DAANG LORENZO MAGNIFICO NI MICHAEL VILLAGANTE
Mula sa Panayam nina Rhoderick Ople at Maria Elizabetta Bathan
LAPIS NI MICHAEL
Kahit siguro si Lorenzo Magnifico ay lapis/charcoal ang unang gamit sa pagguhit. Marahil ang pagkakaiba ay kung ano ang tema ng parehong Maestro sa larangan ng pagpipinta sa magkaibang panahon na iniralan.
Sa kaso ni Michael, mga dyip at tricycle ang mga una niyang dibuho na makikita lamang sa Pilipinas. Nauubos nga ang tinda nilang papel sa kanilang tindahan sa kado-drawing. At sa idad na apat na taon ay nagpakita na ng interes sa pagguhit ang murang isip at kamay nito. Sa mga panahon ding iyon ay naihuhugis na niya ang tao – na hindi pa makinis ayon sa kanya.
Ngunit mas maaga pa, una na niyang naiguhit ang mga bundok, bukid, palayan na may papalubog o papasikat na araw. Siklo ng tanawin makikita sa Buenavista, Quezon na kanyang kinalakihan bagaman at sa Uson, Masbate siya ipinanganak. May panghihinayang lang sa bahagi niya at hindi naitabi ang mga unang eksperimento sa pagguhit.
SA PANDAYAN NI LOLO
Nasaksihan pa ni Michael ang palitan ng kalakal (barter trade) sa tuwing tumatambay siya sa pandayan ng kanyang Lolo.
Bahagi ng kanyang kamusmusan na nang lumaon ay masasalamin ang mga ito sa bawat obra na kanyang nililikha. Ang pokus sa detalye ng mga hugis, kurba ng katawan, tikas at tindig ng isang homo sapiens.
May mulino para sa produktong ani sa bukid ang pamilya. Doon dinadala ng mga magsasaka sa Quezon ang kanilang mga mais para ipagiling. Kapalit ang mga yaman-dagat o seafoods na siyang ipinangbabayad sa natapos na trabaho. “Walang saktong kwenta ng halaga. Nakabatay sa kung ano ang mayroon at kakayanan.”
NANANALAYTAY SA DUGO
Mula sa Negros ang pinagmulan ng kanilang angkan. Lumipat sa Cebu, tumawid sa Masbate. Lumaon ay sa Quezon at ang pinakahuli ay sa Kalookan, Maynila kung saan ang kanyang mga magulang na ang kasama.
Isa sa mga tiyuhin niya sa Ama ay nagpipinta. Maging sa parte ng kanyang Ina ay mayron din na ang talento ay sining at arte. Kaya hindi lamang hilig bagkos ay likas ito sa pamilya. Impluwensya ng mga mahal sa buhay na nakapaligid sa kanya. Isang malalim na bahagi ng kanyang paglaki. Humubog sa noon ay nagkakahugis na patutunguhan.
SUPER FRIENDS
Patuloy ang pag-inog ng interes. High School ay nagta-tattoo na siya ng mga “anime” karakter sa braso ng kanyang mga kaiskwela. Gamit ang ballpen na may iba’t ibang kulay. May isang pagkakataon na pinintahan niya ng Beatles ang pader ng kanilang paaralan. Isang mural para sa nagpupumiglas na talento.
Siyempre, hindi nakalampas ang Super Friends, Voltes V, Mazzinger Z at maging ang mga karakter sa Ghostfighter. Yon nga lang, may panghihinayang at hindi niya ito naitabi. Para sa kanya “classic” ang mga iyon.
MUSIKA SA GITNA NG MGA OBRA
Ang Air Supply ang isa sa mga banda na paborito niyang background music ang mga awitin nito habang siya ay nasa gitna ng pagpipinta. Mga komposisyon naman ni Glock 9 ang nagbibigay sa kanya ng inspirasyon sa tuwing tangan ang pinsel (paint brush) at paint plate habang dahan-dahang humahalik ito sa tela na nakakapit sa bastidor(canvas) at nakakatig sa kabaltete (easel).
ETNEB SA BAWAT PINTA
Tila nais sumunod sa yapak ng Ama ang panganay na anak. Napansin agad ng kanyang mapanuring mata ang husay nito kahit bata pa lamang. May konsepto nang sinusunod habang ipinopondo ang isang pinta. Nguni’t habang lumalaki ay itinatago ng panganay ang kanyang mga gawa. “Bakit”, ito ang tanong ni Michael sa isip.
Isang umaga ay nilapitan ni Michael ang bata,“Anak , kada gawa mo ay bibilhin ko”. Isang pambihirang alok na nagtutulak na ipagpatuloy ng panganay kanyang sinisimulang landas at solusyon sa sa posibleng pagkawala ng tiwala sa sarili ng kanyang panganay sa pagpipinta. Marahil, ikinukumpara ng bata ang mga drowing niya na kastilyo sa animo buhay na katawan ng tao na ipinipinta ng kanyang Ama.
Maging ang bunso ay mahilig ding magdrowing. Siya mismo ang nagpepresyo ng bente kada natatapos na guhit. Madalas, kaya maraming bente ang nakokolekta ni Bunso. Dagdag pa, siya ang umuubos ng sketch pad ng Tatay niya.
DRAWING SA REFRIGERATOR
Epektibo ang alok ni Michael sa anak. Nagpatuloy sa pagdo-drawing si Alwayne. Mula sa 20 o minsan ay 30 pesos ay tumaas na halaga ng bawat natatapos na gawa. Isang araw ay nagdikit si Alwayne ng kanyang drawing sa refrigerator. Kasamang nakapaskil ang, “Pa, 50 pesos”.
Hindi ito napansin ni Michael, marahil sa sobrang pagod sa trabaho bilang isa sa designer ng Dickies.
May lungkot sa tanong ng panganay kung kanya bang nakita ang idinikit na drawing sa refrigerator. Isang iglap na pinanghinayangan din ng Ama. “Sana ay aking nakita”, isang bulong na umuukilkil sa kanyang isip. Tila inuusig ang kanyang damdamin.
Sinuot ang kanyang disenyo ng bandang Slapshock sa isang music video na ang pamagat ay Crown kung saan ay kasama si Apl. de. Ap at maging ang sikat na rapper na si Michael V ay madalas nakikitaan din na suot ang kanyang mga dinisenyong tatak.
MAG-INA SA OBRA
Minsan ay pinagmamasdan ni Michael ang kanyang kabiyak na si Anne habang kapwa nakahiga kaharap ang kanyang bunso na si Calix. Umagaw ito sa kanyang pansin. Nilapitan niya at pabulong na sinabi “Mommy, ipikit mo ang iyong mga mata. Gawin mong natural ang iyong pagtulog. Humimlay ka na nakabaluktot at nakahalukipkip na kaharap ni Baby”.
Ang konsepto na ito ay kanyang itinabi. Iginuhit. Nasa kanyang puso at isip. Binuo ng kanyang damdamin sa mag-ina. Nag-aabang ng tamang panahon. Walong taon bago ang obra na Pagtahan.
“GUSTO KONG MAGPINTA. MAGPIPINTA AKO."
Pasukan na sa Kolehiyo. Pangarap ng Ina ni Michael na kuhanin niya ang kurso na Advertising dahil isa siyang mananahi. Ang Ama naman niya ay pinapapasok siya sa Maritime School para maging Seaman. Pareho niya itong tinanggihan at pinanindigan na “gusto kong maging pintor”, aniya ni Michael sa kanyang mga magulang.
Sa University of the East Caloocan, sa pitumpung (70) nag-enroll, apat lamang sila na kumuha ng Major in Painting, halos lahat ay nag-advertising. Nagitla sa reaksyon ng mga magiging kaklase, hindi niya nagawang itaas ang kanyang kamay ng tanungin sila ng kanilang propesor batay sa major na kanilang pinili.
Nang abutin niya ang 2nd year, lumipat na siya sa Advertising. Subalit ipinagpatuloy niya ang pagpipinta.
SULAT
Isang sulat ang dumating sa kanilang pintuan. Ag selyo ay di galing sa Pilipinas kundi sa malayong bayan. Nang kaniya itong buksan, naglalaman ito ng imbitasyon mula sa Lorenzo Magnifico XIII Florence Biennale International Contemporary Art and Design na gaganapin ng Oktubre 23-31,2021 sa Fortezza da Basso, Florence, Italy.
Noong una ay hindi niya ito nabigyan ng pansin sa dahilan na siya ay nagpapagaling mula sa injury sa kanyang kaliwang hita at binti. Ngunit sa tulong ng mga kaibigang pintor, galeriya, pamilya at mga kaanak, alma mater at ng NCCA ay naipasa ni Michael ang mga kinakailangang rekisitos upang makalahok sa Internasyonal na patimpalak.
PAGHAHANDA AT ANG KABIYAK NA KAAGAPAY
“Kung hindi nagsakripisyo si Misis, marahil hindi ko matatapos ang ang aking entry sa Biennale”. Habang nakatuon ang oras at isip ni Michael sa pagpinta, sinasalo ng kanyang kabiyak ang lahat ng gawain sa bahay. Sa kanya siya naka-depende.
Bilang on-line baker ang pinagkakakitaan ni Anne. Si Micahel naman ang nagdidisenyo. Pero pag usapin ng pangangasiwa sa budget ng bahay tulad ng mga bayarin sa tubig, kuryente, gas at pangangailangan sa bahay – lahat at nakaasa kay Anne. Minsan, kapag may sobra – inaabutan pa nito ng konti ang kanyang biyenan. Yon nga lang, hindi pirmis ang kita, nakasalalay sa lakas ng benta bilang baker.
Tatlong buwang singkad niyang binuno ang obra. Madalas ay umaga na siyang natatapos sa bawat araw na kanyang inilalaan sa pagpipinta. Tanging huni ng ibon ang nagpapaalala sa kanya na umaga na. Oras na para magpahinga.
TIWALA SA POONG LUMIKHA
Sa mga ipinadala na litrato ng kanyang obra sa pamunuan ng Florence Biennale, lumikha ito ng malalim na impresyon at pagkabilib sa kuratore at mga organisador. Kaya kahit nagkaroon siya ng maling sukat ng kanyang bastidor at canvas, pinagbigyan siya na maisaayos ito para maipasok bilang opisyal na entry.
Mula sa mga tatlong rekomendasyon na kailangan sa patimpalak, tiket sa eroplano, baon sa Italya at iba pa, ang lahat ay isa-isang nasolusyonan. Sa Malaysia kung saan nag-stop over ang kanyang eroplano, pansamantala siyang binimbin ng Bureau of Immigration. Kahit anong paliwanag at dokumento na kanyang ipakita, tila hindi siya pinaniniwalaan. “Siguro hinahanap nila kung saan ako tutuloy, wala pa kasi akong Hotel Reservation”.
Sa bawat pagsubok na kanyang kinakaharap – “ramdam ko ang Kanyang presensya, alam ko na kasama ko Siya”. Ito ang kanyang laging bukambibig. Bilang isang Born-again Christian, masasalamin ang taos puso niyang pananalig sa Dios.
MGA BAGONG KAIBIGAN
Ang tanging hangad lamang ni Michael ay makasali sa Biennale. Hindi man maitatanggi na sa likod ng kanyang isip ay masungkit ang medalyang ginto, para sa kanya ay sapat nang makalahok sa isang pamosong kompetisyon ng mga pintor at artista sa buong mundo.
Unti-unti ay nagbago ang kanyang pananaw. Ang dating kaisipan na labanan ito ng pagalingan at husay ay naglaho. Maaari palang mangibabaw ang pagkakaibigan kaysa kompetisyon. Napatunayan niya ito. Di magkamayaw ang bumabati sa kanyang pinta. Lahat sila ay nagbibigay ng pugay sa kakaiba at detalyadong obra. Parang bato-balani itong humihigop ng respeto at pagtingala ng mga bagong kaibigan mula sa ibang mahuhusay na pintor. Sa katunayan ay nagbuo pa sila ng page. Nagkaron sila ng regular na palitan ng kuro-kuro sa kanilang Air BnB na inuuwian. Tuwing hapon naman ay nagtatapos ang mostra sa maghapon na may Champagne na hawak ang kanilang mga kamay. Isang bagong pamilya na di nahaharangan ng kulay, lahi, pananampalataya at pangarap.
MITHI SA LIKOD NG OBRA
Pinag-isipan, matagal na pinagplanuhan ang bawat anggulo. Ang dalawang leon ay simbolo ng giyera. Kulay mineral ang kanyang ginamit (earth colors), berde na siyang laman ng planeta.
Ang drastikong pagbabago ng klima, pagputok ng bulkan, pagbaha, pandemya at giyera. Ang limang lalaki na sumasalamin sa limang kontinente sa lupa. At ang Aurora Borealis na tumutukoy sa ibat-ibang luntiang liwanag mula sa dulong hilaga, hilaga at timog na kadalasan nakikita sa matataas na bahagi ng kalupaan. Sanhi ng hanging solar na nagbibigay-proteksyon sa sangkatauhan. Wari ay sasabog na. Nguni't sisibol ang paghilom at pag-asa.
“Sana matapos na ang lahat. Mamayani ang katahimikan. Humupa ang luha't pighati.. Ang Pagtahan (Cessation of Crying).
ORAS NA NG HATOL
Tinawag na ng hurado, “ ang Lorenzo Magnifico XIII Florence Biennale International Contemporary Arts and Design 2021 ay si Maestro Michael Villagante mula sa Pilipinas”. Ito na ang “moment”, habang unti-unting inaanunsyo ang naging kampeon at nagiging malinaw sa kanyang isip na siya ang nanalo.
“Salamat sa Panginoon”, ito ang unang inusal ng kanyang bibig. Unang nakatanggap ng mensahe ang kabiyak na si Anne “Mi, panalo tayo”. Pinagpipitaganan niyang inihahandog ito sa kanyang pamilya, mga kapwa pintor at mga kaibigan.
Isa din si Judy Ann Melo na may-ari ng BnB na kanyang tinuluyan ang pinadalan niya ng mensahe “ Ann, nanalo tayo”. “Tayo” at hindi “Ako”, isang salita na malaki ang diperensya, di mapag-imbot at di makasarili. Hindi maramot sa tagumpay.
PAYO SA MGA KABATAAN AT SA MGA KAPWA ARTISTA SA LARANGAN
“ Masuwerte ang mga kabataan ngayon dahil nabibigyan sila ng exposure. Kaya tuloy lang. Huwag hayaang matuyuan ng pintura ang pinsel. Panatilihing niyayapos nito ang puting tela.
KINABUKASAN NG MGA PINTOR SA PILIPINAS AT IBAYONG DAGAT
“Malaki ang pag-asa ng ating mga pintor. Kaya nating tapatan ang iba”.
Si Michael ang kauna-unahang Pilipinong pintor na nakakuha ng Gintong Medalya sa Florence Biennale. Sa idad na 44, itinanghal ang kanyang obra at kinilala si Michael bilang pinakamahusay na pintor sa buong mundo sa nasabing Internasyonal na kompetisyon.
“MAMATAY KA MUNA BAGO KA MAKILALA."
Ito ang naririnig niya sa kanyang mga kaibigan at pamilya.
Nito lamang kasalukuyang taon ay nanalo si Michael sa patimpalak na pinangasiwaan ng Metrobank. Unang titulo ang kanyang nasungkit.
Sa katatapos na Biennale sa Florence, Italy, isang libong obra ang nakasabit sa bawat dingding at anggulo sa loob ng Fortezza da Basso para sa iba’t ibang larangan ng kompetisyon. Apat-na-raan at limampong (450) artista at pintor mula sa 65 bansa ang lumahok.
Sa ngayon, marami ang nag-aalok na Gallery para sa kanyang mga pinta. Ilan na dito ang sa Paris, Italya at sa Pilipinas kung saan nais niyang maglunsad ng solong exhibit. Ito na ang kanyang landas na pinili at tinatahak.
Comments