top of page
Writer's picturediasporanas

TATLONG BABAE, TATLONG BITUIN, ISANG EKSIBISYON SA MILANO

TRE DONNE, TRE STELLE…..isang eksibisyon sa Ikonica Gallery

-DIASPORA News and Stories





Matagumpay na nailunsad ng PHILIPPINE CONSULATE GENERAL SA MILANO -ang proyektong ukol sa sining-Pilipino at bahagi rin ng pagdiriwang ng ika-75 taong selebrasyon ng Pagkatatag ng Diplomatikong Ugnayan sa pagitan ng Italya at Pilipinas. Sa pangunguna ni CONSUL GENERAL BERNADETTE THERESE FERNANDEZ at sa buong suporta ng mga opisyal at staff ng PCG Milan, naisagawa ang isang eksibisyon ng mga likhang-sining ng tatlong Pilipina. Ito ay itinanghal sa IKONICA ART GALLERY sa via Nicolo Antonio Porpora 16/A sa Milano at nagkaroon ng seremonya ng pagbubukas ng pagtatanghal nitong ika-2 ng Setyembre, 2022, ganap na ikatlo ng hapon. Ang eksibisyon ay magtatagal hanggang sa ikawalo ng Setyembre.




Ang eksibisyon ay may titulong TRE DONNE, TRE STELLE o Tatlong Babae, Tatlong Bituin at itinanghal sina MERCEDITA “MaDittz” CENTENO-DE JESUS mula sa Bologna, ANN NADINE SILVA VAN MIERLO ng Padova at MARY KATHLEEN MAGPANTAY ng Milano. Nakatanghal sa galeriya ang mga piling obra nilang tatlo na kapapansinan ng magkakaibang istilo at presentasyon.




Si Mercedita na kilala sa larangan ng sining bilang si MaDittz, ay 58 taong gulang na at halos labingwalong taon nang namamasukan bilang family assistant at babysitter sa Bologna. Siya ay nagtapos ng Arkitektura sa Bulacan at dating namamahala ng negosyo ukol sa Arts and Crafts sa Pilipinas. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pangarap na maging pintor at nagkaroon naman ng katuparan dito sa Italya. Ang karaniwang gamit niya ay oil at watercolor sa kanyang mga obra na karamihan ay naglalarawan ng mga kababaihan at kalikasan. Ang ilan sa kanyang mga obra ay nabigyan na ng karangalan sa mga kompetisyon at naitanghal na rin sa iba’t ibang galeriya at okasyon sa komunidad. Idolo niya si Fernando Amorsolo at Frida Kahlo. Isa siya sa napili na maging partisipante sa gaganaping 14th Edition ng Florence Biennale sa ika-14 hanggang 22 ng Oktubre, 2023.




Ang ikalawang Pilipina naman ay si Ann Nadine, 36 taong gulang at anak ng isang Pilipina at amang Pranses. Siya ay isinilang sa Pilipinas nguni’t lumaki na sa Italya. Nagtapos siya ng kursong Bachelor of Arts Major in Consular and Diplomatic Affairs. Siya ay isang potograpo at ngayon ay nabaling ang kanyang interes sa pagpipinta. Siya ay naimpluwensiyahan ng hilig niya sa kulay, kalikasan at mga bulaklak. Gamit din niya ang oil, acrylic at watercolor sa pagpipinta. Kapansin-pansin ang pagpili niya ng mga kulay na nakakapagpakalma sa damdamin ng nagmamasid. Maaalala ang istilo ng pintor na si Claude Monet sa mga obra niya ng mga bulaklak. Naging ilustrador na rin siya ng ilang librong nalimbag at nakapagtanghal na rin sa isang eksibisyon sa Pilipinas. Ang kanyang mga obra ay nabili na rin at napadala na sa iba’t ibang bansa sa Europa. Sa kasalukuyan ay nagtatrabaho siya bilang project controller and illustrator.



.

Ang ikatlong Piliipina ay si Kath, 26 taong gulang at nagtapos ng Architectural Design MSc Architecture and Urban Design sa Politecnico di Milano. Dito na siya sa Italya isinilang at lumaki nguni’t matatas pa rin siya sa pananalita ng wikang Filipino. Siya ay nagtatrabaho na rin bilang isang Architecture intern at freelance artist. Ang kanyang arte ay nakapokus sa mga kababaihan at pagka-Pilipino. Ang kanyang mga inspirasyon sa pagpipinta ay ang mga pintor na sina Gauguin, Klimt at Picasso. Gamit niyang pangunahin sa pagpipinta ay akriliko. Bihasa din siya sa digital art. Bilang isang kabataan, siya ay napili rin bilang isa sa mg Outstanding Filipino Youth ng Sambayanang Pilipino ng San Tomaso, isang Catholic Filipino Community sa Archdiocese ng Milan.




Nagsidating ang mga inimbitang opisyal gaya ng Bise-Alkalde ng Milan na si ANNA SCAVUZZO, Konsehal ALESSANDRA DIANA DI MARCHI, Consul General YUJI AMAMIYA ng Japan kasama si Gng. Amamiya at Consul General ng Korea na si KANG HYUNG-SHIK at Gng. Kim Ji Youn. May mga representante din ng kani-kanilang Konsulato, mula sa Croatia ay si Consul Gordana Biljetina, sa Algeria ay si Acting Consul General Hichem Slougui at sa Hungary ay si Commercial Advisor Daniel Paschek. Naging panauhin din si Dr. Pasqualino Berardinelli at kanyang asawa. May mga personal ding inimbita ang mga pintor mula sa kanilang mga pamilya at mga organisasyon ng kanilang Filipino community mula Milan, Padova at Bologna.





Bahagi ng mensahe ni Consul General Bernadette Fernandez ay ang pasasalamat sa mga nagsidalo sa pagbubukas ng eksibisyon, partikular ang mga opisyal ng siyudad ng Milan. Isang katibayan daw ito ng magandang relasyon sa pagitan ng gobyernong Italya at Pilipinas. Higit din ang kanyang pagkatuwa sa pagdalo ng mga inimbitang opisyal ng mga Konsulato mula sa Japan, Korea, Hungary, Croatia at Algeria. Binigyang-diin din niya ang parehong mga layunin na mapahalagahan ang mga pamilya , maipakilala ang importansya ng pagkain at agrikultura bilang gulugod ng ekonomiya, pati na ang pagsuporta sa mga komunidad ng mga migrante dito sa Italya.


At isa nga daw na pamamaraan upang bigyang-ningning ang selebrasyon ng maayos na ugnayan ng mga bansa ay ang pagpapakilala sa sining -Pilipino at ang mga kababaihan na may talento sa pagpipinta gaya nila Madittz, Nadine at Kath. Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa mga staff ng Konsulato na naging bahagi sa ikatatagumpay ng proyekto.

Sa ikalawang araw ng pagtatanghal, ay nagkaroon naman ng interactive painting ang tatlong pintor. Gumawa sila ng kanya-kanyang obra na magiging iisang interpretasyon ng titulo ng kanilang eksibisyon. Ito ay pinahintulutan ng curator na si ANDREA COLOMBO ng IKONICA Gallery, dahil higit daw itong makakaakit sa mga nais bumisita sa kanyang galeriya.



Ang eksibisyon ay magtatapos sa ika-8 ng Setyembre. Pangarap nila na marami pa ang maging malikhain sa mga kababayang OFW, ang magpatuloy sa pagsasanay at pagpapaunlad sa sarili at tuloy ito ay maibahagi din sa lahat at maipakita na ang mga Pilipino ay di lamang masipag at mapagkakatiwalaan sa trabaho kundi maging sa pagiging mahusay sa iba’t ibang larangan.




68 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page