Zero Outreach
May kasabihan tayong “ kapag ayaw, libo ang dahilan… kapag gusto, may paraan”.
Sa kabila ng pagluluwag na ginawa ng Gobyerno ng Italya batay sa mga DPCM o regulasyon na inilabas, hindi nagawang umangkop ng Embahada sa Roma at Konsulato Heneral sa Milan, para makapagdaos ng Mobile Outreach sa mga syudad sa labas ng kanilang tanggapan. Ni isa ay walang mobile outreach. Kahit sana partikular sa pagpapanibago ng pasaporte at iba pang serbisyo ng opisina.
Sa ating pananaw, ang pagkakaroon ng mobile outreach sa mga syudad labas ng Roma at Milan ay katulad lamang ng opisina na pansamantalang nagdaos ng operasyon sa ibang lugar. Maari itong gawin sa mga basketball court, malalaking bulwagan , o stadio na pwedeng makapagserbisyo sa 150 katao hanggang 200, kung ipaplano lamang. Mabuti ang pagpunta ng mga migrante sa itatakdang lugar.
Ipatupad ang mga protocol tulad ng Social Distancing, pagsusuot ng Mask, paghuhugas ng alcohol at paggamit ng lugar na nakabukas. Susi din ang maayos na koordinasyon at tulong ng Filipino Community, para sa pagpapanatili ng kaayusan. Gawin din na linisin (disinfect) ang pagdarausan.
Sa totoo lang, hindi rin naman naging masinop at sistematiko ang pamamalakad kahit nanatili sa buong panahon ng pandemya ang operasyon sa Roma at Milan. Dinudumog pa rin ng reklamo at puna sa Social Media.
Panganib na inaalala
Kahit pa may mga nag-request ng Mobile Outreach, ang palaging tugon ay mapanganib at bawal magtipon-tipon. Bagama’t totoo ang mga dahilan, hindi absoluto ang mga ito. Kailangan lamang maging pleksibile at mapamaraan, koordinasyon sa awtoridad sa Italya at matamang pagtaya sa panahon at resulta ng mga datos at pag-aaral sa inilalabas ng Ministry of Health at Protezione Civile.
Tulad lamang ng dati
Patuloy ang pagbiyahe ng mga kababayan natin sa Roma at Milan. Mayron pa na naka-bus, van, pribadong sasakyan at pang-publikong transportasyon tulad ng bus at treno. Ang sumada, magtitipon-tipon din sa Embahada at Konsolato. Mahaba pa rin ang pila, nakabilad sa init ng araw. Sa kalaunan ay unti-unti naman napaayos kahit papaano.May mga pangyayari pa nga na hindi nasunod ang oras na iginawad.
Kaya ang panganib na inaalala ay maaring katumbas din ng pag-aalala kung gaganapin ang serbisyo mobile. Maaring mas maliit pa ang porsyento na dapat alalahanin kung ibabatay ang programa sa kategorya ng mga rehiyon na madalas nalalathala sa mga opisyal na site o pahayagan bago magpinal ng programa.
Sagsag ang pagbabakuna ng Gobyerno ng Italya
Kung susundan ang progreso ng pagbabakuna, mabilis at lumalagpas pa nga sa target na itinakda. Nitong tag-araw, maraming Pilipino ang nabakunahan (1 dose) at marami ang nakadalawang beses na Hunyo pa lamang ng taon. Lumiit din ang bilang ng mga nagpopositibo kumpara ng nagdaang taong 2020 at unang kwarto ng 2021. Samakatwid, kung pursigido at gusto na magkaron ng mobile outreach ang Embahada at Konsolato sa Milan, maraming maaaring pagbatayan para makapagdaos sa mga karatig-syudad na maraming Pinoy.
Sayang na pagkakataon, naubos na panahon
Hanggang sa kasalukuyan, marami pa rin ang problemado sa on-line scheduling para sa passport renewal. May pagkakataon din na nagamit ito ng mga mapagsamantalang Pinoy para magpabayad magkaroon lamang ng appointment ang ating mga kababayan.
Katulad ng dating reklamo, may mga numero ng telepono na walang sumasagot, walang family booking kaya nadodoble ang gastos sa pagparoot-parito sa Roma at Milan, hindi sinkronisado ang iskedyul sa ibang attached agency tulad ng OWWA, Pag-ibig, SSS at iba pa. Dahil dito, ang laki ng naging epekto sa kita at trabaho dahil nadodoble ang pagliban sa pagsama sa isang kaanak o kapamilya. Mga bagay na di nakonsidera kahit pa may mga nagmungkahi o nagbukas ng ganitong kaso at naghapag ng pamamaraan.
Ilang buwan na lamang ay papasok na uli ang taglamig. Batay sa mga pag-aaral, mas aktibo at buhay ang virus sa panahon na hindi mainit. Patuloy din ang paglitaw ng bagong variante. Lalong lumiliit ang tiyansa na magkaron pa ng Mobile Outreach para maibsan o mabawasan ang backlog sa dami ng gustong may ayusin na dokumento.
Timbangan
Kung pakalilimiin, ang bigat ng pananagutan ay dapat nakapasan sa Gobyerno na umiiral sa dayong bansa at hindi sa mga kliyente nito( mga OFW). Nguni’t tila hindi naging bukas ang dalawang nabanggit na tanggapan para matugunan ang mga batayang pangangailangan ng ating mga kababayan. Naging mekanikal sa pagharap sa mga ipinararating na sulat-mungkahi huwag lamang masabi na hindi pinakinggan.
Kinikilala ang kanilang mga ginawa at pag-angkop sa sitwasyon subalit tila paimbabaw at di nakasapat. Sabi ng isang titulo ng isang pelikulang Pilipino “Tinimbang kayo ngunit kulang”.
Rhoderick Ramos Ople
OFW WATCH ITALY
Comments