MABINI HOMETOWN ASSOCIATION OF MODENA, IDINAOS ANG PISTA NG BAYAN NG MABINI. PAGHAHAIN NG CERTIFICATE OF CANDIDACY PARA SA BAGONG ADMINISTRASYON NG ASOSASYON, PORMAL NA BINUKSAN.
Ulat ni: ALDREN ORTEGA
Mga Kuha: Laurence Atienza
Malaki ang posibilidad na umulan nitong ika-25 ng Abril, 2022 subalit pinakinggan ni San Franciso ng Paola ang panalangin ng Mabini Hometown Association of Modena na huwag itong matuloy. Si San Francisco ng Paola ang pintakasi ng mga mandaragat at kinikilalang patron ng Bayan ng Mabini, Batangas at tuwing ika-25 ng Abril ipinagdiriwang ng bayan ang kanyang kapistahan.
Sa Modena, nagsama-sama ang mga bumubuo ng Mabini Hometown Association of Modena o mas kilala sa tawag na Mabinians upang gunitain ang kapistahan ng Patron at upang magkatipon-tipon ang bawat myembro buhat sa iba't ibang barangay ng bayan. Sa Simbahan ng Sant’Agostino isinagawa ang selebrasyon ng Banal na Eukaristiya na pinangunahan ni Rev. Fr. Valentino Pinlac (Chaplain), kasama sina Rev. Fr. Graziano Gavioli (Assistente Interdiocesano Pastorale “Migrantes), at si Rev. Fr. Tommaso Ciolek (Kura Paroko ng Sant’Agostino). Nagbigay kulay sa naging selebrasyon ang mga kabataan na nag-imita kay San Franciso ng Paola.
Sinundan ang Banal na Misa ng isang prusisyon na isinagawa sa sentro ng Modena at nagtapos sa pagpasok sa simbahan ng San Barnaba. Ang simbahang ito ay naging tirahan ng orden ni San Franciso ng Paola. Maging ang imahe ng Santo na binitbit sa prusisyon ay ang imahe na nakalagak sa simbahang ito sa loob ng higit na 400 taon na. Kaya para sa mga Mabinians, isang makabuluhang pagtatagpo na makapasok at makapagdasal sa kinikilalang tirahan sa Modena ng Patron.
Isang simple at masayang programa naman ang isinagawa sa Softball Camp malapit sa Polisportiva Corassori. Napuno ng kainan, sayawan at mga laro ang okasyon. Sa mensahe na ipinaabot ni G. Gerry Adarlo, pangulo ng Mabinians Modena, nagpasalamat siya sa lahat ng patuloy na tumutulong at nakikiisa upang magtuloy-tuloy ang katatagan ng grupo. Inilahad din niya na ito ang kanyang huling termino at nawa ay mag-isip na ang mga kasamahang Mabinians ng kanilang napupusuan upang sumunod at magpatuloy sa magandang nasimulan ng asosasyon.
Pormal na ring binuksan ni Mabinians Modena Comelec Chairman Eddie Datinguinoo na bukas na ang paghahain ng kandidatura ng mga nagnanais mamuno sa asosasyon at nakatalaga sa Ika-2 ng Hunyo 2022 ang eleksyon nito. Ngayong 2022 ang ika-sampung taon na pagkakatatag ng Mabini Hometown Association of Modena at ika-labing isang taon na pagdiriwang ng kapistahan ng Patron. Naniniwala ang grupo na hangga't patuloy na nagkakaisa at nagtutulungan ay marami ang kaya nitong gawin para sa mga kababayang Mabinians sa Modena. Sa huli gaya ng sinasabi ng mga letra sa dalit sa patron ng San Francisco ipinakita ng Mabinians Modena ngayong kapistahan na ito ang tunay na pagkilala, pagmamahal at paglilingkod sa Diyos.
DALIT (HIMNO) ng Mabini (Batangas) sa kanilang Patron.
PATRON NAMIN, SAN FRANCISCO, KAMI'Y TURUAN MO.
Comments