Kiara at Gian , isang pagmamahalan hanggang sa kabilang-buhay
Ni: Rhoderick Ramos Ople
Mga Litrato: Miriam Macabeo
Inihatid na rin sa kanyang huling hantungan si KIARA FRIAS UGOT, ang kasintahan ni GIAN RIDGE GATPO, na nailibing na ilang araw na ang nakalipas. Nagdiwang pa mandin si Kiara ng kanyang ika-30 kaarawan nitong Oktubre 3, sa gitna ng kalagayang dulot ng coma farmacologico. Sunog ang halos 80% ng kanyang katawan, batay sa report ng mga doktor. Isang pamamanhikan sana mula sa pamilya nila GIAN ang magaganap nitong Oktubre 3 para sa kasal nila ni KIARA, subali’t sinamang-palad na mapabilang ang dalawa, kasama ng tatlong iba pa, sa pagsabog sa isang bahay na nangyari sa Siracusa nitong Oktubre 1. Dineklarang patay si Gian, 30 anyos, bago pa makarating sa ospital. Tumagas na gas ang hinihinalang sanhi ng eksplosyon. Iniimbestigahan pa ng Procura sa Siracusa ang naganap na pagsabog.
Kilalang Hip Hop Intructress sa “Eurodanza 2000” si Kiara at kasalukuyang nagtatrabaho sa Nike Company, London. Dumating siya sa Messina ilang araw pa lamang ang nakakaraan, upang magkaroon na ng katuparan ang pangarap na kasal. Sila ni Gian ay labin-tatlong taon nang magkasintahan. Sa kasamaang palad, sakuna ang sinapit ng nalalapit sanang pag-iisang dibdib nilang dalawa. Sa kaarawan ni Kiara, sinulat ng kanyang Ina, “ Oggi e il tuo giorno Espèciale. Speriamo tanto che tu riprenda presto. Sei coraggiosa, forte i carattere. Non molare, hai un angelo che ti guida lassu. Forza, Kiara, we love you. Buon Compleanno, Anak, Sei grande”.. aniya ni Gng. Rosemarie sa kanyang Facebook account. Nitong ika-12 ng Oktubre ay idinaos ang isang misa para sa magkasintahan at tuloy ay inihatid na sa huling hantungan ang mga labi ni Kiara. Bumuhos ang luha ng pamamaalam mula sa kanyang mga kaanak, mga kaibigan at mga kababayan. Ang misa ay idinaos sa Duomo di Messina, alas-diyes y medya ng umaga. May dalang mga lobong dilaw ang mga kababayan na nakasuot ng shirt na dilaw, na kulay na paborito ni Kiara.
Tunay ngang ang wagas na pagmamahalan, sa kabilang buhay ang hangganan.
Comentarios