top of page
Writer's picturediasporanas

PAGKULONG AT ABUSONG- SEKSWAL, DINANAS NG APAT NA PILIPINO SA MODENA

Ulat nila: Dittz Centeno-De Jesus at

Aileen Garcia-Casapao




Isang malagim na pangyayari ang dinanas ng ating mga kababayan sa kamay ng walong lalaking Pakistano kung saan sila ay nakulong ng isang gabi sa dating abandonadong bahay sa NOVI, isang bayan sa probinsiya ng Modena.


Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis o Carabinieri, itinawag agad ito sa kanila ng mga residenteng tumulong sa mga biktima habang nagtatangkang tumakas ang mga ito pababa mula sa bintana ng bahay, umaga ng ika-11 ng Disyembre, 2022. Sa mga oras na yaon, ang mga lalaki ay kasalukuyang tulog kaya agad namang nadakip ang mga ito.

Ang mga biktima ay tatlong kababaihang Pilipina, edad 40-50 ang dalawa, at ang isa naman ay 32 anyos. Ang kasamang kabataang lalaki ay hindi na pinabanggit ang edad. Silang apat ay may mga senyales ng pagka-abusong sekswal kung kaya’t isinugod na ng 118 sa ospital upang mabigyan ng atensiyong medikal.


Ayon sa pahayag ng mga biktima, sila ay nagtungo sa Modena upang mamasyal. At nakumbinsi diumano ng mga Pakistano na sila ay ihahatid sa kanilang pupuntahang lugar. Nguni’t sa kasamaang-palad, sila ay dinala sa isang lumang bahay sa Novi, ikinulong at doon na nga sila inabuso. Ang nasabing bahay ay matagal nang abandonado at ayon sa mga taga-roon, isang taon pa lamang ang nakaraan nang may namahay na doong isang Pakistano at ginawa na ring tuluyan ng iba pa niyang kababayan.


Sa kasalukuyan ay nai-report na ito sa Philippine Consulate General sa Milan at makakaasa tayo na may mga hakbang na gagawin ang Konsulato para masampahan ng kaso ang mga nahuling Pakistano at matulungan din ang mga Pilipinong biktima upang matamo ang katarungan.


Mahigpit na kinokondena ng samahan ng mga kababaihan, ang Filipino Women's League ng Bologna , ng ERAFILCOM (Emilia Romagna Alliance of Filipino Communities) at ng OFW WATCH ITALY , ang pangyayaring ito kaya't humihiling sila sa gobyernong Italya ng kagyat na katarungan para sa mga biktima para maparusahan ang mga gumawa ng krimen, at suporta na rin mula sa Konsulato ng Milan at Embahada ng Pilipinas sa Roma.



Ulat nila:

Dittz Centeno-De Jesus

Aileen Garcia-Casapao

Pinagkunan: Gazzetta di Modena

482 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


bottom of page