top of page
Writer's picturediasporanas

OPISYAL NA PAHAYAG NG OFW WATCH ITALY



OPISYAL NA PAHAYAG NG OFW WATCH ITALY UKOL SA IKA-3 PAMBANSANG KONGRESO


Sa matagumpay na Pambansang Kongreso na ginanap nitong Hulyo 24-25,2021 sa Torino, Italya, ang naging tema ay " Ang ating papel sa pagsusulong at pagbibigay proteksyon para sa kagalingan at kapakanan ng mga migranteng Pilipino sa Italya". Muling pinagtibay ng mga delegado ang pagpanig sa interes ng sektor at pamilya nito. Sa kabila ng panganib na patuloy na hatid ng krisis pangkalusugan, nangibabaw ang damdamin at paninindigan na ituloy ang Ikatlong Pambansang Kongreso ng Alyansa. Ang mga kinatawan ay nagmula sa Catania, Messina, Reggio Calabria, Cosenza, Salerno, Napoli, Cagliari, Roma, Empoli, Montecatini, Pescia, Pistoia, Firenze, Bologna, Ferrara, Modena, Padova, Bassano del Grappa, Treviso, Milano, Genova, Varese at Biella. Nagkita-kita sa Turin ang mga lider at pinuno ng mga Tsapter, Pederasyon, Asosasyon at mga panauhin para isakatuparan ang tema ng pagtitipon. Pasasalamat at mahigpit na yakap ang nais ipaabot ng Komiteng Tagapagpaganap, Pambansang Konseho sa mga tunay na bayani ng asembliya. Sila yaong nagsipag-alay ng talino, panahon, tulong-pinansyal, talento at kakayahan para tiyaking matagumpay ang gagawing pagbabago sa Saligang Batas ng organisasyong boluntaryato, Pangkalahatang Programa ng Pagkilos sa loob ng 3 taon at ang paghahalal ng bagong pamunuan.

Kaya saludo tayo sa mga nag-ayos ng lugar, naghatid, naghanda ng pabaon na meryenda, sumundo sa treno at paliparan, naghanda ng programa, nagsulat ng mga dokumento, nag-edit ng mga papeles, naghanda ng mga report, kumanta, nagsayaw, naging giya sa pasyal, nangasiwa para sa hapunan, agahan at tanghalian sa Hotel, nagtiyak na gumagana ang sound system, kumpleto ang mga kit na gagamitin, ID, souvenir bag, nag-isponsor ng mga plake, nag-isponsor ng xerox copies, sa mga nag-isponsor ng pinansyal, at lalong higit, sa pangulo at host ng Kongreso, ang ACFIL.

Di rin matatawaran ang mga kabataan na sadyang nakiisa at masayang tumulong sa ikatatagumpay ng asembliya. Taas-kamao sa debate, tunggalian, kimpian ng ideya sa gitna ng plenaryo. Ang tatlong oras na deliberasyon ay parang anim na taong pag-iral ng samahan. Nabuo ang respeto sa bawat isa at napagtibay ang pagtitiwala.

Ipinararating din ang pasasalamat sa ating panauhing pandangal na si Assessore Alessandro Giusta mula sa Comune ng Torino. Sa mga nagbigay ng pahayag at pakikiisa mula sa Embahada ng Pilipinas sa Roma, POLO Milan, Philippine- Italian Association, Promotion of Migrant Rights Watch, Ako ay Pilipino, Rights Corridor, Abogado Paul Sombilla at sa lahat ng bumati at nagpaabot ng solidarieta sa samahan. Mabuhay po kayo! Sa pagbaybay sa kasaysayan at naging pakikibaka ng OFW Watch Italy sa anim na taong pakikihanay sa mga manggagawa sa abroad, pinagtibay na palalakasin pa ang hanay, patuloy na magpapalawak, magpapalakas ng mga tsapter, gagawing dinamiko ang tatlong mahahalagang programa, mga komite at ang bagong buong Board of Trustees. Itinakda din na walang iiwang kasapi ng National Council kahit pa matapos na ang termino sa kanilang kinabibilangang organisasyon, "may tiyak na tungkuling naghihintay pagkatapos ng NC", pagtatalaga ng mga pinuno ng Komite sa Timog, Komite sa Hilaga at Komite para sa Kabataan at Kababaihan. Pinagkaisahan din ang pagsasaayos ng pondo ng samahan. Magiging aktibo muli para makilahok sa laban ng mga OFW hindi lamang sa Italya kundi sa panig ng mundo na may manggagawa.

Mangunguna pa rin tayo sa pagmumulat at pagbibigay ng tamang impormasyon para sa nalalapit na halalan 2022. Patuloy pa rin na maglulunsad ng mga talakayan para sa patuloy na edukasyon ng mga pinuno, kasapi at ng sektor. Sa kasalukuyan ay may Juridical Identity ang Alyansa sa Registro Unico Nazionale Terzo Settore bilang Organizzazione Di Voluntariato, nakatanaw ito sa pagkakamit ng sapi sa United Nations Committee on Migrants Workers. Mabuhay ang manggagawang Pilipino sa Abroad! Mabuhay ang mga kasaping Samahan ng OFW Watch! Mabuhay ang OFW Watch Italy!


Rhoderick Ramos Ople

Pambansang Tagapangulo

Ofw Watch Italy



20 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page