SA ANINO NG PANDEMIKO ni: Dittz Centeno -De Jesus
Hayaan mo akong makahinga Iwaglit sansaglit ang pangamba Alisin ang maskara sa mukha Langhapin ang hanging may dusa.
Hayaan mong ako ay ngumiti Ipakita ang ningning ng mga labi Hayaan mong sa 'king bibig mamutawi Ang pag-asa na lalayang muli.
Hayaan mong ako ay humiling Mga mahal ko ay makapiling Kahit sa aking huling sandali Sila ay mapadako sa 'king tabi.
Hayaan mong ako ay umalpas Sa dinanas na hirap at dahas Sa huling salita na mabibigkas Sana ay marami ang mailigtas.
Hayaan mong ako ay sumigaw Ihiyaw ang hiling na pupukaw Sa mga kaluluwang Ligaw Na sa tao ay pumipingkaw.
Hayaan mo akong kumilos Itaas ang itak at itulos Upang bigyan ng pagtatapos Ang sa bayan ay bumusabos.
Ang lipunan ay magbabago Anino ng pandemiko maglalaho Sabay sa pagbangon nang walang pagsuko Ng lugmok na sambayanan ko.
Comments