top of page
Writer's picturediasporanas

POSITIBO + NEGATIBO = POSITIBO

ni: Rhoderick Ramos Ople





Sabi ng marami, ang natatanging positibo sa gitna ng pandemya kahit positibo sa covid ay maging positibo. Parang ang gulo di ba? Sandali, tila tama. Sa halip na magmukmok ay itaas ang moral. Ito ay sa kabila ng mga negatibong epekto kapwa sa emosyon, isip, pakikipagkapwa, ispiritwal, mga nakasanayang gawin, kalusugan at sa pang-araw-araw na galaw o pamumuhay ng mga tao. Hindi maiiwasan. Kapag may nababalitaan na pamilyang naka-quarantine, palaisipan kung paano ang galawan sa loob ng tahanan. Ano ang pwedeng hawakan at hindi? Saan ipupwesto ang mga katawan? Paano ang distansyahan, personal na kalinisan at kaligtasan nang sa gayon maiwasang magkahawahan. Dagdag pa ang pagreremedyo sa pang-araw-araw na kailangan. Hindi ito madali wari ko. Ang maling galaw ay maaring magpalala sa sitwasyon. Gayong ang pagkahawa ng isa sa isa ay di sabay-sabay. Magdedepende ito kung gaano katibay ang resistensya at lakas ng virus na dumapo. Ganoon pa man, nakasosora, nakakabagot, nakakaimbyerna ang mapaloob sa sitwasyon na kahit nakagagalaw ay parang paralisado ang iyong buong sistema.

Pakikihamok. Mas madali ang magbigay ng mga payo kumpara sa ikaw mismo ang nasa iniiralang delubyo. Pinuputakte ang isip ng mga katanungan. Saan nakuha, kailan, sinong may kapabayaan, paano ang mga istudyante, ang mga bata, ang trabaho at ang sundot ng karimarimarim na pangitain. Samut-saring hibla ng paano. Dahil sa realidad, posibleng magkakaiba ng konteksto kaya maaring mabago din ang mga batayan ng pag-angkop. Langit at lupa ang diprensya ngunit iisa ang kalaban. Bawat karanasan ay relatibo. Ilan marahil sa pamilyar na mukha na ating kilala na hindi nakayanan ang virus ay nakamarka pa sa ating memorya. Hindi iilan ang dumaan sa matinding diliryo at pakikipaglaban para mabuhay. Marami naman ang nakaligtas subalit nag-iwan ng alaalang naikukwento lamang kung may nagtatanong. Kahit pa madalas dumadaan ito sa tahimik na gunita. Ang iba ay sapilitang pinaghiwalay ng mga patakarang dapat manaig sa gitna ng krisis. O mas tamang sabihin dulot ng kaaway na hindi nakikita.

Noong unang bugso, ang paglisan ng pasyente sa bahay ay siya na ring huling yapak niya sa lupa. Nangingilid na lamang ang luha sa pisngi habang isinasakay sa ambulansya. Di kaya ay habang nasa ICU suob ng aparatong nagsusuplay ng oksiheno . Pinakamasaklap, hindi maaaring ihatid sa puntod ang yumaong kaluluwa. Animo kuwebang walang lagusan palabas. Paano kaya nila napapangibabawan ang mga pangyayari?


Sa isang 95 metro kwadradong tahanan sa aming tirahan, sa isang 95 metro kwadratong apartamento kung saan iisa ang malalanghap na hangin, nakapanaig si Mr Omicron. Pansamantala lamang napigilan ni FFP2 na di makatagos si virus sa aming baga, kalamnan at sistemang imyuno. Isa-isang ginupo ang kalusugan. Kahit pa naka-face mask buong maghapon. Sinubukan na ihiwalay si bunso na unang nagkaroon.Di nagtagal ay dinapuan na rin si Panganay. Magkakasunod na araw, pati na rin si Kabiyak. Sumunod na hakbang ang paghihiwalay ng banyo. Magkakaibang pwesto ng tulugan. Ang aking kabiyak ay sa pasilyo, ako sa sala-kusina, ang dalawang paslit ay sa magkahiwalay na silid. Magkakasunod din ang pagdulog sa hapag-kainan, tuloy-tuloy ang pagdisempekta sa mga kubyertos, upuan, palikuran at lahat na yata ng dinadapuan ng kamay. Nabaligtad na yata ang buong bahay makaiwas lang. Sa huli panalo pa rin si Mr. Omicron B1, ngayon ay may B2 na.

Sa kabilang dako ng isip, sumagi ang isang larawan. Sa bayan na aking pinagmulan. Noong kasagsagan ng Covid19, ang mga kabahayan dikit-dikit, mga barong-barong sa estero, ilalim ng mga tulay at makikipot na daan, kahit sa mga condominium o bahay na 2-3 pamilya ang nakatira – paano? Sakripisyo at pagmamahal Masasabi ko na ang mga Ina ang pinakahandang magsakripisyo para sa pamilya. Natatangi at walang balatkayo. Bukal at tigib ng pagmamahal. Walang pag-iimbot, dalisay at matapang. Datapuwa’t hindi minemenos ang isang haligi ng tahanan, sadyang kakaiba ang pinagmumulan ng pagkalinga ng isang Ina.


Huling katanungan Ito kaya ay sinadya ng tao o ng maykapal? Paano kung ang Sensya at teknolohiya ay hindi abante at maunlad? Ito ba ay sangangdaan o walang mapagpipiliang landas?


Enero 30, 2022

35 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page