ni: Mercedita De Jesus
Sa ika-25 ng Nobyembre, 2022 ay muling ipagdiriwang ang International Day for the Elimination of Violence against Women, o ang Pandaigdigang Araw upang Wakasan ang Karahasan Laban sa Kababaihan, kung kaya’t inilunsad din ang 16 araw na aktibismo simula sa araw na ito hanggang sa ika-10 ng Disyembre na International Human Rights Day naman.
Ang tema para sa taong ito ay “UNITE! ACTIVISM TO END VIOLENCE AGAINST WOMEN AND GIRLS." Kaugnay nito ang ating mga pagkilos upang mapagtibay pa ang adbokasiya at maipaglaban ang mga Karapatan ng ating mga kababaihan na mamuhay nang malaya, ligtas, may dangal at respeto sa buhay.
Kaugnay nito ay ang panawagan sa ating gobyerno na mapalaya na ang mga kababaihang biktima ng kawalan ng katarungan sa pagiging isang political detainee, pagkakulong dahil sa mga gawa-gawang kaso, at pagpapatibay pa sa pagpapatupad ng mga batas na maniniguro sa kaligtasan at pakikipaglaban para sa Karapatan ng mga kababaihan.
Di kaila sa lahat ang patuloy na pamamalagi sa kulungan ni Sen. LEILA DE LIMA dahil sa trumped -up charges laban sa kanya , kabilang na rin ang iba pang kababaihan na nananatili sa pagkakakulong nang hindi napapatunayang nagkasala at biktima lamang ng kawalang-katarungan at kahirapan para mailaban ang kaso.
Kabilang din si MARIA SALOME “SALLY” CRISOSTOMO UJANO, 65 anyos, tubong Bulacan at aktibo sa pagtatanggol sa mga kababaihang biktima ng karahasan at child trafficking. Patuloy ang panawagan ng kanyang mga kaanak , mga kaibigan at mga kasama sa adbokasiya upang mabigyang-pansin ang kanyang kalagayan. Isang taon na mula nang siya ay damputin sa Malolos, Bulacan noong Nobyembre, 2021, ikinulong at kinasuhan ng pagtatago at rebelyon, isang bagay na di niya ginawa dahil siya ay aktibong kumilos noon sa Women’s Crisis Center at sa non-government organizations bilang national coordinator ng PACT o Philippines Against Child Trafficking mula pa noong 2009.
Sa nangyayari ngayon sa ating lipunan na patuloy na pag-aresto at kriminalisasyon sa ating mga human rights defenders , ito ay isang direktang pag-atake sa ating karapatang mag-organisa, makapagpahayag at magtanggol sa mga karapatang pantao.
Ang karahasan laban sa mga kababaihan ay magpapatuloy na isang hadlang sa pagkakamit ng pagkakapantay-pantay sa Karapatan, pag-unlad ng bawat isa at sa pamumuhay nang payapa, ligtas at malaya. Magkaisa at maging aktibo sa adbokasiya upang matigil na ang mga karahasan laban sa mga kababaihan.
Comments