top of page
Writer's picturediasporanas

NATIONAL YOUTH SUMMIT 2022 ng OFW WATCH ITALY, Isang Tagumpay!


Matagumpay na naidaos ng OFW WATCH ITALY ang National Youth Summit 2022 GENERATIONAL LEADERSHIP, nitong ika-5 hanggang ika-7 ng Agosto, 2022. Ang summit ay ginanap sa MONASTERO DI SANTA MARTA sa Florence.




May 34 na kabataan mula sa hilaga, sentral at timog ng Italya ang nakadalo. Labimpito (17) ang mula sa Hilagang Italya, labindalawa (12) mula sa Sentral at lima (5) naman mula sa Timog Italya. Sila ay mga kabataang sinuportahan ng kani-kanilang Filipino Community groups upang makadalo sa mahalagang pagtitipong ito nang sa gayon ay magkaroon ng dagdag-kaalaman sa sitwasyon ng migrasyon dito sa Italya, makatuwang sa promosyon ng karapatan at kagalingan ng mga kabataan at makakuha rin ng inspirasyon para sa kanilang pagtahak sa kinabukasan bilang susunod na henerasyon ng mga lider dito sa Italya.


Ang mga pangunahing tagapagsalita ay sina FROILAN MALIT, JR. , ang founder at managing director ng RIGHTS CORRIDOR at si HENRI ABENIS-MACAHILO, ang editor-in-chief naman ng Rights Corridor. Si Sir Froilan ay nagbigay ng mga pahayag ukol sa migrasyon at ang mahalagang gampanin ng mga kabataan , mga personal na pagbabahagi din ukol sa kanyang propesyon ngayon at mga isyu o paghamon na kakaharapin at oportunidad na bukas para sa mga kabataan. Si Ma’am Henri naman ay sa pamamagitan ng zoom link nagsagawa ng kanyang presentasyon ukol sa Investigative Journalism para sa mga nais pumasok sa propesyong giornalista, blogger o vlogger. Pati na rin ang paraan ng pakikipag-ugnayan sa tao na magagamit naman sa pakikipag-usap at pakikiharap bilang basehan sa mahusay na pananaliksik.


Matapos ang kanilang presentasyon ay nagkakaroon din ng workshop kung saan ang mga kabataan ay nagbuo ng mga grupo upang sama-samang pag-usapan ang isyu at tuloy makapagbuo ng mga heneralisasyon o resolusyon. Nagkaroon din ng kompetisyon para sa pagsusulat ng isang narrative report kaugnay sa mga isyung kinakaharap ngayon. Ito ay kanilang isusumite sa takdang araw at pipili ng pinakamahusay na gawa at ilalathala sa Rights Corridor at Diaspora News and Stories.


Naging panauhing tagapagsalita din ang kauna-unahang abogadong Pilipino dito sa Italya, si ATTY. PAUL SOMBILLA, na nagbigay ng mensaheng inspirasyonal at nakapaloob din dito ang mga payo niya ukol sa kung paano makakapagpursige na magtapos ng pag-aaral sa tulong ng mga study grants at iba pang ahensiya.


Isa pang kabataan na ngayon ay naghihintay na lamang na magka-lisensiya bilang doktor ay si ZACHARY RECANA, na nagbigay din ng inspirasyon sa lahat dahil sa kanyang pagsisikap na makapagtapos ng medisina at makapaglingkod rin sa mga kababayan.


May mga youth participants na rin ang nagtapos na sa universita at ipinagpapatuloy na ang kanilang napiling propesyon. Ang iba naman ay kasalukuyang nagsisipag-aral pa sa kolehiyo, sa superiore at liceo at may mga nakakuha na rin ng diploma sa liceo at nakakapaghanap-buhay na rin.


Sa loob ng tatlong araw ay nagkaroon ng mga panauhin na bumati at nag-obserba, gaya nila SIGNOR ENRICO RICCI, delegato in Rappresentanza del Presidente e Consiglio del Quartiere 4 di Firenze at SIGNORA RAFFAELA CONDINA, Rappresentante della Rete di Solidarieta del Quartiere 4 di Firenze. Nagtungo din ang kalihim ni HON. CONSUL DOTT. FABBIO FANFANI ng Firenze, na si SIMONA AMERIGHI,

upang iparating ang mensahe ng Honorary Consulate.


Sa ikalawang araw naman ay nagpaabot ng video message si CONSUL GENERAL BERNADETTE THERESE FERNANDEZ ng PCG MILAN at kanyang hinikayat ang mga kabataan na magsilbing magandang halimbawa bilang mga susunod na henerasyon ng mga lider na mangangalaga sa kalagayan ng mga migrante.


May mga sumuporta ding mga opisyal ng OFW Watch Italy, gaya nila VP PAUL BALTAZAR, Secretary-General DITTZ DE JESUS, Auditor MIRIAM MACABEO, Treasurer FRED PURIFICACION, Board Members JUANCHO AQUINO, NONIETA ADENA, MELY OPLE, EDWIN BIGCAS, AURELIO GALAMAY at National Council Members MARIO GARCIA, QUINTIN CAVITE, GLENN TECSON, at BETH BATHAN, kasama ang ibang opisyal ng Owatch Tuscany na sina LEOVINO ORTEGA at SALLY ALVAREZ , at mga kasama mula sa GE Clusters Legion. Nagtungo din sina ANALIZA BUENO ng ASLI, PABS ALVAREZ ng Confed of FilCom ng Tuscany at si JACKE DE VEGA ng ABS-CBN. Ang mga naging isponsor ay ang OFW WATCH Tuscany, Diaspora News and Stories, VISTALAND International, Hotel Dalmazia , Pinoy Saver’s Mart, Rights Corridor, ACFIL Piemonte, Torino Catering Service, Borja Travel and Tours at Scout Royale Brotherhood.


Ang mga kabataang nagsidalo mula sa Northern Italy ay sina : Charles Benedict Ramos, Zachary Recana, Valeria Cesario at Veronica Arellano ng BOLOGNA; Aldren Ortega ng MODENA; Keith Arren Prado at Funny Angel Cuaresma ng MILANO; Patrick Salazar , Vincent Robles, Arnon Pamittan at Blaire Ashley Bautista ng TORINO; Konsehala Jamaica Mallo at Cassandra Pangilinan ng PADOVA; Marlyn Canay ng VICENZA; Jasmin Jaya Fuentes at Veniz Peria ng VENICE; at Charmaine Plata ng GENOVA.


Mula naman sa sentral na parte ng Italya ay sina: Elizabeth Bathan, Clyde Rave Mendoza at Jane Marielle Torino ng FLORENCE; Allen Bueno Magsino, Abegail Bueno Magsino, Catherine Shayne Santos, Gian Carlo Gallardo, Emerson Belmonte, Rhoanne Morales, Maegan Pascual, at Hanna Morales ng ROMA; at Chynna Beatrice Harina ng PESCIA.


Sa Timog Italya naman ay dumalo sina: Mary Joice Abigania ng MESSINA; Stanley Napenas ng SARDEGNA; Khurt Symon Franco at Keanshua Lei Franco ng NAPOLI; at Alessandra Caboni Rijo ng CAGLIARI.


Sabado ng hapon ay nagkaroon din sila ng special tour sa PALAZZO VECCHIO sa sentro ng Florence, isang pribilehiyo na ipinagkaloob ng Comune, para sa layuning maipakita ang mayamang arte at kultura ng Florence. Sa gabi ay nagkaroon ng masayang bahaginan ng mga talento kung saan ang anim na grupo ay nagpamalas ng kani-kanilang presentasyon gaya ng isang maikling drama ukol sa buhay ng isang inang OFW at ang kanyang anak, pag-awit sa saliw ng tugtugin sa piano, pagsayaw at pagsabay sa mga awitin. Ang mga premyong ipinagkaloob ay mula kina Henri Macahilo at Froilan Malit, Jr. ng Rights Corridor. Nagpamalas din ng kanilang talento sina Pangulong Rhod Ople, sap ag-awit at pagtula at Kalihim Dittz De Jesus sa pagpipinta naman.


Ang YOUTH SUMMIT ay di magkakaroon ng katuparan kung di dahil sa pagsisikap ng presidente ng OFW Watch Italy na si RHODERICK OPLE kasama ang Board of Trustees nito at core group ng Youth Summit sa pangunguna nila Aldren Ortega at Beth Bathan bilang mga senior youth coordinators. Nakipag-koordinasyon sila kay SISTER ESTER NOVENARIO, ang Pilipinang madre na nasa Monastero Di Santa Marta sa Florence, upang dito naisagawa ang komperensiya at workshop. Sa Hotel Dalmazia naman nagsituloy ang mga kabataan.


Masasabing matagumpay nga ang Summit dahil nabuo ang OFW Watch Youth Committee na siyang mangunguna para sa pagsasakatuparan ng mga programa para sa kabataan. At umaasa ang lahat na ang mga “Generational leaders” na ito ang magsisilbing inspirasyon ng mas marami pang kabataan sa kabuuan ng Italya.


66 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page