top of page
Writer's picturediasporanas

SA LIKOD NG #UNFAIR

Ni: Rhoderick Ramos Ople



Nakibahagi na rin ba kayo sa bagong hashtag na #UNFAIR na laganap ngayon sa Facebook? Teka, alamin natin ang kabuluhan at kahulugan nito. Busisiin natin. Unfair – di patas, di makatwiran, makaisang panig o madaya. Iyan lamang ang ilan sa mga pwedeng ipakahulugan sa salita. Ngunit may nabubuong bagong pakahulugan sa “UNFAIR” na acronym – ito ay ang Ugnayan ng Nagkakaisang Filipino na ang Adhikain ay Ipakansela ang Renewal Center o PaRCs. Ano ba ang ang di patas na dahilan at tinututulan ng mga pinuno ng samahan ang kontrata na pinasok ng DFA sa BLS? 1. Batay sa mga pagtaya, mas malaki ang populasyon ng mga OFW sa hurisdiksyon ng Philippine Consulate sa Milano kumpara sa Embahada sa Roma. Bagama’t hanggang 1:30 lamang ng tanghali ang bukas ng PCG Milan, lumalabas na wala silang backlog. Kaya bibihira ang mga pumupuna. Sistematikong natutugunan ang pangangailangan ng mga migrante sa Hilagang Italya gamit ang teknolohiya para ayusin ang appointment ng mga nais mag-renew ng passport. Gayong kapwa napailalim sa mahigpit na hagupit ng Pandemya ang dalawang tanggapan. Nakakapagtaka kung anong batayan mayroon sa pagkuha ng 3rd party service provider kung istatistika ang pag-uusapan. 2. Sa tinatayang 200,000 libong OFW sa buong Italya, matatandaan na ang 10 -taong bisa ng pasaporto ay naipagkaloob ng taong 2017. Samakatwid, apat na taon na ang nakalipas, lohikal na isiping ang mayorya ng mga Pinoy sa Italya ay nakapagpanibago na o bago na ang kanilang pasaporte. Kung mayron man na hindi pa nakapag-renew ay maliit na porsyento na lamang ng populasyon ng mga Pilipino sa bansa. Ito ay kung mahusay na naka-angkop ang Embahada sa panahon ng Covid19.

Mukhang hindi dahil may ibang plano. 3. Nagkaroon ba ng public bidding at sino-sino ang lumahok dito? Sino sa mga pribadong entidad na ito ang nag-alok ng pinakamahusay na sistema, abanteng teknolohiya na di mananakaw (hack) o pinakamababang presyo ng serbisyo na katanggap-tanggap sa mga tao?


Naisapubliko ba ang impormasyon na ito at nakonsulta ba ang mga nasasakupan o kliyenteng OFW’s sa kanilang hakbang at desisyon na ginawa? Kung naisagawa ang mga rekisitos na ito, bakit hindi nakaabot sa kaalaman ng mga pamilya at mga manggagawa na nagtatrabaho at naninirahan ang bagay na ito gayong sila ang pangunahing apektado sa kontratang pinasok ng ahensya? 4. Presyo. Tumataginting na 35.00 euro ang convenience fee, appointment fee na 20.00euro, assistance fee na 10.00 euro, revolving fee na 4.50 euro, sms fee na 2.00 euro at 1.00 na halaga ng xerox. Ngayon, kung ikaw ay nakatira sa Isla o taga-malayong rehiyon, kailangan mo marahil na kumuha kuryer na 40.00 euro ang bayad o shipping fee. Kaya butas agad ang bulsa ng mga tinaguriang Bagong Bayani. Nararapat busisin ng komunidad kung ang pagpepresyo ng mga serbisyo ay umaayon sa istandard. Anong regulatory Board ang nag-apruba? Pilipinas ba o dito sa Italya? Dapat ba na patawan ng ganito kataas na presyo ang mga nakasulat na listahan ng babayaran? Kung ating pag-aaralan, ang 54 euro na halaga ng passport ay triple na ang halaga kumpara sa passport na kinukuha sa Pinas ( P900.00 – P1,200). Pero Ok lang, para naman sa Bayan. Pero kung dadagdagan pa ito ng halos 200% taas ng bayarin – UNFAIR di ba? 5. May isang OFW sa Empoli, Tuscany ang naging biktima ng identity theft. Ibig sabihin may gumamit ng kanyang impormasyon na makikita ng lahat sa pasaporto. Nangyari ito noong wala pang PaRCs, gobyerno pa ang nangangasiwa ng lahat. Ang BLS, sa pamamagitan ng mga PaRCs ang tatanggap ng aplikasyon, magsasagawa ng biometrics, kukuha ng biographical details, tatanggap ng kabayaran at magpapamahagi ng naprosesong pasaporto. Kaya alinman sa mga proseso na ito maaring mangyari ang ating kinatatakutan.

Malaking katanungan saan ipapadala ng PaRCs ang mga ito, sa DFA o sa Embassy? Hindi ba nangangailangan ng diplomatic pouch o selyo ng Embahada/DFA ang lahat ng mga dokumento na tumawid patungo sa Host Country at pagpapadala nito sa Pilipinas? Ngayon, kung mangyari ito at ‘wag naman sana – sino sa dalawang institusyon ang ating hahabulin? Sino ang aako ng pananagutan? 6. Optional. Ito ang sinasabi sa pabatid ng Embahada sa Roma. Totoo naman na may pagpipilian, sino ba may sabi na wala. Kaso, siguradong pipili ang mga tao ng mabilis na serbisyo. Lalo na kung di mabigyan ng mabilis na iskedyul para sa renewal ng kanilang passport sa Embahada.

Dagdag pa kung may emergency sa kanilang pamilya na uuwian sa Pilipinas, maliit na negosyong dapat asikasuhin, graduation ng mga anak o kaya ay kasal, libing ng mahal sa buhay at iba pang importanteng lakad pabalik ng Pilipinas, magrerenew ng Permit of Stay at iba pang mga katulad na halaga. Nakaka-stress ang mga ito, di ba? Kaya retoriko lang na may “option”, kasi wala naman talaga. Kasi, sa pagitan ng mabilis at mabagal na serbisyo – kakapit ka sa patalim. May mga OFW pa nga na nagsasabi na doon nila ipinapasa sa PaRCs. 7. Nagtataka ang maraming OFW, nasa kategorya na “Bianco” ang Italya pero wala pa rin Consular Mobile Outreach na isinasagawa. Samantalang ang ibang nasyon ay nagkaroon na. Ikinakatwiran na may mga DPCM na dapat sundin. Mga restriksyon na nagbabawal sa kanila na lumabas ng kanilang tanggapan. Ang totoo, may mga istruktura na maaring pagdausan ng Outreach tulad ng Basketball Court, malalaking gymnasium o gusali na matatas ang kisame at may maayos na bentilasyon ng hangin. At ito ay pinapayagan na basta susundin ang mga protokol tulad ng isang metrong distansya, paghuhugas ng alokohol o hand sanitizer, hindi pag-uumpukan at may malinaw na oras ng dating ng mga tao sa lugar. Kaya natin nasasabi ito, nagpapaliga na nga ang mga kominidad ng Pilipino at libo-libo na ang nanonood ng Soccer. 8. May mga Honorary Consulate Office naman, bakit hindi imaksimisa. Ang nakasaad lang naman sa Section 37, Diplomatic and Consular Passports, na hindi sila awtorisado na umakto sa pagagawad ng pasaporto, magbigay ng ekstensyon o muling patunayan ang bisa ng isang pasaporte. Pero ang tungkuling mapagaan, mapahusay, mapabilis ang serbisyo mabawasan ang burukrasiya para sa renewal ng passport ay walang sinasaad na hindi maaring gawin ng konsulato. 9. Magdagdag ng empleyado ang Embahada. Isa itong rekomendasyon na matagal nang ipinapaabot ng mga komunidad. Bagay na ngayon, ang tanging sagot ay ang usapin ng resiprosidad sa bansang Italya. Bakit nga ba hindi ito pwede subalit pinapayagan na ipasa tayo sa iba? 10. Sa aming impormasyon na natanggap, humigit kumulang 15 milyon euro ang halaga ng bagong Embahada sa Roma. Bukod pa dito ang renobasyon na ginawa sa gusali. Sa aming pagkakaalam, kaya naghanap ng mas malaki ay para angkupan ang lumalaking pangangailangan ng mga OFW sa Italya. At iba pang pang-dimplomatikong layunin. Datapuwat ganito ang hangarin, iba ang nangyayari. Sa halip na palawakin at pag-igihan ang serbisyo, nagbabawas at nagpapasa pa ng obligasyon sa pribadong sektor.

Ito ang ilan lamang sa mga dahilan bakit nabuo ang UNFAIR. Para ituwid ang maling direksyon at mapairal ang tamang pananaw at responsibilidad. Dahil ang serbisyo ay hindi dapat ipinapaubaya sa pribadong sektor. Tungkulin at obligasyon ito ng ating Gobyerno sa mamamayan. Ang pribatisasyon at komersyalisasyon ng serbisyo ay magpapahirap sa mga OFW may Pandemya o Wala. Tila pagkakait ito sa Misyon at Bisyon ng Departamento na pagsilbihan, pangalagaan, proteksyonan ang kanyang mamamayan sa labas ng Pilipinas. Kaya UNFAIR!








271 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page