top of page
Writer's picturediasporanas

Pagninilay sa Panahon ng Kuwaresma

MALINIS NA HALALAN MAISAKATUPARAN

Ni: Dittz Centeno De Jesus






Panahon ng Kuwaresma ng Kakristiyanuhan, isang linggong pagninilay sa KALBARYO sa KRUS ng ating Panginoong Hesukristo. Ito rin ang mga araw na tayo ay naglalaan ng oras upang makapagnilay, pag-ukulan ng repleksiyon ang ating kasalukuyang pamumuhay. Marami sa atin ang tumitigil sa pagtatrabaho, nagtutungo sa simbahan para pumaloob sa mga ritwal at seremonya na kaakibat ng selebrasyon ng Mahal na Araw. May iba namang umaalis at nagbabakasyon pero hindi lamang upang maglibang kundi para iwan pansamandali ang mundong ginagalawan at pumailalim sa hibernasyon upang higit na kilalanin ang sarili ang arukin ang tunay na nasasaloob. Tanungin ang sarili kung sapat pa ba ako na maging huwaran at isang tapat na Kristiyano. Ibaling ang sarili sa pagtanaw sa hinaharap na nakapokus sa tunay na pagbabago, ispiritwal man, personal o panlipunan.


Kaugnay nito ay ang unang araw din ng halalan sa labas ng bansa kung saan ang lahat ng botanteng Pilipino ay magtutungo sa kani-kanilang Konsulato at Embahada upang ikompila ang kanilang mga balota kasabay ang dalangin na sana ay magkaroon ng malinis na halalan dito at maging sa bansang Pilipinas. Subali’t sa ilang araw na nagdaan ay kabi-kabila na ang sumulpot na mga problema gaya ng di pagdating ng mga balota sa ilang bansa, pagkakaroon ng mga balotang may diprensiya o kahina-hinala na ang nilalaman, mga botanteng nadisenprankisa na at hindi na makakaboto, mga Konsulato at Embahada na di handa sa pagsasagawa ng maayos o sistematikong botohan, mga kandidatong gumagamit ng maruruming pamamaraan upang makasungkit ng boto…..at marami pang iba.


Sa ganitong konteksto, ano ba ang pangunahing papel ng isang Kristiyano na botante? Tayo ba mismo ay handa ang konsensiya, tayo ba mismo ay may matalas at matuwid na pagpapasiya sa pagpili ng ating iluluklok sa puwesto para magkaroon ng tapat na pamunuan ang bayan? Sapat ba ang ating pagsisikap na maakay ang ating mga kababayan na magkaroon ng malinis na hangarin para sa pagbabago ng ating bayan? Ang mga pangako ba ng mga kandidato sakaling sila ay mananalo ay magkakaroon ng katuparan alang-alang sa kinabukasan ng mga umasa sa isang magandang buhay, may kapayapaan, may kaginhawahan, may katarungan?


Gumising na tayo, mga kababayan. Ang isang Kristiyano, na tunay na may pananampalataya sa Diyos ay di kailan man maghahangad ng kasamaan sa kapwa bagkus ay magsisilbing ekstensiyon ng kabutihan ng Poong Maykapal.

14 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page