OFW KAMI….HANGARIN ang PAGBABAGO SA BAYAN NAMIN
Kami ay nangibang-bayan para sa aming pamilya
Maiahon sa hirap, matupad ang pangarap
Pilipinas na iniwan, laging kinasabikan
Na balang-araw ay muling babalikan.
Bawat sitwasyon, sa bayan ay sinubaybayan
Aming kalagayan, nakakawing sa kasalukuyan
Bilang manggagawa, hangad ay kaginhawahan
Para sa pamilya at sa buong lipunan.
Sa darating na halalan, hangad ay pagbabago
Mapalitan na mga bulok na pinuno
Ang unang hakbang ay makarehistro
At ang panghuli ay tuluyang makaboto.
Bilang lider-OFW, sinikap magpamulat
Sa mga kababayang tila walang balak
Ayusin ang rehistro, tingnan kung aktibo
Magtungo sa embahada, pati sa Konsulato.
Wala kaming hangad kundi tunay na pagbabago
Sa isang lipunang binalot ng maltrato
Nais ay kapayapaan, pati na katarungan
Mahinto ang korupsiyon, maiangat ang kabuhayan.
Mula sa pagrehistro hanggang sa pagboto
Kaming sambayanan ay laging naririto
Upang gumabay at maging ehemplo
At sa ating bayan ay makapagserbisyo.
Overseas Absentee Voting ay paglaanan
Ng panahon at matalinong kapasyahan
Nawa’y mapalaganap tapat na pamumuno
Sinserong mga lider ang siyang maiupo.
Ni: Mercedita Centeno-De Jesus
Bologna, Italy
Comments