kanilang instruktor.


Ang kurso ay bahagi ng mga programa ng POLO-OWWA, para sa pagpapalaganap ng kasanayan na maaaring maging daan upang magkaroon ng dagdag-kita o kaya ay munting negosyo ang mga OFW dito sa Italya o maging sa Pilipinas man kung sila ay magbabalik-bansa na. Nakipagkoordinasyon ang OWWA sa pamamagitan ng bagong Welfare Officer na si Gng. Petrona Bergado, sa pamunuan ng Federation of Filipino Associations in Bologna na pinangungunahan ng pangulo nito na si Virgilio Cesario, at pinangasiwaan ang pagsasanay sa tulong ng Filipino Women's League at pangulong si Mercedita De Jesus. Ang training ay ginanap sa loob ng anim na week-end at idinaos sa iba't ibang locale gaya ng Centro delle Donne sa via del Piombo, PD locale sa via Mario Bastia, sa Centro Servizi di Immigrazione sa may via Minzoni at sa locale sa via Azzo Gardino sa Bologna.

Hanggang sa kasalukuyan ay nagpapraktis ng sama-sama ang grupo upang higit na maging bihasa sa paggupit. Kung magkaminsan ay may mga nagiging kliyente na ang ilan, bagay na isang pruweba na kapaki-pakinabang talaga ang maglaan ng oras para sa mga pagsasanay na tulad nito. Nalilibang ka na, natututo pa at maaaring kumita pa.







76 views1 comment

1 Comment


lorna.pamintuan
Nov 26, 2021

Kailan po ulit sa milan

Like
bottom of page