Ulat ni Dittz Centeno-De Jesus
Mga Kuha: Volunteer Uno
Diaspora N and S
Matapos ang problemang kinaharap ng PCG Milan ukol sa isang linggong pagkabalam ng pagsisimula ng OAV sa Milan at Northern Italy dahil sa atrasadong pagdating ng mga balota at kulang-kulang na election materials, eto na naman ang panibagong isyu na ipinupukol sa Konsulato.
Noong unang araw ng pagboto, Abril 18, 2022, nagkaroon ng kaguluhan sa ibaba ng gusali dahil sa pagrereklamo ng mga botante ukol sa mga diumano ay “tampered” ballot envelopes daw na may pare-parehong numero na sulat-kamay at binura ang orihinal na naka-imprenta. May ilang mga vloggers at ilang netizen na naglive-video na nagdulot pa ng lalong pagkakagulo ng mga botante para lamang maipakita ang kanilang mga hawak na ballot kits at sabay-sabay na nagsasabing may dayaan daw na nagaganap. May isang grupo din na suporta ng isang partido na patuloy sa pagsigaw, pagkanta at pag-iingay gayong nasa kabilang kalsada lamang at hindi alintana na ang kanilang ginagawa ay isa nang electoral offense.
Ayon sa panayam kay Consul General BERNADETTE FERNANDEZ, kapos ang mga dumating na election materials, gaya ng ballot envelope, seal at iba pa. Ipinagpaalam nila sa COMELEC sa Pilipinas na kanilang gagamitin ang mga lumang envelope na natira noong halalan 2019. Pumayag dito ang COMELEC dahil nga sa kakulangan ng mga materyal na kanilang ipinadala. Ang mga dating numero na naka-imprenta sa sobre ay kanilang binura ng liquid corrector at isinulat nang manual ang mga numero ng presinto upang magmatch sa mga balota na walang kaukulang sobre. Isang linggo ang kanilang kailangang irekober sa nakatakdang iskedyul ng botohan kaya wala nang panahon pa na maintay ang mga kulang na materyal at baka di na rin makarating sa angkop na araw kaya yun na lamang ang naisip nilang paraan upang ang mga balota ay maprotektahan.
Ang Northern Italy ay may nakatalagang walong presinto, mula sa bilang na 14 hanggang 21. Ang ginagamit na koda ng COMELEC ay 931500 at idinadagdag dito ang numero ng presinto kung kaya sa mga nagreklamo noon na pare-pareho ang isinulat na numero sa ballot envelope ay dahil magkasama iyun sa isang presinto. Ang bawat presinto ay binubuo ng humigit-kumulang sa dalawang libong (2000) balota. Ang kabuuang bilang ng nakarehistrong botante sa ilalim ng hurisdiksyon ng PCG Milan ay 15820.
Kaya kung pagbabasehan ang mga kumalat na video sa social media na kuha ng mga netizen, wala itong merito. Kinailangan lamang na maipaliwanag sa mga botante ang dahilan ng ginawang ito ng Konsulato, walang iba kundi maiayos at maprotektahan ang mga balota na siya lang namang ipapasok sa vote counting machine at hindi kasama ang sobre.
Sa nangyaring pagkalito , walang pinakamainam na gawin kundi ang magkaroon ng tamang komunikasyon at abiso sa pagitan ng Konsulato at mga botante. Lahat naman tayo ay naghahangad ng isang tapat at malinis na halalan. Nais din nating ipaabot sa COMELEC ang kakulangan nito sa kahandaan sa pagdaraos ng overseas absentee voting, gaya ng delayed delivery ng balota at di sapat na election materials, ang disenfranchisement ng ilang nakarehistro na wala sa Certified List of Voters gayong nagkaroon na ng follow -up para kanilang sagutin, at ang di pagsasaayos sa mga tirahan ng nagsilipat na ng tahanan gayong nakapag-update naman pero ang nakasulat pa rin sa sobre ay ang dating tahanan nila at tiyak na magiging problema kung postal voting ang pamamaraan.
Sa kasalukuyan, naipadala na sa pamamagitan ng Poste Italiane ang mga balota na hindi kasama sa listahan ng mga botante na humiling ng personal pick-up. Inaasahan ang pagdating ng mga balota sa linggong ito hanggang sa susunod na linggo.Katunayan, ay may mga nagmensahe nang natanggap na nila. Ang mga taga-Comune naman ng Milano ay maaaring makaboto sa Konsulato at sila din mismo ang magfeed ng balota sa vote counting machine. Samantalang ang mga botante na hindi nakalagay na Milano ang rehistradong tirahan ay matatanggap ang kanilang mailing kit o kaya ay personal pick up naman kung sila ay nakipag-ugnayan noon ukol sa nais nilang pamamaraan. Ang kanilang balota ay maaaring ibalik sa pamamagitan ng Posta o kaya naman ay ihuhulog sa ballot drop box. Hindi sila maaaring magfeed sa VCM.
Natapos na rin noong Lunes ang feeding ng mga balota na isinumite sa Torino noong may mobile consular service dito ng petsang Abril-16-17 at natapos din ang personal pick up sa Bologna noong ika-18 ng Abril , 2022.
Tuloy pa rin naman ang mga nag-email na dun dadalhin sa lugar kung saan ay may mobile consular service o kaya ay distribution area na itinalaga ng Konsulato.
Para sa kaalaman ng lahat, ang mga pamamaraan at abisong isinagawa ng PCG Milan ay naaayon sa COMELEC Minute Resolution No. 21-1356, na naamyendahan ng Minute Resolution No. 21- 1431 at COMELEC En Banc Resolution No. 10751.
Muling paalala na ang Konsulato ay bukas araw-araw para sa mga rehistradong botante sa Northern Italy, mula ika-9 ng umaga hanggang ika-5 ng hapon (10 Abril- 8 Mayo) at ika-9 hanggang ika-1 ng hapon sa araw ng Mayo 9, 2022.
Comments